Tuesday, July 3, 2018

SERVICE OF INCENSING AND BLESSINGS, July 4, 2018


SOUTHERN PHILIPPINES METHODIST COLLEGES, INC.
Mt. Apo Village, Kidapawan City, Philippines 9400
Tel. /Fax No.: (064) 577-4297       
Email: spmckidapawan@yahoo.com         Website: www.spmci.edu.ph

SERVICE OF INCENSING AND BLESSINGS [1]

Ang lahat ay magtitipon sa SPMCI Gate, sisimulan ang gawain sa isang malumanay na awitin. Sa diwang ito, sisindihan ang SPMCI Candle at ihahanda ang mga gagamiting sagisag sa prusisyon. Sa prusisyon mauuna ang thurifer katuwang ang boat bearer, susunod ang tagapagdala ng SPMCI candle, ang crucifer, tagapagdala ng book of worship, mga tagapangasiwang pastor, chorale, administrator, at komunidad.

+PAGBATI
Pastor: Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristo na ating kaibigan, at ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Pastor: (Sa diwang ito, ipapaliwanag ng tagapangunang pastor ang Serbisyo ng Insensasyon at Pagbabasbas)…. Kung kaya, papurihan natin ang Diyos sa pamamagitan nitong Serbisyo ng Insensasyon at Pagbabasbas.
Sa diwang ito, ang maaring awitin ang isang angkop na imno.

PAGBABASBAS NG TUBIG
Sa diwang ito, ihahanda ng acolytes ang tubig na babasbasan. Sasambitin ng pastor ang mga sumusunod habang nakaharap sa mga tao:
Mga kapatid, ang tubig na ito ay isang paalala sa tinanggap nating bautismo at pagkakakilanlan bilang isang Kristiyano. Hilingin natin sa Diyos na pakabanalin ito at hayaang maranasan natin ang presensya ng Banal Espiritu sa mga ito.

Matapos ang sandaling katahimikan ay magpapatuloy ang pastor sa kanyang pananalangin.
Diyos na aming Magulang, ang kaloob Mong tubig na bukal ng buhay at pag-asa, naglilinis sa aming mga kasalanan at nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiyasiya.  Basbasan niyo po ang tubig na ito, hayaang maranasan ang Iyong pagkalinga at proteksyon sa pamamagitan nitong tubig. O Diyos, bukal ng buhay at pag-asa, gawin mo kaming malaya mula kasalanan sa pamamagitan ng tubig na ito. At hayaang lumapit sa Iyo upang tanggapin ang biyaya ng kaligtasan. Sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu. Amen.

Kukunin ng pastor ang asin na nakalagay sa isang mangkok at itataas habang sinasambit ang mga sumusunod:
Diyos na aming Magulang, basbasan niyo ang asin na ito, kung paanong binasbasan mo ang asin na ibinuhos ni Propeta Eliseo sa bukal ng tubig upang gawing malinis at magbigay ng buhay (2 Hari 2:19-21). Saan man ang asin at tubig na ito gagamitin ay maging kapahayagan nawa ng paglilinis, pagpreserba at pagpapanumbalik sa kalikasan ng buhay, at maging bukal ng kapangyarihang nakapagpapataboy ng karamdaman, ng masasamang espiritu, at nagsisilbing sanggalang. Igawad niyo po amin ito, sa pamamagitan ni Cristo, aming Panginoon. Amen 

Ilalagay ng pastor ang asin sa nabasbasang tubig.
Sinabi ng Diyos, “Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyusan. Bibigyan ko kayo ng maging puso at bagong espiritu” (Ezekiel 36:25-26).

Itataas ng pastor ang kanyang kamay at sasambitin ang mga sumusunod:
O Diyos, linisin niyo po kami, sala namin ay hugasan at kami ay puputi nang walang kapantay (Awit 51:7)

Sa diwang ito, sasalok ang pastor ng nabasbasang tubig, ilalagay sa isang sisidlan at wiwisikan ang mga tao. Kapag nakabalik na ang pastor sa kanyang lugar, haharap ang pastor sa madla at sasabihin ang mga sumusunod:
Nawa’y ang makapangyarihang Diyos ay maglilinis sa ating mga kasalanan at gawin tayong karapat-dapat sa kanyang makalangit ng piging. Amen.

