1. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa pangalan ng Diyos
na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at ng Santo
Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ang Diyos ng
kapayapaan ay umaanyaya sa atin sa kapanahunang ito ng pagdatal upang
sama-samang magpuri at maglingkod.
Komunidad: Kami ay nagagalak
sa tuwing inaanyayahan kami sa tahanan ng Diyos. Ito ay kapahayagan na bahagi
kami sa pagdiriwang ng kanyang bayan.
Tagapanguna: Halikayo! Salubungin
ang ating kaligtasan! Salubungin ang bagong araw at pag-asa! Salubungin ang
prinsipe ng kapayapaan!
Komunidad: Narito kami upang
damhin ang kapayapaang kaloob ng Diyos. Narito kami upang humanda sa lakad na
niloloob ng Diyos.
Tagapanguna: Sumainyo ang kapayapaan
ng Diyos!
Komunidad: At sumainyo rin.
Tagapanguna: Salubungin natin
siya ng papuri!
2.
+ TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa pangalan ng Diyos
na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at ng Santo
Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Batiin natin ang
ating mga katabi, gaya ng pagbati ni Jesus sa atin. “Ang kapayapaan ay
sumainyo!” Ang pag-asa mula sa Diyos ay sumainyo.
Komunidad: Sa gitna ng
kahirapan ay may pag-asang isinilang sa sabsaban.
Tagapanguna: Makinig, bayan ng
Diyos, sa mensahe ng pag-asa. Maging mapanuri sa paligid. May mga pagkakataon
doon upang lumago, lumaya, at maibahagi ang Magandang Balita.
Komunidad: Ang Diyos ng
Pag-asa ay nagkakaloob sa atin ng kagalakan at kapayapaan.
Tagapanguna: Ating purihin ang
Diyos!
3.
+ TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Sambahin ang
Panginoon ng buhay at kapakumbabaan. Ihayag ang kanyang kalinga sa mga aba at mapagpakumbaba.
Komunidad: Nahahabag siya sa
lahat ng mga may takot sa kanya. Ipinapahayag niya ang lakas ng kanyang mga
bisig at walang magtagal na mga palalo at mapagmataas sa Kanyang harapan.
Tagapanguna: Ang kanyang
pag-ibig at pagtutuwid ay walang patid.
4.
+ TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Sama-sama tayong
maghanda upang batiin ang sanggol ni Maria, ang tinawag nating Emmanuel.
Komunidad: Ipagdiriwang natin
ang kamangha-manghang gawa ng Diyos para sa sanlibutan. Itaas natin ang ating
mga puso upang ihayag ang Mabuting Balita ng kaligtasan.
Tagapanguna: Ating pagtibayin
ang pananampalataya sa Diyos.
Komunidad: Sa Diyos ang
papuri!
5. + TAWAG SA PAGSAMBA (AWIT 98
UMH818)
Tagapanguna: Umawit
ng bagong awit at sa Diyos ay ialay, pagkat yaong ginawa n’ya ay
kahanga-hangang tunay! Sa sariling lakas niya ay taglay ang kabanalan, walang
mahirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Tugon: O Magsaya at magdiwang.
Kabataan: Ang tagumpay
niyang ito’y siya na rin ang naghayag. Sa harap ng mga bansa’y naihayag ang
pagliligtas. Ang pangako sa kanyang bayang lubos niyang tinutupad. Tapat siya
sa kanila at ang pag-ibig ay wagas. Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay
namalas! T
Kalalakihan:
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig; Ang Diyos ay buong galak na
purihin sa pag-awit! Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog. At ang Diyos
ay papurihan ng tugtuging maalindog. T
Kababaihan:
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli. Magkaingay sa harapan ni
Yahweh na ating hari. Umingay ka karagatan, at lahat ng lumalangoy. Umawit ang
daigdigan at lahat ng naroroon. T
Tagapannguna:
Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman. Umawit ding nagagalak ang lahat ng
kabundukan. Pagkat siya’y dumarating maghahari sa daigdig. Taglay niya’y
katarungan at paghatol na matuwid.T
Tagapanguna:
Ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus! Ang kapanganakan ng Mesiyas! Ang
nagkaloob ng kaganapan ng katiyakang kasama natin ang Diyos! T
Komunidad: Nagkaloob ng
dahilan ang Diyos upang umawit nang may kagalakan. Ang awit ay awiting may
galak, kasabay ng pag-indak, at pagpalakpak. T
Tagapanguna:
Pagkalooban natin ng masigabong palakpakan ang sanggol na isinilang sa
sabsaban!
