Wednesday, September 13, 2017

ANG BUHAY SA TAONG KRISTIYANA

Ang Taong Kristiyana simula pa noong mga naunang Kristiyano ay nakatuon sa inisyatiba ng Diyos mula pa sa simula na nagpapatuloy sa pamamagitan ng Santo Espiritu sa kasalukuyan. Binibigyang diin ng Kalendaryong Kristiyana na ang lahat ng ginawang inisyatiba ng Diyos ay sa kagalingan ng minamahal nitong bayan, para sa ating lahat. Ang iba’t ibang pagdiriwang sa iba’t ibang kapanahunan na nakapaloob sa Taong Kristiyana ay nagpapaala sa atin na ang kaligtasan ay biyaya at kaloob ng Diyos. Ang Taong Kristiyana ay binubuo ng mga sumusunod na mga kapanahunan na nakilala din bilang Kalendaryong Kristiyana:
1.       Pagdatal (Advent)
2.       Pasko (Christmas)
3.       Kapanahunan matapos ang Epipanya (Season after Epiphany)
4.       Kuwaresma (Lent)
5.       Kapanahunan ng Pagkabuhay (Season of Easter)
6.       Kapanahunan matapos ang Pentekoste o Kapanahunan ng Paghahari ng Diyos (Season after Pentecost or Kingdomtide) 

ANG KAPANAHUNAN NG PAGDATAL
Ang “Pagdatal”  o “Advent” sa wikang Ingles ay katagang hango sa salitang Latin na “adventus”,  na ang literal na kahulugan ay “pagdating” o “pagdatal”. Ang katagang “Advent” ay hiram nating mga Kristiyano sa sekular at paganong okasyo’t kahulugan. Tinanggap ng Kristiyano ang terminong ito bilang pantukoy sa panahon ng paghihintay kay Kristo sa ating buhay. Ito ay naging kapanahunan kung saan ginugunita ang unang pagdating ni Kristo at ang Kanyang pagkakatawang-tao. Ito rin ay panahon ng pag-asa sa muli niyang pagdating upang itatag ang bagong langit at bagong lupa. Ang pagdatal ay unang ipinagdiwang, sumibol, at lumago sa Espanya, Pransya, at Italya bilang panahon ng paghahanda sa Pasko o sa paggunita ng kapanganakan ni Jesu-Cristo.

Sa maagang yugto ng “Middle Ages” sa Pransya, naidagdag ang kaisipan ng muling pagbabalik ni Cristo sa katapusan ng panahon. Dito nagsimula na nagkaroon ng “penitential substance” ang kapanahunan ng Pagdatal. Ito ang dahilan bakit binibigyang diin ang pangangaral ni Juan Bautista at ng kanyang sinabi, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!”  Dahil din dito naging “purple” o lila ang kulay ng ating mga paraments at vestments sa tuwing sasapit ang pagdatal.

Ayon kay Daniel Banedict, Jr, dating staff ng General Board of Discipleship, sa panahon ng ika-8 hanggang ika-13 siglo kung saan ang Espanya ay nasa ilalim ng kontrol ng mga “Moorish”, ginamit nila ang bughaw na sumasagisag ng pag-asa. Sa patuloy na paglago at “standardization of colors” ang kulay bughaw ay ginagamit na sa panahon ng Pagdatal, subalit nanatili ang kulay lila bilang halili. 

Sa kaugalian ng mga Pillipinong Kristiyano, tampok ang SIMBANG GABI o SIMBANG UMAGA sa kapaskuhan. Ito ay nagsisimula sa ika-16 ng Disyembre at magtatapos sa gabi ng ika-24 ng nasabing buwan. Binabalutan ng masasayang selebrasyon, mga awiting pampasko, at saganang hapag ng pagkain para sa lahat. Matapos ang pananambahan ay bahagi ng ating tradisyon ang salo-salo sa puto, biko, suman, mainit na kape o tsokolate. Ito ay unang nakilala sa Pilipinas bilang MISA DE GALLO o pananambahan sa oras ng pagtilaok ng manok na tandang sa madaling araw, at tinawag din itong, PAGSAMBANG AGINALDO (Aguinaldo Mass). Ang “aginaldo” ay salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay “regalo”. Ang Pagsambang Aginaldo ay kapahayagan ng ating regalo sa Panginoong Jesus, na isinilang sa sabsaban. Ito ay pagsambang naghahanda sa atin upang tanggapin ang dakilang regalo ng Diyos sa sanlibutan - ang kanyang bugtong na Anak. Sa gayon ay makaranas tayo ng liwanag at kalakasan, ng paglaya at kaligtasan.

