Wednesday, March 8, 2017

WORSHIP RESOURCES FOR THE BACCALAUREATE SERVICE

KONSAGRASYON NG MGA MAGSISIPAGTAPOS[1]
Inihanda ni Rev. Jeric C. Cortado, Southern Philippines Methodist Colleges, Inc., Mt. Apo Village, Kidapawan City

Ang Konsagrasyon sa mga Magsisipagtaspos ay gawin matapos ang Sermon gamit ang Basic Pattern of Worship ng United Methodist Church. Sa yugtong ito, ang mga magsisipagtapos kasama ang kanilang mga guro ay lalapit sa altar kaharap ang pastor.

PANIMULA
Pastor: Ang pagtatapos ay panahon ng magkahalong emosyon. Habang ginugunita ang ating naging karanasan sa paaralan, iniisip ang pag-asang darating. Ito ang panahon ng pagpapaubaya sa ating mga anak upang humakbang sa mas mataas na antas ng pag-aaral.

PAGBABASBAS SA MGA MAGSISIPAGTAPOS
Sa yugtong ito ang mga magsisipagtapos ay luluhod kasama ang kanilang mga magulang sa kanilang likuran.
Pastor: Tayo ay manalangin (tumahimik ang lahat). Diyos ng Kaalaman, sa iyong karunungan kami ay tinuruan ng kaparaanan at kalayaan. Basbasan mo ang mga mag-aaral na ito sa kanilang pagtatapos sa ________________. Nagpapasalamat kami sa mga gurong matiyaga na nagturo at mga magulang na laging umaalalay sa kanila. Samahan niyo po ang mga anak mong ito sa kanilang patuloy na pag-aaral sa buhay at paglalakbay. Palakasin niyo po sila at sangkapan ng mga kakayahang pagtagumpayan ang anumang hamong kanilang haharapin. Maitanim sa kanilang isip at puso ang kahalagahan ng pananalig sa iyo. Amen.

Ito ay konsagrasyon sa mga magsisipagtapos sa kolehiyo.
PAGBABASBAS SA MGA MAGSISIPAGTAPOS
Sa diwang ito aanyayahan ng pastor na lumapit ang mga magsisipagtapos sa harapan, habang ang mga magulang nila, sponsor, at guardians ay nasa kanilang likuran.
Pastor: Ang mapagpalayang turo ni Cristo sa pamamagitan ng ________, ang pagiging mabuting katiwala, ang talino, ang kahusayan sa pamamahala at  paglilingkod sa kapwa ay sumainyo.  
Graduating Class:  Amen.
Graduating Class:  Diyos, aming Magulang at dakilang Guro, kilala Niyo kami at tinawag sa pamamagitan ng aming mga pangalan. Kilala niyo na kami bago pa namin kayo nakilala, minahal niyo na kami bago pa namin kayo minahal.  Marinig nawa namin ang Iyong tinig at hamon upang itaguyod ang kinabukasang may pag-asa.
Pastor: Basbasan mo ang mga mag-aaral na ito sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo. Nagpapasalamat kami sa kanilang mga gurong matiyaga na nagturo. Sa mga magulang, sponsor at guardians na umalalay sa kanilang pag-aaral. Samahan niyo po sila sa kanilang patuloy na paglalakbay. Alisin niyo po sa kanila ang mga pag-aalinlangan at lahat ng sagka upang maunawaan ang layunin ng kanilang buhay. Maitanim sa kanilang isip at puso ang kahalagahan ng pananalig sa iyo at ng katapatan. At sa kanilang paghayo, mahayag sa pamamagitan nila ang natatanging tatak at katangian ng ______________, bilang bukal ng tanglaw at balon ng mga dakila. Amen.

PAGBABASBAS SA MGA SAGISAG NG PAGTATAPOS AT PARANGAL
Sa yugtong ito babasbasan ang mga sagisag ng pagtatapos, gaya ng Gown, Toga, Medalya, Ribbons at iba pa. Wiwisikan ng Holy Water.