(Ang lahat ay mag-alay ng masigabong palakpakan)
6. +TAWAG SA PAGSAMBA (Awit 118:14-29 UMH # 857)
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Tagapanguna:
Purihin ang Diyos at ang kanyang anak na ating Panginoon at Tagapagligtas. Ang
kapayapaan mula sa ating Panginoong Jesus ay sumainyo.
Lahat: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Dahil
kay Yahweh ako’y pinalakas at ako’y tumatag. Siya sa buhay ko, ang
Tagapagligtas.
Tugon: This is the day that the Lord has made; Let
us rejoice, Let us rejoice, let us rejoice and be glad.
Tagabasa 1:
Dinggin ang masayang sigawan sa tolda ng mga hinirang. “Si Yahweh ay siyang
lakas na patnubay! Ang lakas ni Yahweh ang siyang nagdulot ng ating tagumpay.
Sa pakikibaka sa ating kaaway.” T
Tagabasa 2:
Aking sinasabing di ako papanaw, mabubuhay ako upang isalaysay ang gawa ni
Yahweh na Panginoon ko. T
Tagabasa 3:
Pinagdusa ako at pinarusahan ng labis at labis. Ngunit ang buhay ko’y di niya
pinatid. T
Tagabasa 4:
Ang pintuan ng banal na tempo’y inyo ngayong buksan. Ako ay papasok at itong si
Yahweh ay papurihan. T
Tagabasa 5:
Ito yaong pintuang pasukan ni Yahweh, ang Panginoong Diyos. Tanging ang matuwid
ang pababayaang doo’y makapasok! T
Tagabasa 6:
Aking pinupuri ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan, dininig mo ako’t
pinapagtagumpay. Ang batong natakwil ng nangagtatayo ng tirahang-bahay. Sa
lahat ng bato’y higit na mahusay. T
Tagabasa 7:
Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Diyos na si Yahweh. Kung iyong mamasdan
ay kawili-wili! O kahanga-hanga ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay. Tayo
ay magalak, ating ipagdiwang! T
Tagabasa 8: Kami
ay iligtas, tubusin mo, O Yahweh, kami ay iligtas. At pagtagumpayin sa layuni’t
hangad. Ang pumaparito sa ngalan ni Yahweh ay pagpapalain. T
Tagabasa 9: Si
Yahweh ang Diyos. Pagkabuti niya sa mga hinirang. Tayo ay magtaglay ng sanga ng
kahoy, simulang magdiwang. At tayo’y lumapit sa dambanang banal. T
Tagabasa 10:
Ikaw ay aking Diyos, kaya naman ako’y nagpapasalamat. Ang pagkadakila mo ay
ihahayag. T
Tagapanguna:
O
pasalamatan ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya’y mabuti. Ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
7.
+TAWAG NG PAGSAMBA
(SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON)
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Ang
bagong taon ay nagpapaalala sa pangako ng Diyos na magkaroon ng bagong langit
at lupa.
Kapatiran:
Purihin
ang Diyos, Siyang alpha at omega. Purihin ang Diyos na siyang lumukob ng
kabutihan sa atin.
Tagapanguna:
Ating
ipagdiwang ang mga bagong posibilidad ng buhay. Nagpapaalala sa kayamanang
likas na pinamana sa atin.
Kapatiran:
Purihin
ang Diyos, sa mga yamang tubig at lupain at kagubatan, sa mga palay at bunga ng
kahoy na sumasagisag ng buhay.
Tagapanguna:
Ito
ang araw ng muling pagpapatibay ng ating tipan sa Diyos.
Lahat:
Purihin
ang Diyos sa pagkakaloob ng pagkakataong salubungin ang bagong taon na may
pag-asa at laya.