Ang Pagdatal ay nagsisimula sa huling Linggo ng Nobyembre o unang Linggo matapos ang ika-27 ng Nobyembre hanggang sa takipsilim ng ika-24 ng Disyembre. Ito ay binubuo ng apat ng Linggo (Sunday).

ANG KAPANAHUNAN NG PASKO
Ang kapanahunan ng Pasko ay paggunita sa kongkretong pagpapahayag ng Diyos sa ating kalagitnaan. Ang katagang “Christmas” o “Pasko” ay hango sa katagang Old English na “Crist Maesse”, na ang ibig sabihin ay “Christ’s Mass” o “Misa ni Cristo”. Ang “Christ” ay hango sa katagang Griyego na “Christos” at “Masiah” sa salitang Hebreo na ibig sabihin ay Tagapagligtas, at Tagapagpalaya.  Ang “Mass” naman ay hango sa salitang Latin na “Missio”, ang kahulugan ay “Mission”. Sa ganitong diwa, sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi lamang natin ginugunita ang kapanganakan ni Jesus, kundi lalong higit ang pagyakap sa misyon mismo ni Cristo Jesus. Ang misyon ni Jesus (Lucas 4:18-19) na ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita…ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita…. bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil. At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”    

Ang Kapaskuhan ay nagsisimula sa takipsilim ng ika-24 ng Disyembre hanggang ika-6 ng Enero. Sa gabi ng ika-24 ng Disyembre ipinagdiriwang ang Pananambahan sa Gabi ng Pasko; ika-25 ng Disyembre ipinagdiriwang ang Pananambahan sa Araw ng Pasko, susunod ang mga Pananambahan sa Una at Pangalawang Linggo Matapos ang Pasko, at sa huling Linggo ng kapanahunang ipinagdiriwang ang Epipanya - ang Linggo ng Pagdiriwang sa Dakilang Kapahayagan ng Panginoon. Ang katagang Epipanya ay hango mula sa salitang Griyego na “epiphaneia” na ang kahuluga’y “manifestation” o “revelation”. Tampok sa pagdiriwang na ito ang mga Mago na sa kanilang presensya ipinapahiwatig na ang Diyos at ang Cristong isinilang sa sabsaban ay para sa lahat; ang Betlehem kung saan naisilang ang Mesias ay nagpapahiwatig na sa grasya ng Diyos magkakaroon ang wala; ang regalong nagpapahayag ng lakas at kakayahang maiaambag upang ang bayan ng Diyos ay (Isaias 60:1), “bumangon …at magliwanag na tulad ng araw”; ang bituin na nagpapahayag na ang Diyos ay gumagawa ng inistiyatiba upang tayo ay gabayan. Kulay puti ang ating mga “paraments”, “vestments”, estola, at “hangings” na gagamitin sa kapanahunang ito na sumasagisag sa kadalisayan ng misyon ng Diyos sa Kanyang bayan.

ANG KAPANAHUNAN MATAPOS ANG EPIPANYA
Ang kapanahunan matapos ang Epipanya ay nakatuon sa iba’t ibang anyo ng kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng mga turo, kababalaghan at aral na ginawa ni Jesus. Nagsisimula ang kapanahunang ito sa pagdiriwang ng Pagbibinyag ng Panginoon, kung saan inihahayag ang pagiging kinalulugdang Anak ni Jesus sa Ama at pasimula ng ministeryo ni Jesus. Magtatapos ito sa pamamagitan ng pagdiriwang sa Pagbabagong Anyo ng Panginoon, kung saan muling ipinahahayag si Cristo-Jesus bilang minamahal at kinalulugdang Anak ng Diyos Ama. Kulay puti ang ginagamit nating mga paraments at hangings na nagpapatingkad sa dalisay na intensyon ng Diyos sa pagpapahayag ng kanyang pag-ibig at pagkalinga sa pamamagitan ni Cristo-Jesus. Ang dalisay na layuning sangkapan tayo ng kakayahan upang itaguyod ang pagbabago at kapayapaang nakabatay sa Kanyang katarungan.

