Wednesday, September 13, 2017

PAGBABASBAS NG SASAKYAN

Ito ay gawin matapos ang Sermon gamit ang Basic Pattern of Worship ng United Methodist Church.
PANIMULA
Pastor: Sumainyo ang Panginoon!
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Tayo ay nagtitipon upang ipagdiwang ang biyaya ng buhay. Pag-isahin natin ang ating mga diwa at damdamin sa pagtatalaga ng ________________ na ito, nina kapatid na __________________. At sama-sama nating ganapin ang Kanyang kalooban.
PANALANGIN                                                                                   
Pastor: Tayo ay manalangin. Makapangyarihan naming Diyos, mula sa iyo ay dumadaloy ang masaganang biyaya ng buhay. Hinihingi namin ang Iyong Banal na gabay upang pangunahan kami sa aming gawain ngayon. Tulungan Mo kaming mabuhay sa diwa ng paglilingkod sa aming kapwa, ayon sa Iyong pagkatawag sa bawat isa sa amin. Amen.
ANG PAGTATALAGA
Pastor: Hilingin natin sa Panginoon na ang sasakyang ito ay maging tanda at paalala na ang buhay ng tao ay isang paglalakbay dito sa lupa patungo sa tahanan na inihanda ng Diyos para sa Kaniyang mga Anak. Nawa’y ang paglalakbay na ito ay maging ligtas sa panganib hanggang sa makapiling natin ang Diyos sa Kaniyang kaluwalhatian.
Pamilya o grupong nagtatalaga: Sa diwa ng kababaang loob, itinatalaga namin ang ______________ ito sa ating Dakilang Maykapal, kalakip ang pagsamo at pagtitiwala na Siya ang mag-iingat sa mga ito. Kami na nagtatalaga ay nangangako na maging mabuting katiwala nito. Hindi lamang para sa aming sariling kagalingan kundi sa kapakanan din ng aming kapwa.
Sasambitin ng Pastor ang panalangin ng pagtatalaga.
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.                 
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Manalangin tayo. Diyos na aming Magulang, ibuhos mo ang iyong Banal na Espiritu sa (mga) sasakyang  (Dyip, Kotse, L300 van, at iba pa) ito upang ang sinumang sumakay dito ay maligtas sa anumang kapahamakan at maluwalhating makarating sa kanilang paroroonan. Hinihiling po namin ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristong aming Panginoon. Amen.      

Wiwisikan ng Holy Water ang sasakyang itinalaga. At pagkatapos sasambitin ng pastor ang pamemendisyon.

Ang pag-iingat nawa ng Diyos ang siya nawang manahan palagi sa inyo upang patuloy na mabuhay na naglilingkod sa kapwa. Sa pangalan ng Manlilikha, Tagapagligtas, at Diwang Patnubay. Amen.

Ang pagsamba ay magpapatuloy. Mainam na isunod dito ang PASASALAMAT AT KOMUNYON, o di kaya ANG PAGPAPAHAYO.



2 comments: