Wednesday, September 13, 2017

MGA PAGPIPILIAN SA PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG

1.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Kasama nitong mga kaloob, pangako, at ikapu, O Diyos, inihahandog namin ang aming sarili upang maging daan ng iyong nilalayong kapayapaan. Amen.
2.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Taglay ang kagalakan, aming itinatalaga sa iyo ang aming mga handog kasama ang aming buhay, sa gayon kami ay makatugon sa hamon ng panahon. Amen
3.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Sa pamamagitan nitong mga kaloob ay mahayag ka nawa, O Diyos. Ang buhay nawa namin ay maging kapahayagan ng iyong pag-ibig para sa lahat. Dalangin namin ito, sa pangalan ng sanggol sa Betlehem, na muling naisilang sa aming mga puso ngayon.  Amen.
4.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Sa pamamagitan ng biyayang ito ay makapagbahagi kami ng iyong kabutihan at mahayag ang iyong pagliligtas. Habang aming nararanasan ang galak ng pagkakaloob, nagiging malaya ang aming mga labi sa pagsaksi sa iyong biyaya. Higit n’yo pong palaguin ang mapanlikha naming kalakasan. Iniaalay namin ito sa iyo, O Diyos. Amen.
5.        + PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O aming Diyos, tanggapin niyo po ang aming mga handog na kapahayagan ng aming papuri at pasasalamat. Patuloy niyo po kaming pagpalain at ang aming mga buhay ay gawing makabuluhan.  Amen.
6.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos ng buhay, na siyang nagkakaloob ng lahat ng aming mga tinatangkilik, tanggapin niyo ang aming alay. Umaasa kami na iyong pagpalain ang mga buhay na nagtalaga sa kay Cristo kasama ng Santo Espiritu. Amen
7.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: Diyos na aming Magulang, tanggapin niyo po ang aming mga handog ng papuri at pasasalamat. Ang aming mga pangako na gumawa ng mabuti at tumulong sa kapwa. Tulungan niyo po kaming mapanindigan na sa aming katapatan sa iyo ang lahat ay pagpapalain at walang magugutom na lingkod Mo na aming makakapiling. Amen.
8.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: O aming Diyos, pinalago mo kami sa Iyong pag-ibig. Pinalakas mo kami sa Iyong Espiritu. Nagpapatuloy kaming kumikilos dahil sa Iyong kabutihan at kapangyarihan. Tanda ng aming pasasalamat. Amen.
9.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: Basbasan niyo po ang paghahandog na ito. Higit na payabungin ang aming mga buhay sa pangangaral at paglilingkod, sa gayon, lumaganap ang iyong pag-ibig sa lahat ng dako. Amen.
10.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: Salamat O Diyos, sa iyong kabutihan na nagkaloob sa amin ng kakayahan upang makapagbahagi at makatulong sa kapwa. Ipinagkakaloob namin ang mga handog na ito, kasama ng aming sarili upang hubugin ang komunidad sa iyong kalooban, sa Espiritung taglay ni Cristo. Amen.
11.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Manalangin tayo.
Lahat: O Diyos, ng aming buhay, nawa ang aming mga kaloob ay makapag- ambag upang maisakatuparan ang iyong misyon sa sanlibutan. Tulungan mo kaming maging ganap ang iyong pag-ibig at presensya sa lipunang aming ginagalawan. Amen.
12.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos ng buhay, na siyang nagkakaloob ng lahat ng aming mga tinatangkilik, tanggapin niyo ang aming mga alay. Nawa’y sa pamamagitan nito at ng aming buhay ay magkaroon ng katuparan ang iyong mga pangako. Umaasa kami na iyong pagpalain ang mga buhay na nagtalaga sa kay Cristo kasama ng Santo Espiritu. Amen
13.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos na Manlilikha, tanggapin niyo ang aming pasasalamat sa pamamagitan nitong mga alay. Pagpalain niyo ang bawat isa sa amin at gawing daluyan ng iyong pagkalinga sa mga kapatid naming hikahos. At maisulong ang iyong misyon sa pamamagitan ng ministeryo ng iglesya.