8. + TAWAG SA PAGSAMBA (SA LINGGO NG
EPIPANYA)
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Pagpapahayag ng
Panginoon, o ang Epipanya. Ito ay paggunita sa pagdalaw ng tatlong pantas at ang
pag-aalay nila ng ginto, kamangyan at mira sa naisilang na Mesiyas. Sa ating
pagdiriwang, patuloy tayong pinaalalahanan na ang kapaskuhan ay hindi
magtatapos sa ganitong tagpo. Ito ay dapat magpatuloy sa ating pang-araw-araw
na buhay kung saan nahahayag ang misyon ni Cristo, ang pinakadiwa ng Epipanya.
Italaga natin ang ating sarili sa dakilang misyon ni Cristo, at sumainyo ang
kapayapaa’t biyaya ng Diyos.
Komunidad: At sumaiyo
rin.
9.
+ TAWAG SA PAGSAMBA
(PAGSAMBANG AGINALDO)
Tagapanguna: Sa pangalan ng Diyos
na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at ng Santo
Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Mga kapatid,
simulan natin ngayon ang masayang tradisyon ng Pagsambang Aginaldo. Ang
paggunita ng siyam na buwan na nasa sinapupunan ni Maria si Jesus at isinilang
sa sabsaban sa Bethlehem. Sa siyam na umaga o siyam na gabi ay sama-sama tayong
mag-alay ng mga kaloob, panalangin, at pagsisisi sa kasalanan. Nawa’y ang tapat
nating pagsisimbang aginaldo ay maging regalo natin sa Sanggol na magdiriwang
ng kanyang kaarawan.
Komunidad: Nawa’y manatili
tayong nagkakaisa, nagdadamayan, at nagmamahalan sapagkat ito ang tunay na diwa
ng kapaskuhan.
Tagapanguna:
Purihin
ang Panginoon na dumating upang iligtas ang tao at ang sanlibutan. Sa gayon,
ang biyaya at kapayapaan ng Diyos ay sumainyong lahat.
Komunidad: At sumainyo rin.
Tagapanguna: Salubungin natin
siya ng may papuri!
10. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, tampok sa pagdiriwang natin ngayon ay ang pagninilay sa lahing
pinagmulan ni Jesus. Niyakap ni Jesus ang isang masalimuot na kuwento at
karanasan ng mga tao, upang sangkapan tayo ng kalakasan at katatagang kumilos
patungo sa paglaya.
Komunidad: Purihin natin
si Jesus, ang Mesiyas, ang anak ni Abraham at anak ni David.
Tagapanguna:
Ang kanyang kapayapaan at kagalakan ay sumainyong lahat.
Komunidad: At sumainyo
rin.
Tagapanguna: Sa
Diyos ang papuri.
11. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, at dagat ay panig sa naaapi. May pagkaing
handa sa mga nagugutom at pinapalaya Niya ang mga nabibihag sa kasalanan at kasakiman.
Siya ay papurihan. At sumainyo ang pag-ibig ng Diyos.
Komunidad: At sumainyo
rin.
Tagapanguna:
Aleluya!
12. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Purihin ang Diyos sa kanyang pagiging makatarungan.
Komunidad: Kagalakan ang
tumalima sa Diyos.
Tagapanguna: Ipinagtatanggol
Niya ang karapatan ng mga kawawa. Ang salita Niya’y parang tungkod na ipapalo
sa malulupit, ang hatol niya ay kamatayan sa masasama.
Komunidad: Katarungan at
katapatan ang paiiralin sa kanyang pamamahala.
Tagapanguna:
Purihin natin ang Panginoon na isinilang sa abang sabsaban. At sumainyo ang
kalayaang biyaya ng Diyos.
Komunidad: At sumainyo
rin.
Tagapanguna:
Aleluya!
13. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Pasalamatan natin ang Panginoon na nagsugo sa kanyang Anak upang ating maging
Tagapagligtas. Ang Espiritu ng kapayapaan at galak ay sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo
rin.
Lahat: Tayo ay magsaya at
purihin ang Diyos!
14. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan
ako sa piling mo.” Sa araw na yaon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri
kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya’y maninirahan sa gitna ninyo (Zacarias
2:10-11b). At sumainyo ang mapagpalayang kapangyarihan ng Diyos.
Komunidad: At sumaiyo
rin.
Lahat: Tayo ay
magsaya at purihin ang Diyos!
15. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Tayo
ay magtipon upang sumamba at magpuri. Ang banal na Espiritu ay umaanyaya sa
atin sa tapat na pananalangin. Sa gayon ang Diyos ay mapapupurihan.
Lahat: Tayo ay magsaya at
purihin ang Diyos!
16. + TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa
pangalan ng Diyos na ating Magulang, ni Jesu-Cristong isinilang sa sabsaban, at
ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Habang papalapit na tayo sa pagdiriwang ng kaarawan ng Tagapagligtas, maranasan
nawa natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa ating buhay.
Komunidad: Madama nawa
nating tayo rin ay mahalaga para sa Diyos- tulad ni Juan, magiging
Tagapagpakilala kay Jesus na isinilang sa sabsaban.
Tagapanguna:
Nawa ang pag-ibig ng Diyos na Magulang ay laging sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo
rin.
17. +TAWAG SA PAGSAMBA
Pastor: Maging handa
nawa tayo sa kanyang pagdating. Sumainyo ang biyaya ng Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo
rin.
Tagapanguna:
Ang sanggol sa sabsaban ay naghihintay sa atin. Lumapit kayo at tunghayan siya!
Komunidad: Ang matagal
na hinahangad ng bayan ay naisilang na sa ating kalagitnaan! Aleluya!
Tagapanguna:
Lumapit kayo sa abang sabsaban kung saan ang Mesiyas ay isinilang.
Komunidad: Papuri sa
kaitaasan!
18. + TAWAG SA PAGSAMBA (SA LINGGO NG
PAGBIBINYAG SA PANGINOON)
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Jesu-Cristong nabinyagan sa Ilog Jordan at ng Santo Espiritu.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, ginugunita natin ngayon ang Bautismong
tinanggap ni Jesus sa Ilog Jordan upang patuloy na pag-alabin ang diwa nito.
Ang kapayapaa’t biyayang kaloob ng nakikipagtipang Diyos sa kanyang bayan ay
sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Purihin ang Panginoon!
19. +TAWAG SA
PAGSAMBA (ECUMENICAL SUNDAY)
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang
si Jesu-Cristong kapahayagan ng Kanyang Pag-ibig at Kadakilaan, at ng Santo
Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, tinawag tayo ng Diyos upang buuin ang
isang bayan at hindi ang isang relihiyon. Tinawag tayo upang maging lingkod at
hindi upang paglingkuran. Kung saan isinasabuhay ng kilusang ekyumenikal noon
at sa kasalukuyang panahon. Ang kapayapaan ng Diyos ay sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit. Ang araw-araw
na ginawang pagliligtas ay banggitin. Kahit saan ay ipahayag na ang Diyos ay
dakila.
Pastor: (Chant) O
Magsaya at magdiwang.
Komunidad: (Awitin) O
Magsaya at magdiwang.
Tagapanguna: Tayo ay lumapit sa kanya at sumamba’t
magbigay-galang. Lumuhod sa harap ng Diyos na sa atin naglalang.
Pastor: (Chant) O
Magsaya at magdiwang.
Komunidad: (Awitin) O
Magsaya at magdiwang.
Tagapanguna: Atin ngang papurihan ang Diyos na Makapangyarihan.
20. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Jesu-Cristong kapahayagan ng Kanyang Pag-ibig at Kadakilaan, at ng
Santo Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, marinig sana natin ang kanyang
paanyaya sa pagbabagong-buhay. Purihin ang Panginoon na siyang bukal ng tuwa at
saya ng sambayanan! At ang kaligtasang kaloob nito ay sumainyong lahat.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna:
Lumapit sa ilaw na nagniningning sa ngalan ng
Panginoong Jesu-Cristo.
Komunidad: Ang Diyos ang aming ilaw at kaligtasan. Bakit pa
kami matatakot?
