“ANG
HUKOM AT ANG MGA BALO”[1]
Isang
Pagninilay sa Lucas 18:1-8
1.
ONSTAGE.
EXT. SA DAANAN. ARAW
Pedro:
Tingnan mo nga Jesus! Ginawa na natin ang lahat. Napudpod na ang ating mga
sandalyas. Nangangamoy na tayo sa pawis sa pagsusulong ng pagbabago. Pero ano
ang ating napala?
Jesus:
Kalma ka lang. Wala ka talagang pasensya, Pedro.
Pedro: Ah
ganon, magpasensya! Kalma lang! Ano ka ba Jesus! Buksan mo nga ang iyong mga
mata! Hindi biro ang pinaggagawa natin. Para tayong nagbubungkal para patagin
ang malaking bundok sa ating harapan. Ginagawa nating hangal ang ating sarili,
Jesus!
Jesus:
Talagang hangal tayo, Pedro. Kung tunay tayong may pananalig sa Panginoon at sa
ating mga sarili, kaya nating patagin ang bundok at maitapon sa dagat. Alam mo
noong bata pa ako, noong nasa Nazaret pa kami ng balo kong inang si Maria.
Habang sila ay nagtatrabaho sa bukirin ng panginoong-maylupang si Ananias.
Narinig ko ang pag-uusap nila nanay kasama ang kanyang mga kasamahang pesante.
(Patuloy
sa paglalakad sina Pedro, Jesus at iba pang mga alagad habang
nag-uusap….papuntang exit)
EXIT.
2.
ONSTAGE.EXT.SA
BUKIRIN. ARAW
(Nag-uusap
ang mga pagod at dismayadong mga kababaihan sa kanilang trabaho.)
Susana: Gago talaga
itong si Ananias! Napakawalanghiya niya! Sana magkasakit yan at mamatay na!
Rebecca: Mantakin mo,
tatlong linggo na tayong nag-tatrabaho ditto sa kanyang bukirin. Pero hindi
parin tayo binabayaran. Hindi maari ito! Sumpa man, sa pamamagitan ng trumpeta
sa Jerico malalaman ng buong mundo ang kanyang kasakiman at kasamaan. At ang
matandang ito ay babayaran tayo. Dahil kung hindi!
Michal: Dahil ano,
Rebecca? Huminahon ka nga. Huwag mong sayangin ang iyong lakas. Ano ang
magagawa natin kung hindi niya tayo bigyan ng sahod? Wala! Kung buhay pa lang
sana ang ating mga asawa ay maipagtatanggol nila tayo. Pero ano ang ating
magagawa? Mga balo na tayo. Pasan natin ang krus at kailangan magtrabaho na
parang hayop.
FREEZE.
3.
ONSTAGE.EXT.SA
DAANAN.ARAW
(Si
Jesus sa daanan, habang patuloy na nagkukuwento sa kanyang mga alagad.)
Jesus: Ang
aking inang si Maria, kasama ang aming mga kapitbahay gaya ni nanay Susana, mga
balo sa Nazareth ay hindi nabayaran sa tatlong linggo nilang sahod sa pag-aani
ng bunga ng olibo sa bukirin ni Ananias. Galit sila dahil ilang ulit na itong
ginawa ni Ananias sa kanila at ng iba pang panginoong-maylupa. Malimit
napagsasamantalahan sa maliit na sahod at hirap ng trabaho. Maliban na sila ay
nakakaranas ng diskriminasyon.
(Magpapatuloy
sila sa paglalakad patungong exit.)
EXIT.
4.
RELAX.EXT.
SA BUKIRIN.ARAW
(Ang
mga kababaihan ay nagpulong upang pag-usapan ang mga susunod nilang hakbang.)
Maria: Mga kasama,
kailangang kumilos tayo. Hindi na tama na ganito na lang lagi. Ang ating mga
anak ay nagugutom dahil sa kasakiman ng mga panginoong-maylupa.
Michal: Kumadre,
mayroon ba tayong magagawa? Kapalaran natin ito at tanggapin natin ang
kapalarang ito.