14.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos na bumubuklod sa aming lahat bilang isang bayan, pinasasalamatan ka namin sa iyong biyaya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Pinagkalooban mo kami ng kamulatan kung paano kami maging makabuluhan. Umaasa kami na sa pamamagitan nitong mga alay ay maabot namin ang kapwa at mabigyan ng buhay. Amen.
15.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O aming Diyos, na nagkakaloob sa amin ng pangitain sa iyong mga layunin at kalooban, tulungan mo kaming magamit ang mga kaloob na salaping ito sa pagsusulong ng mga gawaing makagdudulot ng pag-asa sa Iyong bayan. May kagalakan naming itinatalaga ang lahat ng ito, ang bunga ng aming pagpapagal na iyong pinagpapala. Ipadama mo nawa sa amin ang iyong Espiritu upang lumakas kami sa paglilingkod. Amen.
16.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Diyos na aming Magulang, itinatalaga namin ang mga salaping ito para sa gawain at programa ng iglesya. Hinihiling namin na suguin mo kami at gamitin anumang mayroon kami para sa iyong misyon at paglilingkod. Amen.
 +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Pinasasalamatan ka namin, O Diyos, sa buhay at pagkakataong kaloob mo. Sa diwa ng iyong buhay, ng iyong dugo at katawan kami ay iyong pinasigla bilang isang bayan. O Aming Diyos, tanggapin mo ang aming mga buhay, ang aming mga pangako, bilang tugon sa iyong kabutihan sa amin. Amen.
17.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O aming Diyos, ang lahat ng kaloob na ito ay sa iyo nanggaling at amin itong ibinabalik nang may kapurihan. Anumang naiwan sa amin ngayon ay aming pagyamanin upang may maibabahaging muli sa iyong mga layunin. Amen.
18.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: Mapagmahal naming Diyos, pagpalain n’yo po ang aming mga kaloob na tinipon upang maitaguyod ang ministeryo ng iglesya. Nawa’y ang lahat ng ito’y maging angkop na kapahayagan ng aming pasasalamat sa iyo. Amen.
19.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O Diyos, walang sakripisyong makatatapat sa iyong kabutihan at maihayag ang aming pagkilala at pasasalamat. Itinatalaga namin ang aming buhay kasama ng mga alay na ito. Hindi man ito sapat subalit iniaalay namin ito nang buong tapat. Amen.
20.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O Aming Diyos, maging daluyan nawa kami ng pagkakakasundo at kapayapaan. At sa pamamagitan ng mga kaloob na ito ay maisulong ang iyong bukas na ministeryo. Amen.
21.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O Diyos ng buhay, tanggapin po ninyo ang aming mga alay upang gawing ganap ang iyong kalooban. Sa pamamagitan ng mga kaloob na ito ay maisulong ang iyong bukas na ministeryo sa sangkatauhan. Amen.
22.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Pinupuri ka namin, O Diyos, inaalala lagi  ang iyong pag-ibig. Aming narinig ang iyong hamon upang manindigan kasama ang mga kapatiran para sa katotohanan at ganap mong paghahari. Sa mga kaloob na ito, tulungan niyo po kaming makagawa ng kaparaanang maisulong ang iyong kalooban. Amen.
23.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos, pagpalain mo ang mga nagkaloob at tulungan niyo po kaming gamitin ang anumang aming pinagsaluhan, at ambag upang maisakatuparan ang ministeryo ni Cristo. Amen.
24.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Ang mga kaloob na ito ay kapahayagan ng aming pananampalataya, O Diyos. Ipinapabatid ang biyayang aming natamo at amin din itong ibinabahagi sa kapwa. Isang karangalan ang makaranas ng iyong biyaya, at buong galak na nagkakaloob para sa gawain ng iyong iglesya. Ang mga kaloob na ito ay kapahayagan din ng aming pagpupuri at pagtatalaga ng buhay, at lahat ng aming mga ginagawa sa iyong kalooban. Amen.