Sa diwang ito, ang insensaryo ay ihahanda. Babasahin ng pastor ang mga sumusunod na talata.
“Sa iyo, O Diyos, kami’y dumadalangin. Sa aming pagtawag, kami sana’y dinggin. Aming dalangin sana’y tanggapin mo. Masarap na samyong handog ng insenso. Ariing maghapong handog namin sa iyo.” (Awit 141:1-2)

PAGBABASBAS NG INSENSO AT INSENSARYO
Babasbasan ng tagapangunang pastor ang insenso at insensaryo.
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos na aming Magulang, basbasan mo ang mga insenso at insensaryong ito na aming gagamitin ngayon sa Serbisyo ng Insensasyon at Pagbabasbas. Sagisag ng aming pagkilala, pagsamba at pagpupugay sa iyong presensya sa aming kalagitnaan ngayon at sa mga dakong aming pupuntahan. Amen.

PAGBABASBAS NG HAGAR’S WELL, AT GUARD HOUSE
Pastor: Sumainyo ang kapayapaan!
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ngayon ay nagkakatipon sa partikular na dakong ito kung saan ang gate, guardhouse at Hagar’s Well ay makikita.  Isinasagisag ng mga dakong ito ang inclusive spirituality ng SPMCI, ang layunin ng pag-iral nito para sa mga “Hagar” sa kasalukuyan na mula pa sa iba’t ibang dako, kulay, kasarian, henerasyon, lahi at lipi – na kapos sa rekurso at pagkakataon upang maranasan ang buhay na ganap at kasiyasiya.  Gaya nina Hagar at Ismael, sa SPMCI nakita natin ang ating mga sarili na may angking kakayanan at kalakasan. Sa SPMCI, namulat tayo sa ating pagkakataong mabiyayaan at maging biyaya.

Tayo ay manalangin. Diyos, aming Manlilikha, nagpapapasalamat kami sa pagkakaloob mo sa aming ng balon, ang Southern Philippines Methodist Colleges, Inc, na humubog at humuhubog sa amin upang maging pagpapala para sa lahat at gawin makatotohanan para sa lahat ang buhay na ganap at kasiyasiya. Patuloy mong pakabanalin ang dakong ito ng SPMCI. Amen.

Gagawin ng tagapangunang pastor ang insensasyon sa SPMCI Gate, Hagar’s Well, at Guard House. At pagkatapos, habang inaawit ang isang malumanay na awitin ay magprusisyon patungong “pathway” ng Janet McCarty Center for Early Childhood Education
PAGBABASBAS NG DAAN PATUNGONG JANET MCCARTY CENTER FOR EARLY CHILDHOOD EDUCATION
Pastor: Dios na aming magulang, basbasan Mo ang bago at sementadong daanang ito patungong Janet McCarty Center for Early Childhood Education ng SPMCI, na sumasagisag ng paglalakbay papasok sa dako ng karunungan at sa proseso ng paghubog ng magandang kinubukasan ng mga kabataang nag-aaral. Silang napapadako, napapadaan, at dumadalaw rito ay makasumpong ng Iyong kapayapaan, karunungan, at kabanalan. Amen.

Habang inaawit ang isang malumanay na awitin ang lahat magpatuloy sa prusisyon patungong Janet McCarty Center for Early Childhood Education building

PAGBABASBAS NG MUSIC AT KINDERGARTEN ROOM
Sa harap at bandang pintuan ng mga silid magtitipon ang komunidad.
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa music at kindergarten room na ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga magsisitipon sa silid (aralan) na ito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Manalangin tayo. O aming Diyos, basbasan mo ang silid (gusali) na ito na itinayo, ginawa at inihanda upang mabigyan ng dekalidad na edukasyong ang mga bata at kabataan. Ibuhos mo ang iyong banal na Espiritu at paghariin ang iyong kapayapaan sa silid (gusali) na ito, sa gayon ang mga guro at mga mag-aaral ay makaranas ng iyong pagliligtas at biyaya, sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu, ngayon at sa walang-hanggan. Amen.

Sa diwang ito papasok ang pastor sa mga silid at mga bahagi ng silid upang gawin ang insensasyon. Habang ang komunidad ay umaawit ng isang angkop na imno. O di kaya patugtugin ang isa sa mga instrument ng music room at ang bell ng kindergarten room. Matapos ang insensasyon sa dakong ito ay magpatuloy ang prusisyon patungong Green Cafe.