Maria: Ano bang
pinagsasabi mong kapalaran? Hindi totoo yan Michal. Hindi ko matatanggap na
kapalaran natin ang maghirap ng ganito. Ang magutom ang ating mga anak. Alam mo
ba ang sinabi ng nasira kong asawa na si Jose? At sumalangit nawa ang kanyang
kaluluwa. Sabi niya, tayo ang gumagawa ng ating kapalaran, nasa ating mga kamay
ang ating kinabukasan.
Susana: Totoo yan
Maria, pero tayo’y mga babae at mga mahihina. Alam mo yan diba?
Maria: Papaano mo
masabing mahina tayo dahil tayo ay mga babae, Susana? Hindi ba si Judith ang
pumugot ng ulo sa isang higante na nakalimutan ko na kung sino yon? Noong
panahon na ang mga kalalakihan ng Israel ay nabalot ng takot, sino ang namuno
laban sa pang-aatake ng mga Canaanites? Si Deborah na babae katulad mo at
katulad ko. At hindi ba’t si Reyna Esther ay palaban din?
Rebecca: Tama si Maria.
Ang problema, ang babae lalo na at balo ito, dahil sa pag-iisa malimit nakatago
katulad ng daga sa lungga.
Maria: Kung ganon,
panahon na para lumabas sa lungga at parusahan ang abusadong pusa.
Susana: Oo, tama!
Kumilos tayo para sa ating kagalingan na mga balo at kababaihan, at para sa
ating mga anak!
Maria: Tayo na’t
tumungo sa Cana at magsampa ng reklamo laban sa gahamang si Ananias. Ano ang
trabaho ng hukom, di ba’t ipataw ang katarungan, tama? Kausapin natin ang hukom
sa gayon ay dalhin niya ang ating mga reklamo sa korte.
(Maglalakbay
sila patungong Cana…..going exit direction.)
EXIT.
5.
ONSTAGE.
EXT. SA DAANAN.ARAW
Jesus: Si
Nanay Maria, kasama ang iba pang balo sa Nazareth ay tumungo sa gawing norte
patungong Cana. At nakipagkita sa hukom na nagngangalang Jacinto. Isang mataba
at kalbong hukom na nakabase sa Cana.
(Kasama
ang kanyang mga alagad ay magpatuloy sa paglalakbay…..going to exit direction.)
EXIT.
6.
ONSTAGE.EXT.
SA HARAP NG TAHANAN NI JACINTO.ARAW
Rebecca: Hukom na
Jacinto! Hukom na Jacinto! Hukom na Jacinto! Hukom na Jacinto!
Jacinto: Anong kaguluhan
mayroon dito sa labas ng aking bahay? Pambihira! Sino kayong mga nanggugulo?
Susana: Kami ang mga
balong galing pa sa Nazareth! May sasabihin lang kaming mahalga sa iyo.
Pakiusap pakinggan mo kami.
Jacinto: Kayong mga
patay gutom. Ano ang inyong nais? Bakit ninyo ako ginugulo?
Maria: Hindi namin
kayo ginugulo. Naandito kami dahil ipinagkait sa amin ang tatlong linggong
sahod. Matapos kaming naghirap sa pagtatrabaho sa bukirin ni Ananias ay hindi
kami binayaran.
Jacinto: At ano ngayon?
Rebecca: Hukom ka di ba?
At bilang hukom ipinapataw aming hustisya’t katarungan sa mga naaapi.
Jacinto: Ipinakukulong namin
ang mga nanggugulo na tulad ninyo. Abala ako ngayon, kaya puwede bang huwag
ninyo akong gambalain.
Maria: Sir, ang amin
lang pakiusap. Huwag mo naman kaming talikuran agad. Alam naming kilala ninyo
ang matandang si Ananias. Pinagtrabaho niya kami sa kanyang taniman ng olibo ng
tatlong linggo. At hanggang ngayon ay di pa pa namin natatanggap ang aming
pinagpagalan. Sa tingin niyo ba makatarungan ang kanyang ginawa sa amin?
Jacinto: At ano ang
gusto ninyong mangyari ngayon?
Susana: Nais naming
sampahan siya ng kaso sa korte. Nais naming pagkalooban niyo kami ng
katarungan.