25.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Pinasasalamatan ka namin, O Diyos, sa buhay at pagkakataong kaloob mo. Sa diwa ng paghahandog ng buhay kami ay iyong tinipon at pinag-isa. Sa diwa ng iyong buhay at sakripisyo kami ay iyong pinasigla bilang isang bayan. O Aming Diyos, tanggapin mo ang aming mga buhay, mga ikapu, at mga pangako, bilang tugon sa iyong kabutihan sa amin. Amen.
26.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos, tulungan mo kaming maging ganap ang iyong pag-ibig, at kapahayagan ng iyong presensya sa lipunang aming ginagalawan. Gawin karapat-dapat ang aming paghahandog sa iyong Banal na Dulang. Amen.

++++++++++++++

MGA PAGPIPILIAN SA TAWAG SA PAGHAHANDOG

1.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa iba sapagkat iyan ang haing kinalulugdan ng Diyos (Hebreo13:16). Ialay natin sa Diyos ang katapatan at kapahayagan ng ating pasasalamat.
2.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Sa pagsilang ni Jesus sa sabsaban, naisilang din ang ating pag-asa. Pasalamatan natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ating mga ikapu, pangako, at handog.
3.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Alalahanin natin ang kahulugan ng pagtatalaga. Alalahanin na isang pagpapala ang maghandog ng buhay.
4.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Wala tayong pagmamay-ari sa mundong ito, maging ang ating buhay ay hindi natin pagmamay-ari. Ito ay sa Diyos. Tayo ay katiwala lamang sa buhay na ito at inaasahan sa atin na pagyamanin ito para sa kapakanan ng lahat.
5.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ating purihin ang sanggol sa sabsaban sa pamamagitan ng ating mga handog. Kilalanin natin ang tagumpay ng Diyos sa ating buhay. Tumugong may galak sa Kanyang panawagang humayo upang mangaral.
6.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Sino ang mangunguna sa bayan ng Diyos? Walang iba kundi iyong nagsisimula nang nabubuhay at nakakaunawa sa habag ng Diyos. Ang ating buhay at mga kaloob ay maging tugon sa hamon ng kapaskuhan.
7.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Tayo ay katiwala lamang sa buhay na ito. At inaasahan sa atin ng Diyos na pagyamanin ito para sa kapakanan ng lahat. Ang mga tahanan ay gawing mahalagang daluyan ng biyaya.
8.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ating hangad ang kagalingan ng bayan ng Diyos. Nagiging ganap ito sa diwa ng ating pagbabahagi sa yamang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. 
9.        TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ating ipadama ang ating pasasalamat sa diwa ng pagkakaloob. Isang kapahayagan ng kahandaang ipagdiwang ang natatanging pangyayaring naipahayag ng Diyos, ang dakila nitong inisyatiba upang atin siyang makapiling sa kay Cristo Jesus.

10.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, magdala kayo ng mga handog sa tuwing haharap sa Panginoon, ayon sa inyong makakaya at sa biyayang tinanggap ninyo mula sa Kanya.
11.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, ating pakinggan ang tagubilin ni Apostol Pablo (2 Corinto 9:7-8), “Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay higit pa sa inyong pangangailangan upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa.” 
12.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang bugtong na anak na si Jesu-Cristo upang tayo ay makasumpong ng buhay at kasaganaan. Kaya naman, tayo’y inaanyayahan na ihandog din ang ating sarili at lahat ng tinatangkilik sa Panginoon na tanda ng pag-ibig at ating pasasalamat sa kanya.
13.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, alalahanin natin na ang pagsilang ni Jesus sa sabsaban ay kapahayagan ng pagkakaloob ng Diyos upang tayo ay makaranas ng buhay na ganap at kasiya-siya. Maunawaan natin na ang kabanalan at kahulugan ng buhay ay naglalarawan ng pag-iral bilang mabuting katiwala sa sangnilikha; maalab na nagbabahagi ng kakayahan at talento sa ikapagtatatag ng Kanyang kaharian.
14.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Pinagpala tayo ng Diyos higit pa sa napapangalanan nating kaloob sa ating Bautismo. Ating parangalan ang Diyos sa diwa ng ating mga gawa at mga kaloob.