[1] Naihanda ang gabay na ito noong ako ay madestino sa Kutang Bato United Methodist Church, Sinsuat Avenue, Cotabato City, taong 2007-2009.

SPMCI WORSHIP RESOURCES FOR THE PALM SUNDAY CELEBRATION

SPMCI WORSHIP RESOURCES FOR THE PALM SUNDAY CELEBRATION[1]
MAIKLING PALIWANAG
Ang Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) ay sinasabing engrandeng pagbubukas ng Semana Santa. Ito ay paggunita sa makasasayan at matagumpay ng pagpasok ng makasaysayang Jesus sa Jerusalem, ang lungsod ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, kasama ang kanyang mga kaibigan mula sa mahabang paglalakbay para sa pagbabago.  Ang kasaysayan ay nagsasabi na ang iglesya ay isang bayang naglalakbay patungo sa kaliwanagang walang hanggan. Si Cristo Jesus ang sinusundan at sinasamahan patungo sa makalangit ng Jerusalem (Hebreo 12:22; Pa 3:12; 21:2).

Noong ikaapat na dantaon pa lamang ay naging ugali na ng mga Kristiyano ang magtipon sa Bundok Olibo sa hapon ng Linggo na nagbubukas sa Semana Santa. Pakikinggan nila roon ang pagsasalaysay ng mga nangyari ayon sa Banal na Kasulatan at saka sila lalakad patungo sa lungsod ng Jerusalem na tinatawag na Simbahan ng Muling Pagkabuhay. Ang mga tao at maraming bata ay may hawak na mga palaspas at sanga ng punong olibo at isinisigaw, “Purihin siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”  Lumaganap ang liturhiyang ito mula sa Jerusalem hanggang sa lahat ng dakong may komunidad ng mga Kristiyano. Ang prusisyon sa Linggo ng Palaspas ay ay kapahayagan ng pagkilala kay Jesus na Mesiyas at Hari.

Sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Palaspas, maliban sa pagwawagayway at prusisyon ng palaspas ay isinasagawa din natin ang pagtatalaga at pababasbas nito. Sa ating pagbabasbas at pagtatalaga ay ipinapahayag sa atin na ang mga dahong ito ay hindi lamang simpleng palamuti. Ito ay napapaalala na ang kalikasan man din ay nagpupuri sa Diyos at kay Cristo Jesus. Nagpapaalala sa kay Jesus na habang pumapasok sa sentro ng Jerusalem ay kinikilalang Mesiyas at Hari. Habang nasa atin itong pag-iingat sa buong taon ay dadalhin tayo sa kasigasigan at matibay na pagtanggap kay Jesus bilang Cristo at Hari. Ang Linggo ng Palaspas ay ipinagdiriwang natin sa ika-6 na Linggo ng Kuwaresma.

MGA AKTO NG PAGSAMBA SA KAPANAHUNAN NG KUWARESMA
+TAWAG SA PAGSAMBA (LINGGO NG PALASPAS)
Pastor: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubulay, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Pastor: Ang Linggo ng Palaspas ay isang engrandeng pagbubukas ng Semana Santa. Ito ay paggunita sa makasaysayan at matagumpay ng pagpasok ng makasaysayang Jesus sa Jerusalem. Ang lungsod ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, kasama ang kanyang mga kaibigan mula sa mahabang paglalakbay para sa pagbabago.  Ang kasaysayan ay nagsasabi na ang iglesya ay isang bayang naglalakbay patungo sa kaliwanagang walang hanggan. Si Cristo Jesus ang sinusundan at sinasamahan patungo sa makalangit na Jerusalem (Hebreo 12:22; Pa 3:12; 21:2).