Jacinto: Well, dapat
malinaw ito. Kung ipagtatanggol ko kayo sa korte, magkano naman ang ibabayad
niyo sa akin?
Michal: Ano? Pakiulit
nga po ang sinabi niyo? Galing kami sa mahirap na distrito.
Jacinto: Ang sabi ko,
kug ilalakad ko ang kaso ninyo, magkano naman ang kabayaran dito? Aba’y di biro
itong usapin.
Maria: Sir, nakita
niyo naman, kami ay mga balo’t mahihirap.
Ano ang aming maibabayad sa inyo? At paano kami makababayad kung hindi
kami babayaran ni Ananias.
Jacinto: Ah, ok!
Nauunawaan ko. Kung gayon, babalik nalang kayo sa susunod na linggo. Ako ay
abala ngayon. Kaya balik nalang kayo next week at tingnan ko kung anong
magagawa ko para sa inyo.
Jesus:
Kaya, mula sa Cana, ang aking ina kasama ang iba pang mga balo ay naglakad ng
pitong milya pabalik ng Nazareth. At
matapos ang isang lingsgo….
Susana: Ipagkaloob mo
sa amin ang katarungan! Hukom na Jacinto parang awa mo na!
Rebecca: Babayaran ka namin
kapag naibigay na ni Ananias ang nararapat naming sahod. Ipaglaban mo kami sa
korte.
Jacinto: Bayaran?
Magkano? Sabihin niyo sa akin at magkano ang kabayaran?
Michal: Makakaipon kami
ng sampung denaryo, o kahit pa labing limang denaryo ang ibibigay namin.
Jacinto: Ano! Limampung
denaryo? Ganon lang? Ang cheap nyo ah! Hiniling niyo akong makipag-usap at
ipaglaban kayo laban sa pinakamakapangyarihan. Tapos limampung denaryo lang!
Hindi niyo ba naiisip na sa isang kumpas lang ng kanyang kamay ay pwede akong
mabitay o ipapatay?
Susana: Unawain niyo
naman ang kalagayan aming. Kami ay balo at mahirap.
Jacinto: Of course
naintindihan ko kayo. At dapat din ninyong maunawaan na marami akong ginagawa.
Hindi ko kayo maasikaso. Babalik nalang kayo sa susunod na linggo at titingnan
ko kung ano ang aking magagawa.
(Maglalalakbay
ang mga kababaihan…..going to exit direction.)
EXIT.
7.
ONSTAGE.
EXT. SA DAANAN.GABI.
(Papasok
sina Jesus na may dalang sulo habang naglalakbay.)
Jesus: Kaya
pitong milya na naman ang nilakad nila nanay pabalik ng Nazareth. At matapos
ang isang linggo, binagtas na naman nila ang pitong milya patungong Cana.
(Patuloy
na naglalakbay sina Jesus, dala nila ay sulo…..going to exit direction.)
EXIT.
8.
ONSTAGE.EXT.SA
HARAPAN NG TAHAHAN NI JACINTO.ARAW
(Ang
mga kababaihan sa harap ng tahanan ng hukom na si Jacinto.Si Jacinto ay nasa
pintuan ng kanyang tahanan kaharap ang mga nagrereklamong kababaihan.)
Susana: Ngunit sir,
gaano pa ba katagal kaming pabalik-balik dito?
Rebecca: Payat na payat
na ang aming mga anak dahil wala nang makain. Marami na sa kanila ang
nagkakasakit.
Michal: Hukom,
pagmasdan mo aking suso. Tuyong-toyo na!
Ang aming mga anak ay namamatay na sa gutom, nagkakasakit na sila.
Jacinto: Pakialam ko sa
mga batang yan! Hindi naman ako ang nagluwal sa kanila. Hindi ko naman mga anak
yan. Kaya bakit niyo ako ginagambala? Bakit di n’yo nalang pag-usapan sa inyo?
Umalis na kayo at tigilan na ninyo ang panggugulo sa akin.
Maria: O sige po.
Huwag niyo itong gawin para sa kapakanan namin at sa aming mga anak.
Jacinto: At para kanino
naman!
Maria: Gawin niyo ito
para sa Diyos.