15.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Bilang mga taong pinatawad at may bagong pakikipag-ugnayan kay Cristo, ialay natin ang ating mga sarili sa Diyos. Siya na nagturo sa atin ng pagmamahal at pagtulong sa kapwa. Sa mga sandaling ito, buong kagalakang handugan ang Diyos ng pasasalamat.
16.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Tayo ay ka-manggagawa ng Diyos upang diligin ng buhay at lakas ang lipunan. Ito ay magiging ganap sa ating pagkakaloob sa abot ng ating makakaya.
17.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ating ialay ang ating mga kakayahan, talento, at pangako. Hayaang lumago ito sa pamamagitan ng ating pag-aalay sa dulang ni Jesus.
18.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Inaanyayahan tayo ng Diyos upang maging bahagi sa pagtatag ng Kanyang kaharian dito sa lupa. Inisyatiba ng Diyos ang magbigay biyaya sa atin, at tungkulin din natin ang magbahagi ng biyaya sa kapwa.
19.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, sa masaganang habag ng Diyos, ialay natin ang ating mga sarili bilang handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang kapahayagan ng pagsamba natin sa Diyos.
20.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
21.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Dalhin natin ang bunga ng ating mga pagpapagal sa harapan ng Diyos. Ito ay kapahayagan ng ating pagiging mabuting katiwala. 
22.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Dalhin ang ating mga kaloob na may kagalakan sa Diyos Manlilikha. Pagningasin ang ating mga liwanag upang ang iba ay makasumpong nito at makapagkaloob ng luwalhati sa Diyos.
23.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid kay Cristo, dapat nating paliwanagin ang ating mga ilaw sa harapan ng lahat. Sa gayon ay makita ng bawat isa ang mabuting gawa ng Diyos, at luwalhatiin ang Amang nasa langit. Maghandog na may kagalakan.
24.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Gumawa ang Diyos ng ugnay sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa gayon ay malagpasan natin ang kasalanan, mapagtagumpayan ang kapangyarihan ng kamatayan, at may dahilang magdiwang sa pag-ibig ng Diyos. Ipahayag natin ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng mga alay na salapi kalakip ng ating buhay.
25.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Gawing ganap ang ministeryo at programa ng kanyang iglesya sa pamamagitan ng ating mga alay pasasalamat.
26.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ang sangnilikha ay sa Diyos. Pinagpala niya tayo ng mga materyal, likas na yaman, at ng mga kasama sa buhay. Atin itong ipagpasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng ating paghahandog.
27.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, “huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa iba sapagkat iyan ang haing kinalulugdan ng Diyos” (Hebreo 13:16).
28.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ating papurihan ang Diyos sa pamamagitan na pagkakaloob ng mga bagay na makatutulong sa ikapagtataguyod ng bukas na ministeryo ng iglesya.
29.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ating papurihan ang Diyos sa pamamagitan na pagkakaloob ng mga bagay na makatutulong sa ikapagtataguyod ng bukas na ministeryo ng iglesya. Ipadama natin ang pag-ibig ng Diyos sa lipunang ating kinabibilangan sa pamamagitan ng ating pag-aalay ng ikapu, pangako, at talento.
30.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Dalhin natin ang bunga ng ating pagpapagal upang pagpalain ng Diyos. Pagpapaalala rin ito na ang lahat ay dumadaan. Subalit ang pag-ibig ng Diyos ay mananatili sa pamamagitan ng ating ipagkakaloob. Ang lipunang ating kinabibilangan ay mabibiyayaan.
31.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Kung hindi tayo marunong magbahagi, paano tayo makatutulong sa iba? Kung ating itago at di ipahayag ang pag-ibig ng Diyos, paano ang bagong buhay ay lumaganap? Tayo ay ka-manggagawa ng Diyos upang diligin ng buhay at lakas ang bawat isa. Gawing ganap ang adhikain ng iglesya Metodista sa kapurihan ng Diyos.