PAGBABASBAS NG GREEN CAFE
Ang lahat ay magtitipon sa Green Café, sasambitin ng pastor ang mga sumusunod:
Pastor: Sumainyo ang kapayapaan!
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Ipinapaala ng Green Café, na ang Diyos ng lahat ng simula, ang lumikha sa atin ayon sa kanyang wangis, babae at lalaki na may kakayanang pagyamanin at pangalagaan ang ibang sangnilikha. Ipinapaalala sa atin ng Green Café, na tayo ay bahagi ng kalikasan at ang pagiging magkaugnay ay kalikasan natin.

Tayo ay manalangin. Diyos ng Manlilikha, patuloy mong ibuhos ang iyong Santo Espiritu sa dakong ito, sa gayon ang lahat ng mapapadako ditto ay makaranas ng iyong biyaya. Mapalago lalo ang aming ugnayan sa bilang tao sa kalikasan, matutong pahalagahan ang lahat ng bahagi ng ecosystem na may natatanging papel na ginagampanan at kakayanan para sa kagalingan ng lahat. Amen.

Matapos ang insensasyon at pagbabasbas ay magpatuloy ang prusisyon patungong MRF building.

PAGBABASBAS NG MATERIAL RECOVERY FACILITY (MRF)
Ang lahat ay magtitipon sa harap ng MRF, matapos ang isang angkop na awit ay sasambitin ng pastor ang mga sumusunod:
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa pasilidad na ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga magsisipaglagay ng segregated na basura dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Manalangin tayo. Diyos na aming Magulang, paghariin mo nga po sa dakong ito (banggitin ang pangalan ng lugar) ang iyong pag-ibig at presensya. Silang napapadako dito ay makasumpong ng iyong kapayapaan, magkaroon ng espiritwalidad na gawing malinis ang kapaligiran, matapat na paghihiwalay ng mga basurang nabubulok at hindi nabubulok at maunawaan ang mga kabuluhan nito bilang isang mabuting katiwala. Amen.

Sa diwang ito ay gagawin ng pastor ang pagwiwisik ng holy water at insensasyon sa MRF.

PAGBABASBAS NG SCHOOL CANTEEN
Ang lahat ay magprusisyon at magtipon sa harap ng school canteen. Sasambitin ng pastor ang mga sumusunod:
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa tindahang ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga napapadako dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Manalangin tayo. Diyos na aming Magulang, manahan nawa dakong ito (banggitin ang pangalan ng lugar) ang iyong pag-ibig at presensya. Basbasan mo ang lahat ng kagamitan dito sa pagluluto at paghahanda ng mga masusustansyang pagkain. Sa mga paninda ng tindahang ito ay maranasan ng bawat isa ang wastong nutrisyon at mabuting kalusugan. Pagpalain mo rin, O Diyos ang mga tagapamahala sa tindahang ito. Amen.

Sa diwang ito ay wiwisikan ng holy water at gagawin ng pastor ang insensasyon sa school canteen.

PAGBABASBAS NG SILID AKLATAN
Ang lahat ay magprusisyon at magtipon sa harap ng Library. Matapos ang isang angkop na awitin ay sasambitin ng pastor ang mga sumusunod:
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang maghari nawa sa silid aralang ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga napapadako dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, paghariin mo nga po sa silid aklatang ito ang iyong pag-ibig at presensya. Silang pumapasok dito upang magbasa at mag-aral ay lumago sa iyong karunungan at pag-ibig. Amen.

Sa diwang ito gagawin ng pastor ang pagbabasbas at insensasyon sa lahat ng bahagi ng silid aklatan.

PAGBABASBAS NG FACULTY ROOM AT DEANS’ OFFICES
At lahat ay magprusisyon at magtipon sa harap SPMCI Faculty Room at Deans’ Offices.
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa mga tanggapang nakapaloob dito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, paghariin mo nga po sa mga tanggapang nakapaloob dito ang iyong pag-ibig at presensya. Sa faculty room, O Diyos, pag-alabin mo ang mga guro sa kanilang pagtuturo at nang maibahagi nila ang kaalamang makapagdudulot ng kalayaan at pag-unlad sa mga mag-aaral. Gawin mong kapuri-puri ang mga guro at mag-aaral sa iyong banal na harapan, at nang maging karapatdapat silang makatanggap ng buhay na walang hanggan, sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu, ngayon at sa walang-hanggan. Amen.

Sa diwang ito, gawin ng pastor ang insensasyon sa nabanggit na mga tanggapan.