Noong ikaapat na dantaon pa lamang ay naging ugali na ng mga Kristiyano ang magtipon sa Bundok Olibo sa hapon ng Linggo na nagbubukas sa Semana Santa. Pakikinggan nila roon ang pagsasalaysay ng mga nangyari ayon sa Banal na Kasulatan at saka sila lalakad patungo sa lungsod ng Jerusalem na tinatawag na Simbahan ng Muling Pagkabuhay. Ang mga tao at maraming bata ay may hawak na mga palaspas at sanga ng punong olibo habang sumisigaw, “Purihin siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”  Lumaganap ang liturhiyang ito mula sa Jerusalem hanggang sa lahat ng dakong may komunidad ng mga Kristiyano. Ang ating prusisyon sa Linggo ng Palaspas ay sumasagisag ng ating pagsama kay Jesus sa lungsod ng Jerusalem, sa pook ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ito ay kapahayagan ng pagkilala kay Jesus na Mesiyas at Hari.

Tagpanguna: Mga kapatid, sumama tayo kay Jesu-Cristo sa Jerusalem! Ang paanyayang ito ay naglalahad sa adhikain ng Semana Santa na saksi sa kamatayan at tagumpay ng ating Panginoon. Sapagkat si Jesus ay naging masunurin hanggang sa kamatayan sa krus, siya ay iniluklok na Panginoon (Filipos 2:6-11). Nagpakababa kaya dinakila, nahatulan kaya pinagtagumpay, namatay kaya nagtamo ng kaluwalhatian.  Ang landasing ito ng Panginoon ang landasing naghihintay sa atin. Ang landasing ito at ang pagtahak natin dito ang ipinapahayag ng ating prusisyon sa Linggo ng Pagpapakasakit ni Jesu-Cristo o ng Linggo ng Palaspas.
Komunidad: Sundan natin si Jesus sa Jerusalem!
Pastor: Ito ay paggunita sa dakilang kapahayagan ng katotohanan, ng pagliligtas at ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Isa rin itong hamon, at isang sigaw ng pananampalataya at tagumpay. 
Lahat: Hosanna sa kaitaasan!

+PAMBUNGAD NA PANALANGIN (LINGGO NG PALASPAS)
Tagapanguna: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos na aming Magulang na kumakalinga, nagtuturo ng tunay na karunungan upang kami ay mamuhay sa pag-ibig at katuwiran. Dumadalangin kami na iyong kalingain sa gitna ng aming pagkakasadlak sa kahirapan. Sa pagdiriwang namin ngayon sa matagumpay na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, naniniwala kami na yaon ay kapahayagan ng isang matatag at matapat na paninindigan. Ang katotohanan ay hindi kailanman mapipigilan ng kahit anong banta ng kasamaan at kasinungalingan. Gawaran niyo po kami ng sapat na katatagan at katilinuhan upang hindi kami madaya ng kabuktutan. Hayaan niyo pong mamuhay kami sa iyong kapayapaan, sa kay Cristo Jesus na nagdadala sa amin sa isang malalim na pagbubuhay. Amen.

ANG PAGBABASBAS SA MGA PALASPAS
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos na aming magulang, basbasan mo ang mga dahong ito na nagpapaalala sa amin na ang kalikasan man ay nagpupuri rin sa Iyo, at sa anak mong si Jesus na aming Panginoon. Itinatalaga namin ang mga dahong ito na nagpapaalala kay Jesus habang pumapasok sa sentro ng Jerusalem na kinikilalang Mesiyas at Hari. Sa aming paggunita ay hinahayaan ka naming pumasok sa aming buhay bilang Mesiyas, at maghari sa bawat aspeto ng aming buhay at pagpupunyagi. At habang nasa amin itong pag-iingat sa buong taon ay dadalhin kami sa kasigasigan at matibay na pagtanggap kay Jesus , ang Cristo ng aming pag-iral. Pagpalain mo rin ang bawat isa sa amin na sa tuwing nakikita ang mga dahong ito ay patuloy kaming lumago sa pananalig at paglilingkod. Sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Santo Espiritu. Amen  





[1] Prepared by Rev. Jeric C. Cortado, Southern Philippines Methodist Colleges, Inc., Mt. Apo Village, Kidapawan City, Philippines.