ANG KAPANAHUNAN NG KUWARESMA
Ang Kuwaresma na “Lent” sa salitang Ingles ay hinango sa katagang Anglo-Saxon (Old Englsih) na “lencten,” na ang ibig sabihin ay “pagsibol”. Sa Latin, ito ay “Quadregesima” na ang ibig sabihin ay yugto na bumubuo ng apatnapung araw (period of forty days).  Ito ang terminong ginamit sa dokumentong Latino ng Roman Catholic Church, na unang nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga Espanyol. Ang katagang “Kuwaresma” ay hinango natin sa salitang Espanyol na “Cuaresima”, na ang kahulugan ay katulad ng “Quadregesima” o yugto na bumubuo ng apatnapung araw. Malaki rin ang ambag ng mga Kristiyanong Aleman sa katagang Kuwaresma, na sa kanila ay “Fastenzeit” na ibig sabihin ay kapanahunan ng pag-aayuno (time of fasting or period of fasting). At mula sa mga katagang ito matutukoy natin ang “Kuwaresma” na kapanahunan ng pag-aayuno (German: Fastenzeit), na isinasagawa sa kapanahunan ng pagsibol (Anglo-Saxon: Springtime), at binubuo ng apatnapung araw (Latin:Quadregesima). Ang kapanahunang ito ay paghahanda sa pagdiriwang ng “Easter” o Muling Pagkabuhay ng Panginoon.

Ang yugto na bumubuo ng Apatnapung Araw ay nauugnay sa mga sumusunod: una ay nauugnay sa kuwento ng buhay ni Noe (Genesis 6) kung saan sa kanyang kapanahunan ang mga tao ay naging suwail sa kalooban ng Diyos na umabot sa puntong nagsisi ang Diyos sa pagkakalikha niya ng tao (Genesis 6:7). Subalit sa kabila ng lahat, nanatili ang pag-ibig ng Diyos sa tao at ninais niyang makaranas sila ng paglaya at pagbabago. Niloob ng Diyos na magkaroon ng bagong simula ang minamahal niyang bayan at maging bagong lipunan (Genesis 7:4). Sa apatnapung araw na binubuo ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo upang muling danasin ang pagbabagong buhay na niloloob ng Diyos. Hayaang damtan tayo ng presensya ni Cristo at muling patatagin ang tinanggap nating Bautismo.

Pangalawa, ang apatnapung araw na bumubuo sa kapanahunan ng Kuwaresma ay nauugnay sa kuwento ng paglaya ng Israel. Sa apatnapung taong paglalakbay ng bayan ng Israel mula sa kaalipinan tungo sa hinahangad na kalayaan. Sa paglalakbay, hinarap ng bayan ng Diyos ang maraming pagsubok, ang gutom at pagkauhaw, ang mga pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos, ang bangayan ng bawat lipi, at ang pagtalikod sa Diyos hanggang sa maranasan nila ang paglaya. Sa loob ng apatnapung araw ay pinagkakalooban tayo ng panahon upang magsisisi at matagpuang muli ang kalayaan. Yakapin ang buhay na niloob ni Cristo para sa atin, ang maging mulat at malaya.

Pangatlo, ang apatnapung araw ay nauugnay sa kuwento ni Moises habang nasa Bundok Sinai. Apatnapung araw na nanatili si Moises sa bundok kasama ang Diyos kung saan ipinahayag sa kanya ang kalooban at kautusan ng Diyos para sa itinatag na bayan. Sa loob ng apatnapung araw nitong kapanahunan ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayong sundin ang ehemplong ginawa ni Moises at gawin ang ating makakaya na makipagkaisa sa Diyos(Gal 4; Rom. 8). Sa kapanahunan ng Kuwaresma pinatatatag natin ang ating pakikipisan sa Diyos, bilang kanyang mga anak at pagkilala sa kanya na ating Magulang.

Pang-apat, ang apatnapung araw ay nauugnay sa kuwento ni Jonas na sinugo sa pinakaayaw niyang gawain. Sinugo siya sa Ninive na sentrong lungsod ng Asiria na minsang nagpahirap sa bayan ng Diyos. Ang bayang ito ay binalot ng kasamaan at kailangan silang mabago at mailigtas sa paghuhukom ng Diyos. Apatnapung araw ang ipinagkaloob na “grace period” sa kanila upang magbago. Ang apatnapung araw ng kapanahunan ng Kuwaresma sa diwang ito ay “grace period” din sa atin upang tanggapin ang paanyaya ng Diyos.  Ang paanyayang magbalik-loob sa Kanya at matuto sa buhay na niloob ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. 