Jacinto: Ha ha ha…para
sa Diyos? Anong pakialam ko sa Diyos? Nasa langit siya at ako naman ay dito sa
lupa. Hindi ba’t sinasabi ninyo na ang Diyos ay magkakaloob ng katarungan sa
mga mahihirap? Bakit di kayo kumuha ng mataas na hagdanan. Akyatin niyo ang
Diyos doon sa langit at kausapin niyo siya. Doon kayo humingi ng katarungan. At
ako’y tigilan na ninyo!
Susana: Wala kang
kasing sama! Abusadong hukom!
Maria: Huminahon ka
Susana.
Michal: Ano na gagawin natin
ngayon, Maria? Bigo tayo.
Maria: Hindi, hindi pa
tapos ang laban! Patuloy nating ipaglaban ating mga karapatan.
Rebecca: Nasisiraan ka
na ba ng bait, Maria? Papaano tayo lalaban ni wala tayong dalang kahit man lang
pamalo!
Maria: Hindi natin
kailangan ng pamalo o espada sa laban na ito, Rebecca.
Rebecca: Kung
magkagayon, ano ang gagawin natin, Maria?
Maria: Ang kailangan ay
tiyaga at pasensya.
Susana: Para ano pa?
Para sa ano?
Maria: Upang wakasan
ang pasensya ng hukom. Naalala niyo ba ang ginawa ni Moises sa Ehipto? Taglay ng Faraon
ang lahat. Nasa kanya ang kayamanan, mga sundalo at karwaheng pandigma! Si
Moises ay wala. Ang tanging taglay niya ay ang katigasan ng ulo sa tingin ni
Faraon. Sa pamamagitan niya, ginawang dugo ni Yahweh ang tubig sa Ehipto.
Pinadalhan ng mga balang at sangkatutak
na peste ang kaharian ni Faraon. Ginawang madilim ng tatlong araw ang lungsod
nito.
Susana: Pero, Maria,
mga babaing balo lamang tayo. Nagawa iyon ni Moises dahil lalaki siya at
maraming mga taong nasa likuran niya.
Michal: Para lamang
tayong nga lamok, samantalang sila’y mga dambuhalang elepante.
Maria: Iyan ang punto,
Michal. Yan ang isa sa mga pesteng dumating sa Ehipto, mga lamok. At dahil
dito, tinitiyak ko sa inyo na ang sanlibung lamok ang hindi magpapatulog sa
elepanteng nakatira sa palasyo. Halikayo! Bumalik tayo sa bahay ni Jacinto.
(Papasok
sa kanyang tahanan si Jacinto at aalis ang mga kababaihan……going to exit.)
EXIT.
9.
ONSTAGE.EXIT.SA
DAANAN.GABI
(Papasok
si Jesus kasama ang mga alagad nito na may dalang sulo.)
Jesus: Kaya’t ang may matitigas na ulo na mga
magsasaka at babaing balo ay bumalik sa harapan ng bahay ng matabang hukom.
(Magpatuloy
sa paglalakbay sina Jesus….going to exit.)
EXIT.
10. ONSTAGE.SA HARAP NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
Jacinto: Nandito na
naman kayo? Pambihira! Hindi ba’t sinabi kong layuan na ninyo ako? Bigyan niyo
na ako ng katahimikan! Mga bingi ba kayo! Ano pa ang hinihintay ninyo, umalis
na kayo!
Maria: Kami ay
naghihintay sa hukom ng Israel upang ipagkaloob ang katarungan para sa
mahihirap.
Jacinto: Kung gayon,
umupo kayo diyan. Dahil matagal ang hinihintay ninyong katarungan.
Maria: Yan talaga ang
gagawin namin. Mga kapitbahay at kasama, magsiupo tayong lahat dito sa harapan
ng bahay ni hukom Jacinto.
(Uupo
silang lahat ng mga nagrereklamo…..then Freeze.)
FREEZE.
11. ONSTAGE. EXT. SA DAANAN. ARAW
Jesus:
Pagkasabi ni nanay Maria, ang lahat ng mga balong kasama niya ay nagsiupo sa
harapan ng bahay ng matabang hukom. Sila ay nagpicket-rally doon.
