Wednesday, September 13, 2017

MGA PAGPIPILIAN SA PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG

1.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Kasama nitong mga kaloob, pangako, at ikapu, O Diyos, inihahandog namin ang aming sarili upang maging daan ng iyong nilalayong kapayapaan. Amen.
2.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Taglay ang kagalakan, aming itinatalaga sa iyo ang aming mga handog kasama ang aming buhay, sa gayon kami ay makatugon sa hamon ng panahon. Amen
3.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Sa pamamagitan nitong mga kaloob ay mahayag ka nawa, O Diyos. Ang buhay nawa namin ay maging kapahayagan ng iyong pag-ibig para sa lahat. Dalangin namin ito, sa pangalan ng sanggol sa Betlehem, na muling naisilang sa aming mga puso ngayon.  Amen.
4.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Sa pamamagitan ng biyayang ito ay makapagbahagi kami ng iyong kabutihan at mahayag ang iyong pagliligtas. Habang aming nararanasan ang galak ng pagkakaloob, nagiging malaya ang aming mga labi sa pagsaksi sa iyong biyaya. Higit n’yo pong palaguin ang mapanlikha naming kalakasan. Iniaalay namin ito sa iyo, O Diyos. Amen.
5.        + PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O aming Diyos, tanggapin niyo po ang aming mga handog na kapahayagan ng aming papuri at pasasalamat. Patuloy niyo po kaming pagpalain at ang aming mga buhay ay gawing makabuluhan.  Amen.
6.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos ng buhay, na siyang nagkakaloob ng lahat ng aming mga tinatangkilik, tanggapin niyo ang aming alay. Umaasa kami na iyong pagpalain ang mga buhay na nagtalaga sa kay Cristo kasama ng Santo Espiritu. Amen
7.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: Diyos na aming Magulang, tanggapin niyo po ang aming mga handog ng papuri at pasasalamat. Ang aming mga pangako na gumawa ng mabuti at tumulong sa kapwa. Tulungan niyo po kaming mapanindigan na sa aming katapatan sa iyo ang lahat ay pagpapalain at walang magugutom na lingkod Mo na aming makakapiling. Amen.
8.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: O aming Diyos, pinalago mo kami sa Iyong pag-ibig. Pinalakas mo kami sa Iyong Espiritu. Nagpapatuloy kaming kumikilos dahil sa Iyong kabutihan at kapangyarihan. Tanda ng aming pasasalamat. Amen.
9.        +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: Basbasan niyo po ang paghahandog na ito. Higit na payabungin ang aming mga buhay sa pangangaral at paglilingkod, sa gayon, lumaganap ang iyong pag-ibig sa lahat ng dako. Amen.
10.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Lahat: Salamat O Diyos, sa iyong kabutihan na nagkaloob sa amin ng kakayahan upang makapagbahagi at makatulong sa kapwa. Ipinagkakaloob namin ang mga handog na ito, kasama ng aming sarili upang hubugin ang komunidad sa iyong kalooban, sa Espiritung taglay ni Cristo. Amen.
11.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Manalangin tayo.
Lahat: O Diyos, ng aming buhay, nawa ang aming mga kaloob ay makapag- ambag upang maisakatuparan ang iyong misyon sa sanlibutan. Tulungan mo kaming maging ganap ang iyong pag-ibig at presensya sa lipunang aming ginagalawan. Amen.
12.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos ng buhay, na siyang nagkakaloob ng lahat ng aming mga tinatangkilik, tanggapin niyo ang aming mga alay. Nawa’y sa pamamagitan nito at ng aming buhay ay magkaroon ng katuparan ang iyong mga pangako. Umaasa kami na iyong pagpalain ang mga buhay na nagtalaga sa kay Cristo kasama ng Santo Espiritu. Amen
13.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos na Manlilikha, tanggapin niyo ang aming pasasalamat sa pamamagitan nitong mga alay. Pagpalain niyo ang bawat isa sa amin at gawing daluyan ng iyong pagkalinga sa mga kapatid naming hikahos. At maisulong ang iyong misyon sa pamamagitan ng ministeryo ng iglesya.
14.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O Diyos na bumubuklod sa aming lahat bilang isang bayan, pinasasalamatan ka namin sa iyong biyaya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Pinagkalooban mo kami ng kamulatan kung paano kami maging makabuluhan. Umaasa kami na sa pamamagitan nitong mga alay ay maabot namin ang kapwa at mabigyan ng buhay. Amen.