At panlima, ang apatnapung araw na bumubuo sa kapanahunan ng Kuwaresma ay nauugnay sa kuwento ng pagtutukso ng diyablo kay Jesus. Matapos tanggapin ni Jesus ang bautismo at bago niya sinimulan ang misyon ay pumunta siya sa ilang. Doon ay tinukso si Jesus ng diyablo sa loob ng apatnapung araw, na nagpapalaala sa atin na ang pagsubok at tukso ay bahagi ng pag-iral ng tao na dapat mapagtagumpayan. Sa tuwing dumarating tayo sa ganitong yugto ng buhay alalahanin natin ang dahilan ng ating pag-iral at ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Kailangang harapin ang katotohanan, ang tukso at gawing inspirasyon upang maging mapanlikha at matalino sa paglilingkod.   

Ang Kuwaresma ay pormal na nagsisimula sa Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday). Ang abo ay sumasagisag ng kadalisayan sapagkat bunga ito ng mga bagay na nasunog sa apoy. Sinunog na ng apoy at tinunaw na nito ang mga bagay na hindi dalisay. Ang pagtanggap ng abo ay sumasagisag sa pagtanggap ng paanyaya upang sumailalim sa proseso ng pagpapadalisay ng buhay. Hudyat ito ng ating pagsasailalim sa apatnapung araw na proseso ng pagpapadalisay. Ang abo na ating ginamit sa pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo ay mula sa sinunog na palms leaves at sanga na ginamit sa nakaraang pagdiriwang ng Palm Sunday. Ang pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo ay nagsimula noong ika-12 siglo, lumaganap bilang bahagi ng liturhiya sa kapanahunan ng kuwaresma sa kasalukuyan.  

Ang Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) ay sinasabing engrandeng pagbubukas ng Semana Santa. Ito ay paggunita sa makasasayan at matagumpay ng pagpasok ng makasaysayang Jesus sa Jerusalem, ang lungsod ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, kasama ang kanyang mga kaibigan mula sa mahabang paglalakbay para sa pagbabago.  Ang kasaysayan ay nagsasabi na ang iglesya ay isang bayang naglalakbay patungo sa kaliwanagang walang hanggan. Si Cristo Jesus ang sinusundan at sinasamahan patungo sa makalangit ng Jerusalem (Hebreo 12:22; Pa 3:12; 21:2).

Noong ikaapat na dantaon pa lamang ay naging ugali na ng mga Kristiyano ang magtipon sa Bundok Olibo sa hapon ng Linggo na nagbubukas sa Semana Santa. Pakikinggan nila roon ang pagsasalaysay ng mga nangyari ayon sa Banal na Kasulatan at saka sila lalakad patungo sa lungsod ng Jerusalem na tinatawag na Simbahan ng Muling Pagkabuhay. Ang mga tao at maraming bata ay may hawak na mga palaspas at sanga ng punong olibo at isinisigaw, “Purihin siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”  Lumaganap ang liturhiyang ito mula sa Jerusalem hanggang sa lahat ng dakong may komunidad ng mga Kristiyano. Ang prusisyon sa Linggo ng Palaspas ay ay kapahayagan ng pagkilala kay Jesus na Mesiyas at Hari.

Sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Palaspas, maliban sa pagwawagayway at prusisyon ng palaspas ay isinasagawa din natin ang pagtatalaga at pababasbas nito. Sa ating pagbabasbas at pagtatalaga ay ipinapahayag sa atin na ang mga dahong ito ay hindi lamang simpleng palamuti. Ito ay napapaalala na ang kalikasan man din ay nagpupuri sa Diyos at kay Cristo Jesus. Nagpapaalala sa kay Jesus na habang pumapasok sa sentro ng Jerusalem ay kinikilalang Mesiyas at Hari. Habang nasa atin itong pag-iingat sa buong taon ay dadalhin tayo sa kasigasigan at matibay na pagtanggap kay Jesus bilang Cristo at Hari. Ang Linggo ng Palaspas ay ipinagdiriwang natin sa ika-6 na Linggo ng Kuwaresma.

Ang Huwebes Santo na katagang hinango natin sa katagang Espanyol na “Jueves Santo” at “Holy Thursday” sa English ay tinatawag din nating mga Protestante na “Maundy Thursday”. Ito ay hango sa salitang Latin na “mandatum novum” na ang ibig sabihin ay bagong kautusan, isang kautusan na ipinagkaloob ng Panginoon.  “Mag-ibigan kayo! Kung paanong iniibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko” (Juan 14:34-25). Ang bagong kautusang ito ay naipapahayag sa pamamagitan ng Eukaristiya, paghuhugas ng paa, at konsagrasyon ng tatlong sakramental na langis.  Ang ating paghuhugas ng paa ay pagtanggap sa paanyaya ni Jesus na ang paglingkuran ay ang sambayanan. Ito ang diwa ng pagiging lingkod ng Diyos at alagad ni Cristo-Jesus. Ito ay paglilinis sa sarili habang isinasabuhay ang mga tagubilin at Salita ng Diyos. Ito ay tanda ng ating paghahanda sa paglilingkod at pagsusulong sa ministeryong pinasimulan ng makasaysayang Jesus.