PAGBABASBAS NG ADMINISTRATION OFFICE
Ang lahat ay magpatuloy sa prusisyon at magtitipon sa harap ng administration office.
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa mga tanggapang nakapaloob dito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, paghariin mo nga po sa mga tanggapang nakapaloob dito ang iyong pag-ibig at presensya……… Amen.

Sa diwang ito, gawin ng pastor ang insensasyon sa nabanggit na mga tanggapan.

PAGBABASBAS NG MGA SILID ARALAN
Magpatuloy ang prusisyon sa mga silid aralan.
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa mga silid aralang ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, paghariin mo nga po sa mga silid aralang ito ang iyong pag-ibig at presensya.  O Diyos, pag-alabin mo ang mga guro sa kanilang pagtuturo at nang maibahagi nila ang kaalamang makapagdudulot ng kalayaan at pag-unlad sa mga mag-aaral. Igawad mong maunawaan at manatili sa puso at isip ng mga mag-aaral ang mga pinag-aaralan nila at maisabuhay ito. Sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu, ngayon at sa walang-hanggan. Amen.

Sa diwang ito, gawin ng pastor ang insensasyon sa mga silid aralan.

PAGBABASBAS NGTANGGAPAN NG DSAS, CHAPLAIN, AT GUIDANCE COUNSELOR
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa mga tanggapang nakapaloob dito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, paghariin mo nga po sa mga tanggapang nakapaloob dito ang iyong pag-ibig at presensya. Sa pamamagitan ng mga tanggapang ito, maunawaan at manatili sa puso at isip ng mga mag-aaral ang mga pinag-aaralan nila at maisabuhay ito. Gawin mong kapuri-puri ang mga guro at mag-aaral sa iyong banal na harapan, at nang maging karapatdapat silang makatanggap ng buhay na walang hanggan, sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu, ngayon at sa walang-hanggan. Amen.

Sa diwang ito, Gagawin ng pastor ang insensasyon sa nabanggit na mga tanggapan.

PAGBABASBAS NG SOUL (Students’ Offices for United Leadership)
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa mga tanggapang nakapaloob dito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, basbasan Mo po ang tanggapang ito, nawa’y sa tanggapang ito ay maranasan ng mga mag-aaral at lahat ng mga papasok dito ang Iyong presensya at patnubay. Sa gayon, malayang mahayag ng mga mag-aaral ang kanilang mga karapatan, kakayanan, at kalakalasan na isang malaking ambag upang lumago ang paaralang ito.Amen.

Sa diwang ito, gawin ng pastor ang insensasyon sa nabanggit na tanggapan.

PAGBABASBAS NG SCHOOL CLINIC
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa dakong ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, basbasan mo ang klinikang ito ng paaralan at lahat ng pumapasok sa silid na ito. Masumpungan ka nawa namin na aming dakilang Manggagamot, Dentista, Nars or Health Workers. Loobin Mo, O Diyos, na ang klinikang ito ay magsilbing dako upang masuri at maalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral, mga guro at empleyado sa paaralang ito. Mabigyan ng karampatang tugon ang lahat ng nangangailangan ng serbisyo ng klinikang ito. Amen.

Sa diwang ito, gawin ng pastor ang insensasyon sa nabanggit na tanggapan.

PAGBABASBAS NG SCHOOL STAGE
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa dakong ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga napapadako dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, basbasan mo ang entabladong ito na hindi lamang magsisilbing tanghalan for aesthetic purposes at entertainment, kundi maging tanghalan ng iyong kabanalan, karunungan, at pag-ibig. Mabigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na mapalago at malinang ang kanilang mga talento, kakayanan at buhay sa pagtatanghal ng kanilang natatanging kultura, espiritualidad, tradisyon, at sining ng komunidad na kanilang pinanggalingan at kinabibilangan. Lahat ng mapapadako dito ay mamulat at masangkapan ng kalakasan at kakayanan upang maitaguyod ang buhay ng ganap at kasiyasiya. Amen.

Sa diwang ito, wiwisikan ang lugar ng holy water at gawin ng pastor ang insensasyon sa school stage.