15.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin. O aming Diyos, na nagkakaloob sa amin ng pangitain sa iyong mga layunin at kalooban, tulungan mo kaming magamit ang mga kaloob na salaping ito sa pagsusulong ng mga gawaing makagdudulot ng pag-asa sa Iyong bayan. May kagalakan naming itinatalaga ang lahat ng ito, ang bunga ng aming pagpapagal na iyong pinagpapala. Ipadama mo nawa sa amin ang iyong Espiritu upang lumakas kami sa paglilingkod. Amen.
16.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Diyos na aming Magulang, itinatalaga namin ang mga salaping ito para sa gawain at programa ng iglesya. Hinihiling namin na suguin mo kami at gamitin anumang mayroon kami para sa iyong misyon at paglilingkod. Amen.
 +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Pinasasalamatan ka namin, O Diyos, sa buhay at pagkakataong kaloob mo. Sa diwa ng iyong buhay, ng iyong dugo at katawan kami ay iyong pinasigla bilang isang bayan. O Aming Diyos, tanggapin mo ang aming mga buhay, ang aming mga pangako, bilang tugon sa iyong kabutihan sa amin. Amen.
17.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O aming Diyos, ang lahat ng kaloob na ito ay sa iyo nanggaling at amin itong ibinabalik nang may kapurihan. Anumang naiwan sa amin ngayon ay aming pagyamanin upang may maibabahaging muli sa iyong mga layunin. Amen.
18.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: Mapagmahal naming Diyos, pagpalain n’yo po ang aming mga kaloob na tinipon upang maitaguyod ang ministeryo ng iglesya. Nawa’y ang lahat ng ito’y maging angkop na kapahayagan ng aming pasasalamat sa iyo. Amen.
19.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O Diyos, walang sakripisyong makatatapat sa iyong kabutihan at maihayag ang aming pagkilala at pasasalamat. Itinatalaga namin ang aming buhay kasama ng mga alay na ito. Hindi man ito sapat subalit iniaalay namin ito nang buong tapat. Amen.
20.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O Aming Diyos, maging daluyan nawa kami ng pagkakakasundo at kapayapaan. At sa pamamagitan ng mga kaloob na ito ay maisulong ang iyong bukas na ministeryo. Amen.
21.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Manalangin tayo.
Lahat: O Diyos ng buhay, tanggapin po ninyo ang aming mga alay upang gawing ganap ang iyong kalooban. Sa pamamagitan ng mga kaloob na ito ay maisulong ang iyong bukas na ministeryo sa sangkatauhan. Amen.
22.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Pinupuri ka namin, O Diyos, inaalala lagi  ang iyong pag-ibig. Aming narinig ang iyong hamon upang manindigan kasama ang mga kapatiran para sa katotohanan at ganap mong paghahari. Sa mga kaloob na ito, tulungan niyo po kaming makagawa ng kaparaanang maisulong ang iyong kalooban. Amen.
23.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos, pagpalain mo ang mga nagkaloob at tulungan niyo po kaming gamitin ang anumang aming pinagsaluhan, at ambag upang maisakatuparan ang ministeryo ni Cristo. Amen.
24.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Ang mga kaloob na ito ay kapahayagan ng aming pananampalataya, O Diyos. Ipinapabatid ang biyayang aming natamo at amin din itong ibinabahagi sa kapwa. Isang karangalan ang makaranas ng iyong biyaya, at buong galak na nagkakaloob para sa gawain ng iyong iglesya. Ang mga kaloob na ito ay kapahayagan din ng aming pagpupuri at pagtatalaga ng buhay, at lahat ng aming mga ginagawa sa iyong kalooban. Amen.
25.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: Pinasasalamatan ka namin, O Diyos, sa buhay at pagkakataong kaloob mo. Sa diwa ng paghahandog ng buhay kami ay iyong tinipon at pinag-isa. Sa diwa ng iyong buhay at sakripisyo kami ay iyong pinasigla bilang isang bayan. O Aming Diyos, tanggapin mo ang aming mga buhay, mga ikapu, at mga pangako, bilang tugon sa iyong kabutihan sa amin. Amen.
26.     +PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG           
Pastor: Tayo ay manalangin.
Lahat: O Diyos, tulungan mo kaming maging ganap ang iyong pag-ibig, at kapahayagan ng iyong presensya sa lipunang aming ginagalawan. Gawin karapat-dapat ang aming paghahandog sa iyong Banal na Dulang. Amen.

++++++++++++++

1 comment:

  1. Thank you for this! This is super helpful. I hope you can post more this year.

    ReplyDelete