Ang konsagrasyon ng tatlong mga sakramental na langis ay ating minanang liturhiya mula sa Roman Catholic at Anglican churches na siyang nagpalago ng liturhiyang ito, na kilala sa tawag na Chrism mass. Ang konsagrasyon ng olive oil para sa bautismo at pagpapahid ng langis sa mga maysakit, at chrism (olive oil at balm) para sa pagkukumpil ay bahagi ng liturhiyang hindi na pamilyar sa ating mga Metodista. Bagama’t bahagi ito ng ating mga ritwal na nakapaloob sa ating United Methodist Book of Worship.

Sa katagang Aleman ang Huwebes Santo ay “Gruendonnerstag” na ibig sabihin ay “Thursday of Weeping”. Dito natin naiuugnay ang pagkain ng mapait bilang pag-aalala sa mga naging karanasan ng bayan ng Diyos na naghihirap. “Pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba’t ibang mabibigat na gawaing bukid” (Exodo 1:14). Subalit sa pag-ibig ng Diyos winakasan ang mapait na karanasang ito. Ipinapaalala sa atin, ang mapait na karanasan ni Cristo-Jesus sa kamay ng mga naghaharing-uri. Sa mapait na pagkain ding ito ipinapahayag sa atin ang nagpapatuloy na mapapait na karanasan ng marami nating kababayan. Dulot ng kahirapan, kawalan ng mapapasukang trabaho, korapsyon at pagkagahaman, walang puknat na digmaan at kalamidad. Ito rin ay paglalagay sa sarili upang magsisisi at magbalik-loob sa Diyos. 

Ang Biyernes Santo na katagang hinango sa salitang Espanyol na “Viernes Santo” ay pamilyar din sa katagang Ingles na “Good Friday”. Ang Biyernes na ito ay kaiba sa karaniwang Biyernes dahil tinawag natin itong “Good”. Mabuting Araw para sa sangkatauhan dahil ang dulot nito ay biyaya ng paglaya. Sa araw na ito nahayag ang kabutihan ng Diyos sa isang natatanging paraan. Ipinagkaloob niya ang Kanyang bugtong na anak para sa kaligtasan ng sanlibutan at sa araw ding ito nilupig ni Cristo-Jesus ang kapangyarihan ng kamatayan.

Ang Serbisyo sa Biyernes Santo ay lumago sa kapanahunan ni St. Augustine (354-430) na isang “solemn celebration” at ginaganap isang beses sa isang taon, kalakip ang pagbabasa ng mga tala sa pagpapakasakit ni Jesus. Sa paglipas ng panahon, lumago ang liturhiya sa Biyernes Santo ayon sa konteksto ng isang pamayanang Kristiyano. Sa kasalukuyan, lalong higit sa ating mga Protestante at mga Metodista, ang malimit  nating ginagawa sa tuwing sasapit ang araw na ito ay ang Siete Palabras (Seven Last Words) na umaabot sa tatlong oras na pananambahan. Nagsimula ang pagsambang ito noong ika-17 siglo sa Peru. May mga iglesya na ring nagsasagawa ng “Service of Tenebrae” o “Serbisyo sa gitna ng Kadiliman” na lumago noong ika-12 siglo. Ang serbisyong ito ay malimit ginagawa sa gabi hanggang mag-uumaga habang pinagbubulayan ang buhay at pagpapakasakit ni Jesu-Cristo.

Tampok sa Serbisyo sa Biyernes Santo ang Pagpaparangal sa Krus, ang krus na walang katapusang tanda ng laganap na pananampalatayang Kristiyano. Ipinapaalala sa atin ng krus ang ating katangiang tinanggap sa bautismo kung saan nakikibahagi tayo sa tagumpay ni Jesus na mula sa kamatayan sa krus ay nabuhay muli. Sa tuwing nakikita natin ang krus at pinararangalan ay pinagtitibay natin ang ating pananalig na si Cristo ang ating Panginoon at umiiral tayo sa ngalan niya. Sa kalagayan ng ating lipunan ngayon, ang krus ay sumasagisag ng katatagan at kalayaan mula sa mapang-aliping kapangyarihan. Sumasagisag sa isang paanyaya upang pagtibayin ang isang napapanahon at mapagkaisang pananampalataya, na nagsusulong ng kapayapaang nakabatay sa katarungan.