PAGBABASBAS NG PEACE PARK
Magtitipon ang lahat sa SPMCI Peace Park, isang angkop na imno ang maaring awitin.
Pastor:  Sumaainyo ang kapayapaan ng Dios!
People: At sumaiyo rin!
Pastor: Tayo ay manalangin. Diyos na aming Magulang, Diyos ng Kapayapaan, ibuhos mo ang iyong Banal na Espiritu sa Peace Park ng SPMCI. Pakabanalin mo and dakong ito, O Diyos, kung saan mapaguusapan at maayos ng bawat isa ang mga personal na isyu, reserbasyon at mga bagay na nakakaapekto sa relasyon at paglago ng isang indibidwal. Sa iyong patnubay at presensay sa dakong ito, maging malaya ang isa’t isa na maibahagi ang mga saloobin na may paggalang, katapatan, at kagandahang loob. Sa gayon, mahayag ang kabutihan ng bawat isa, matutong makinig at umunawa sa pananaw at saloobin ng kapwa, at makita ang biyaya ng pagkakaiba-iba. Sa iyong diwa, gawin mo kaming isa, kaisa ng isa’t isa, at sa pamamagitan ng pag-uusap ay magawa naming maayos ang mga gusot o di pagkakaunawaan. Amen.

Sa diwang ito, gagawin ang insensasyon at pagbababas.
Ang lahat ay magprusisyon at magtitipon sa harap ng Ladies at Gents Dormitory.

PAGBABASBAS NG DORMITORYO
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa dormitoryong ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Manalangin tayo. Walanghanggang Diyos, pagpalain mo ang dormitoryong ito. Paghariin mo nga po ang iyong pag-ibig at mahayag rito ang ipinangako mong presensya. Silang mga pumapasok at lumalabas rito ay maturuan na magmahal, kung paano mo kami minahal at lumago sa iyong kagandahang loob.  Mamuhay sa kapayapaan ni Jesu-Cristong aming Panginoon. Amen.

Diyos na pinagmulan naming lahat, pagpalain Mo ang dormitoryong ito at silang mga nakatira rito, lumago nawa sila sa iyong kagandahang loob. Sa pangalan ni Jesus-Cristo, aming Panginoon. Amen.

Sa diwang ito gagawin ng pastor ang insensasyon sa mga bahagi at silid ng dormitory.

PAGBABASBAS NG KAPILYA
Ang lahat ay magpatuloy sa prusisyon patungong SPMCI Chapel.
Pastor: Ang kapayapaan ng Diyos ang manahan nawa sa kapilyang ito.
Komunidad: At sa lahat ng mga pumapasok dito.
Pastor: Ang Diyos ang ating saklolo.
Komunidad: Siyang lumikha ng langit at lupa.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay manalangin. Ibuhos mo, O Diyos, ang iyong Santo Espiritu sa kapilyang ito, pagpalain at pakabanalin ang lahat ng aming mga pagdiriwang at pagtitipon sa dakong ito. Panatilihin niyo sa amin ang pagkilala sa kabanalan ng kapilyang ito kung saan ang iyong pag-ibig at pagkalinga ay aming mararanasan. Amen.

Gagawin ng pastor ng pagbabasbas sa kapilya at pagkatapos sasambitin nito ang mga sumusunod sa harap ng komunidad:

Pastor: Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristo na ating kaibigan, at ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Pastor: Sumainyo ang presensya ng Panginoon?
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Itaas ninyo ang inyong mga puso.
Komunidad: Itinataas namin ang mga yaon sa Panginoon.
Pastor: Ihanda nga natin ang ating mga sarili sa pagdiriwang ng Banal na Komunyon.
Komunidad: Ito ay matuwid at nararapat. Sa Diyos ang papuri.
Pastor: Amen.
Ang lahat ay magsipaghanda na para sa Banal na Kumunyon.

BANAL NA KOMUNYON
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Itaas ninyo ang inyong mga puso.
Komunidad: Itinataas namin ang mga yaon sa Panginoon.
Pastor: Ito ang dulang ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na umaanyaya sa lahat ng nananalig sa kanya at nagnanais na maging bahagi sa piging na inihanda nito para sa lahat. Maging ang mga maliliit na mga bata na nagnanais na lumago kay Jesu-Cristo araw-araw ay malayang makisalo sa dulang ni Jesus.
Lahat: Amen, Amen, Amen.
Pastor: Magpasalamat tayo sa Panginoon nating Diyos.
Komunidad: Matuwid na magpasalamat at magpuri.
Pastor: Matuwid at isang bagay na mabuti na magpasalamat sa iyong lagi at saanman, Makapangyarihang Diyos, Tagapaglikha ng langit at daigdig.