32.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Paano natin maisisiguro na ang iba ay makaririnig din ng Salita ng Diyos? Paano nila matututunan na maitayo rin ang kanilang mga tahanan sa bato at hindi sa buhanginan? Ang mga programa at ministeryo ng iglesia ang siyang magiging kapahayagan ng pag-iingat ng Diyos sa lahat. Isang kapahayagan ng pasasalamat at suporta ang mga ikapu, kaloob, at pangakong inihahandog.
33.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Sa kay Kristo, nasaksihan natin ang pagkalinga ng Diyos. Sa kay Kristo, natututunan natin na magbahagi. Sa diwang ito, pinaalalahanan tayo sa ating mga natutunan – ang magbahagi.
34.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ano ang maaari nating maibahagi sa misyon ni Cristo-Jesus. Ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang mga kakayahan upang tayo ay makatupad sa kanyang kalooban. Patuloy tayong magbigay-pugay sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kakayahang taglay para sa bukas na ministeryong pinasimulan ni Cristo.
35.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Bilang pinatawad at pinagkasundong bayan, sa Diyos ay ihandog ang ating sarili at mga kaloob. Sa Kanya ay magpasalamat at ipahayag natin ito sa pamamagitan ng mga kaloob.
36.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Sino ang mangunguna sa mga anak ng Diyos? Tiyak sila yaong nagsimula nang mamuhay sa kalooban ng Diyos. Ang pagkakaloob ay isang akto ng awa at habag, akto ng pasasalamat at pananampalataya, at higit sa lahat, katuparan ng pangkalahatang plano ng Diyos.
37.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Tayo ngayon ay nasa yugto ng pagtatanong ng sarili, kung ano ang maaari nating maibahagi sa misyon ni Cristo-Jesus. Ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang mga kakayahan upang tayo ay makatupad sa kanyang kalooban. Patuloy tayong magbigay-pugay sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kakayahang taglay para sa bukas na ministeryong pinasimulan ni Cristo.
38.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ano ang tugon natin sa Diyos na kumikilos sa ating kalagitnaan upang tayo ay ingatan? Kahit sa gitna ng kagipitan ay pinalalakas tayo at binigyan ng pag-asa. Paano natin ipakita ang ating pasasalamat sa Diyos na Dakila? Nawa’y ang ating mga kaloob ay maging tapat na kapahayagan ng pasasalamat.
39.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Inaanyayahan tayo ni Jesus upang ipagkaloob ang ating buhay sa gawain. Ang ating mga kaloob ay ibigay nang sama-sama, at ang ating gawain ay gawing may pagkakaisa. Nangangahulugan ito ng kaganapan ng paghahari ng Diyos.
40.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Patuloy tayong inaanyayahan upang maging bahagi sa gawain ng Diyos. Sa ikapagtatag ng malayang lipunan at ganap na pagbabago. Ang ating mga kaloob ay sagisag ng buhay at kapahayagan ng katapatan sa Diyos.
41.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Ang taos pusong pagkakaloob ay nagbubunga ng ibayong pagpapala. Dalhin natin sa harap ng Panginoon ang mga ito bilang pasasalamat at pagpapatunay na tayo ay tapat na bahagi sa ministeryo ni Cristo-Jesus.
42.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, patunay ng ating pinasiglang ugnayan kay Cristo ay ang ating kasiglahang mag-alay ng ating mga sarili’t kaloob sa Diyos. Siya ang nagturo sa atin ng pagmamahal, pagkalinga at pagtulong sa kapwa. Kaya’t sa pagkakataong ito, mag-alay bilang mga natuto kay Cristo.
43.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, ating alalahanin (Deuteronomio 16:17), na maghandog tayo ayon sa ating makakaya at ayon sa biyayang tinanggap natin sa Diyos. 
44.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, halina’t lumapit sa dambana ng Diyos upang ialay ang buhay at kakayahan. Ang ating pag-aalay ay isang malaking kapahayagan ng pananalig natin sa Diyos. Ang ating pag-aalay ay para sa kapakinabangan ng buong Sambahayan niyang banal.
45.     TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, “huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin, iinumin, o daramtin. Sapagkat ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos. Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo” (Mateo 6:31-33).

++++++++++++++++++++