ANG BUHAY SA KAPANAHUNAN NG PAGKABUHAY-MULI NG PANGINOON
Ang Easter Season (Kapanahunan ng Pagkabuhay-Muli ng Panginoon) ay kilala rin sa tawag na “Great Fifty Days”, na nagsisimula sa “sunset Easter Eve” hanggang sa Araw ng Pentekostes. Ang Easter Season ay nakatuon sa muling pagkabuhay ni Cristo, sa pag-akyat ng Panginoon sa langit, ang pagbaba ng Santo Espiritu sa Araw ng Pentekostes (Juan 20:22-23; Gawa 2). Ang Easter ay hango sa matandang Kristiyanong pangalan ng kapistahan na “Pasch”, na hango sa salitang Hebreo na “Pesah”, na ibig sabihin ay “paglagpas” o “pagliligtas”.

Sa Linggo ng Muling Pagkabuhay o Easter Sunday, ang Service of Light o Fire Ritual ay isa sa tampok sa liturhiya. Ito ay unang ginamit sa pagdiriwang Kristiyano noong ika-12 siglo. Sa Lumang Tipan, malimit ginamit ng Diyos ang apoy upang maihayag ang Kanyang presensya at pamamatnubay sa Kanyang bayan (Exodo 3:2; 19:18). Sa ating pagdiriwang ngayon, ang apoy ay sumasagisag kay Cristo, “ang ilaw ng sanlibutan”, at sumasagisag din sa paglilinis at paghahayag ng ating mga kasalanan bilang paghahanda sa pagdiriwang ng misteryo ng muling pagkabuhay. Ang pananambahan ay magsisimula sa madilim na paligid. Ang komunidad ay magtitipon sa harap ng isang malaking liwanag na sumasagisag sa muling pagkabuhay. Doon din makikita ang Paschal Candle. Ang bawat isa ay magkakaroon ng mga kandila na sisindihan sa hudyat ng tagapanguna. Sisindihan ng Acolyte/Pastor ang Paschal Candle, at sasambitin ang mga sumusunod: Ang Liwanag ni Cristo na sumibol sa kalangitan, winakasan ang kadilimang hatid ng kasalanan at kamatayan. Ang sindidong Paschal Candle ay itataas upang makita ng lahat, sasabihin ng Acolyte/Pastor: Si Cristo ang ating Liwanag! Ang Paschal Candle ay nagrerepresenta kay Cristo, kung kaya ito ay minamarkahan ng  krus at may dekorasyon na limang insenso na nagpapaalala sa atin sa kanyang limang sugat. Ang nakaukit na Alpha at Omega, ibig sabihin, ang una at ang wakas na alpabetong Griyego. Makikita din ang numerals ng kasalukuyang taon na sumasagisag na ang lahat ng panahon at henerasyon ay sa Diyos. Matapos sindihan at itanghal ang Paschal Candle ay iprusisyon ito papasok sa sangtuaryo. Ang prusisyon ay sumasagisag ng pagtatagumpay ni Jesus sa kapangyarihan ng kadiliman (Mt. 27:45; Mk 15:33; Lk 23:44). Ito ay pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ito ay kapahayagan din ng pagpapalaganap ng liwanag ni Cristo sa lahat ng dako, at pagyakap sa liwanag na ito na nagtataguyod ng hustisya at katarungan.

ANG BUHAY SA KAPANAHUNAN NG PAGHAHARI NG DIYOS

Ang Kapanahunang Pentekostes (Season after Pentecost) ay ang pinakamahabang kapanahunan sa Kalendaryong Kristiyana. Mas kilala ito sa United Methodist Church bilang Kapanahunan ng Paghahari ng Diyos o Kingdomtide na unang ginamit na termino sa isang aklat na inilimbag noong 1937. Binubuo ito ng dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t anim na linggo na nagsisimula sa Linggo ng Santa Trinidad at magtatapos sa Linggo ng Kapistahan ni Cristong Hari. Ang mga aralin sa kapanahunang ito ay nagpapaalala sa nagpapatuloy na pagliligtas at paghahari ag Diyos sa sanlibutan. 

No comments:

Post a Comment