Sapagkat, gaya ng isang ordinaryong salo-salo na nagpapabuklod sa atin bilang isang pamilya, ang salo-salong ito ay tumutulong sa atin na maitatag tayo bilang pamilya ng Diyos. Mula pa noong Unang Siglo, ang pagdiriwang na ito ay naging makahulugang pagsasalo ng tinapay at alak. Ito ay isang serbisyo ng pagkakaisa kay Cristo. Sa kay Cristo tayo ay naging malapit sa isa’t isa. 

Ang makasaysayang Jesus ay kapahayagan na ang Diyos ay kasama natin.  Dumating sa atin, nanahan sa atin, dala ang Mabuting Balita sa mga dukha, kagalingan ng mga may sakit, muling pagkabuhay ng mga patay, pakikisalo sa mga makasalanan, at karunungan ng kaparaanan tungo sa buhay na kasiyasiya.

Noong gabi bago ang pagkakanulo kay Jesus, gabi nang salo-salo at ganap na pagtatalaga ng sarili para sa ating lahat, kumuha s’ya ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay, at ipinamahagi iyon sa kanyang mga naunang disipulo, at sinabi: “Kumuha kayo, kumain kayo; ito ang aking katawang ibinigay para sa inyo. Gawin n’yo ito sa pag-aalala sa akin.”

Nang matapos ang hapunan, kinuha n’ya ang saro, nagpasalamat sa Diyos, ibinigay iyon sa kanyang mga naunang disipulo, at sinabi: “Uminom kayo mula rito, lahat kayo; ito ang aking dugo ng bagong tipan, nabuhos para sa inyo at para sa marami para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Gawin n’yo ito, sindalas ng pag-inom ninyo nito, sa pag-aalaala sa akin. 

Gaya ng ginagawa natin ngayon na pagsasalo ng camote at ng pag-inom ng kape, na pangunahing naidudulot ng mga katutubo na sagisag ng pagtanggap sa mga napapadaan sa kanilang komunidad.

Sa tuwing tayo ay kakain, ating alalahanin ang kabuuan ng buhay at kung papaano nito nawawasak ang kasakiman. Kumain tayo, pagsaluhan nating lahat ito hanggang sa tayo ay muling maging buo.

Itataas ng pastor ang kamote at isang tasang kape, tanda ng pasasalamat. Ang mga camote at kape ay idudulot. Ang kapag nakatanggap na ang lahat, sasambitin ng pastor ang mga sumusunod.

Pastor: Maghari ka nawa sa amin O Diyos. Makita ang wangis ni Cristo sa aming buhay at sa aming mga pagtitipon ay madama ang posibilidad ng alternatibong komunidad na nais mong maitatag sa mundong ito. Amen.

 

IMNO                                 FOR THE BEAUTY OF THE EARTH”

SA LUPANG KAGANDAHAN AT SA KALWALHATIAN
SA PAG-IBIG NA ALAY MULA SA ‘MING  PAGSILANG.
KORO:
DIOS NG BUONG NILALANG,
PINASASALAMATAN.
SA PANAHONG MAINAM NG GABI AT NG ARAW
PARANG AT BULAKLAKAN BIT’WIN ARAW AT BUWAN.
SA GALAK NG TAINGA PUSO ISIP AT MATA
HIWAGANG MAGKASAMA NG HIMIG NA LIGAYA.
DAHIL SA PAG-IBIG NG KAPATID AT MAGULANG
AT MGA KAIBIGAN SA LUPA’T SA LANGIT MAN.
BAYAN MONG MINAMAHAL TUWINA AY KATUWANG
SA NANGANGAILANGAN GAWANG MAPAGPALAYA.
SA BANAL MONG KALOOB NA SA AMIN AY HANDOG
NI CRISTONG KAIBIGAN, BINUKLOD KAMING BAYAN.
PANALANGING PASTORAL
+BENDISYON
+TATLONG AMEN
PAGHAYO

Reference
1.       Ang Panlipunang Prinsipyo ng United Methodist Church. Philippines: Discipleship Resources-Philippines.
2.       (2000) The United Methodist Book of Worship. USA: The United Methodist Publishing House.
3.       Vengco, Sabino A. (1987) Mga Tanda at Kilos sa Liturhiya. Philippines: St. Publications.



[1] Inihanda ni Rev. Jeric C. Cortado, Acting Dean of the College of Theology, Southern Philippines Methodist Colleges, Inc., Mt. Apo Village, Poblacion, Kidapawan City. July 4, 2018.

No comments:

Post a Comment