(Patuloy
na maglalakbay sina Jesus …..going to exit direction.)
EXIT.
12. RELAKS.SA HARAPAN NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
(Galit
na galit si Jacinto habang kinakausap ang mga nag-piket rally.)
Jacinto: Ang titigas
talaga ng ulo ninyo! Ang kukulit ninyo! Sige, manatili kayo diyan hanggang sa
kayo ay manigas sa kahihintay! Bahala kayo!
(Tatalikuran
ni Jacinto ang mga tao….papasok sa tahanan....then ang mga tao mag-freeze.)
FREEZE.
13. ONSTAGE.SA DAANAN.ARAW
(Papasok
sina Jesus mula sa lower left…going to center stage…)
Jesus: Isinarang muli ng hukom ang kanyang pintuan.
At hindi pa nagtagal ay hinarap niya uli ang mga tao.
(Magpapatuloy
sila sa paglalakbay….going to lower right stage….then freeze.)
FREEZE.
14. RELAKS.SA HARAP NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
(Lalabas
at haharapin uli ni Jacinto ang mga tao.)
Jacinto: Andiyan parin
kayo? Nasisiraan na ba kayo ng bait?
Susana: Hindi! Ikaw ang
nauubusan na ng pasensya, hukom!
Maria: Hindi kami
aalis dito hangga’t hindi ninyo ipagkakaloob sa amin ang katarungan!
(Tatalikuran
uli ni Jacinto ang mga tao at papasok sa kanyang tahanan…then Freeze ang mga
tao sa kanilang atake.)
FREEZE.
15. RELAKS. SA DAANAN. ARAW
(Mula
sa lower right stage….maglalakbay sina Jesus patungong center stage.)
Jesus:
Muling isinara ng hukom ang pintuan at hinayaan ang mga tao sa labas.
(Magpatuloy
sa paglalakbay sina Jesus patungong lower left stage…uupo kasama ang mga alagad
upang magpahinga….then Freeze.)
FREEZE.
16. RELAKS. SA HARAP NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
Rebecca: Masisira ang
inyong bahay sa kasasara ninyo hukom!
Susana: Ano sa tingin
mo, Maria? Mayroon ba tayong mapapala sa ginagawa natin?
Maria: Ang ating mga
ninuno ay nagdanas ng hirap ng apat na raang taon sa Ehipto, hanggang sa
makamit nila ang kalayaan. Hindi tayo titigil.
(Papasok sa tagpo ang tao 1)
Tao 1: Hoy! Sino kayo?
Humihingi ba kayo ng limos sa hukom?
Rebecca: Katarungan ang
hinihingi namin at hindi limos.
Susana: Nagtrabaho kami
ng tatlong linggo sa bukirin ng panginoong-maylupang si Ananias. Ngunit hindi
niya kami binayaran. Ayaw niyang ibigay ang pinagpagalan naming sahod.
Tao 1: Magnanakaw ang
taong yan! Eh, ano naman ang problema ninyo sa hukom? May ginawa ba ang hukom
para sa inyo?
Maria: Yan ang aming
hinihintay. Pero tingnan niyo naman, binigyan ni Ananias ng suhol ang hukom at
pati ang mga kapitan ng sundalo. Marami pa siyang binigyan ng suhol na opisyal
ng imperyo.
Tao 1: Tama talaga
yan, ang mga nasa kapangyarihan ay nagtutulungan upang matakpan ang baho ng
bawat isa sa kanila. Hoy! Kayong mga nakaistambay lang dyan! Halikayo! Samahan
natin ang mga kababaihang na ito sa kanilang laban.
(Papasok sa
tagpo ang ibang mga tauhan…sasama sa piket rally…..then Freeze.)
FREEZE.
17. RELAKS.SA DAANAN.ARAW
(Magpatuloy
sa pagkukuwento si Jesus sa kanyang mga alagad habang sila ay nagpapahinga.)
Jesus:
Nagtawag ng nagtawag ang tao. Tinawag ang kanyang mga kaibigan na nakaistambay
lang sa tabi-tabi. Hanggang sa nakabuo sila ng isang malaking grupo sa harap ng
tahanan ng hukom. Ang mamamayan ng Cana ay nakiisa sa mga babaeng balo mula sa
Nazareth na nagpicket-rally.
FREEZE.
18. RELAKS. SA HARAP NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
(Lalabas
uli si Jacinto mula sa kanyang tahanan at haharapin ang mga nagpipiket rally na
mga kababaihan.)
Jacinto: Kasumpa-sumpa
kayo! Ano ang gusto ninyo! Hindi ako ang gobernador ng Galilea at naandito
upang bigyan kayo ng mga tsokalate at minatamis. Kung kayong lahat ay nawawala
na sa matinong pag-iisip. Lumayas kayo at bigyan ninyo ako ng kapayapaan. Mga
patay gutom!
(Muling
tatalikuran ni Jacinto ang mga tao at papasok sa kanyang tahanan…….then Freeze
ang mg tao.)
FREEZE.
19. RELAKS. SA DAANAN.ARAW
(Tatayo
sina Jesus mula at patuloy sa paglalakad patungong lower center.)
Jesus:
Dumami ng dumami ang mga taong sumama sa hanay ng mga babaeng balo sa harapan
ng pintuan ng hukom. Sila’y gaya ng mga pesteng lamok na maiingay at
nangangagat sa elepanteng natutulog o nagtutulog-tulugan.
(Magpatuloy
sila sa paglalakad ….going to exit direction.)
EXIT.
20. RELAKS. SA HARAPAN NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
(Lalabas
si Jacinto at haharapin uli ang mga tao.)
Jacinto: Tama na! Ang
kukulit ninyo! Ang iingay ninyo! Tama na sa panggugulo ninyo sa akin. Sige,
sige sige, pumasok na kayo sa loob at pag-usapan natin ang inyong mga
karaingan, at nang matapos na ito ngayon.
Susana: Yes! Sa wakas
bumigay din ang elepante. Pagod na siya sa mga mumunting kagat at ingay ng mga
lamok.
Jacinto: Hindi ko na
matiis ang ginagawa ninyong iskandalo sa akin. Magkagayon pa man, gusto ko lang
ilagay sa isipan ninyo na gagawin ko ito hindi dahil sa Diyos. Hindi dahil sa
inyong mga anak o sa inyong mga kapakanan. Gagawin ko ito dahil sa kakulitan ninyo
at gusto ko nang mawala kayo sa aking paningin.
(Makikita
sa tagpo ang pagdiriwang ng mga tao….then Freeze.)
FREEZE.
21. ONSTAGE. SA HARAP NG TAHANAN NI
JACINTO.ARAW
(Papasok
sina Jesus patungong lower center.)
Jesus:
Dinala ng hukom na si Jacinto ang kaso ng mga babaeng balo sa korte at
naipanalo. Inutusan ng korte si Ananias na bayaran ang mga balo sa kanilang
nararapat na sahod at danyos perwisyo. Oo, nanalo sila sa laban! Ganyan naman
talaga ang pagpapanalo sa laban. Lumaban ka hanggang wakas. Ganito rin sa
Panginoon, manalangin ka gabi’t araw na walang pagmamaliw. Kung gagawin natin
ito hindi niya tayo bibiguin. Ipagkakaloob niya sa atin ang nararapat at
katarungan.
Rufa:
Pagpalain ng Diyos ang iyong labi, Jesus. Pagpalain ng Diyos ang babaeng nagsilang
sa iyo sa mundong ito.
Pedro: Tama
ka diyan, lola Rufa!
Jesus: Oo,
maging ang lahat, pagpalain ng Diyos. Ang lahat ng lumalaban hanggang wakas
para sa buhay na may dangal, hustisya’t katarungan. Para sa lipunang mapayapa
at nakabatay sa katarungan.
Lahat:
Amen.
FREEZE.
CURTAIN!
Pinaghalawan:
Vigil, Jose Ignacio Lopez. 2000. JUST JESUS: The Message of a Better World,
vol 2. New York: The Crossroad Publishing Company.
[1] Inihanda at pinagyaman ni REV.
JERIC C. CORTADO, Kutangbato United Methodist Church, Sinsuat Avenue,
corner Macapagal Street, Cotabato City, 2007.
No comments:
Post a Comment