Tagapanguna: Lumapit tayo ng may pagkakaisa, maging lingkod at
saksi ng katotohanang tinataglay ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo- Jesus.
Lahat: Makibahagi, purihin natin ang Diyos.
21. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Jesu-Cristong kapahayagan ng Kanyang Pag-ibig at Kadakilaan, at ng
Santo Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ang Diyos ay dapat nating papurihan. Sa banal na altar
niya sambahin ang kanyang ngalan! Siya’y ating Panginoon, siya’y ating Diyos na
banal!
Komunidad: Alleluiah!
22. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Jesu-Cristong kapahayagan ng Kanyang Pag-ibig at Kadakilaan, at ng
Santo Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga
kapatid, mapalad ang mga lumalakad ayon sa tagubilin ng Diyos.
Komunidad: Mahalin ang Diyos, isabuhay
ang kanyang mga utos.
Tagapanguna: Gawin at
palaganapin ang katuwiran at pagkakapatiran.
Komunidad: Purihin ang Diyos
na may galak sa puso.
Tagapanguna: Nawa ang kaligtasang kaloob Niya ay
sumainyong lahat.
Komunidad:
At
sumaiyo rin.
23. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Jesu-Cristong kapahayagan ng Kanyang Pag-ibig at Kadakilaan, at ng Santo
Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Isang
mabuting bagay ang magpasalamat sa Panginoon, at umawit ng mga pagpuri sa
kanyang pangalan.
Komunidad: Purihin ang Diyos
na may galak sa puso.
24. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Jesu-Cristong kapahayagan ng Kanyang Pag-ibig at Kadakilaan, at ng
Santo Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Lumapit
sa ating Panginoon. Siya ay awitan at papurihan.
Komunidad: Tayo ay lumapit sa
kanyang harapan na may pasasalamat.
Tagapanguna:
Tayo
ay lumapit sa Diyos at magbigay-galang!
25. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubuhay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ilagay natin ang ating mga sarili sa
kaayusan at kapanatagan.
Komunidad: At hayaang
maalis ang ating mga pag-aalinlangan.
Tagapanguna:
Pumasok tayo sa malalim na pagninilay-nilay.
Komunidad: Kasama natin ang
Diyos na balot ng misteryo na naglalang nitong sanlibutan.
Tagapanguna: Ang naglalang sa
akin at sa inyo, ang nagmamahal sa akin at sa inyo.
Komunidad: Ang Diyos ay papurihan.
26. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubuhay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Mga kapatid, pinagtagpo
tayo nitong Kuwaresma upang pagnilayan ang hamong hatid ng kamatayan at muling
pagkabuhay ni Jesus. Ang Espiritung lakas ng mga mahihina at aba ay
sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo rin.
27. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubulay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Halina’t
sama-sama tayong magpuri sa Diyos! Awitan ng pasasalamat at ipahayag nang buong
galak ang ating pananampalataya sa Diyos. Ang kapayapaan ay sumainyo.
Komunidad:
At
sumaiyo rin.
28. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubulay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Sa
ministeryo ng ating pananalig inihayag ang kahulugan ng buhay. Sumainyo nawa
ang liwanag mula sa Diyos.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Ang Diyos ay papurihan!
29. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna:
Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubulay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Nagtitipon tayo
upang paglingkuran ang Diyos sa diwa ng ating pagsamba.
Komunidad:
Ang
kapurihan sa Diyos ang siya nawang laging sinasambit.
Tagapanguna: Nagtitipon tayo
upang linisin ang ating sarili at sangkapan ng kakayahang magampanan ang
tungkulin sa atin nakaatang.
Komunidad: Alleluia!
30. +TAWAG SA PAGSAMBA
(LINGGO NG PALASPAS)
Pastor: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubulay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Pastor: Ang Linggo ng
Palaspas ay isang engrandeng pagbubukas ng Semana Santa. Ito ay paggunita sa
makasaysayan at matagumpay ng pagpasok ng makasaysayang Jesus sa Jerusalem. Ang
lungsod ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, kasama ang kanyang mga
kaibigan mula sa mahabang paglalakbay para sa pagbabago. Ang kasaysayan ay nagsasabi na ang iglesya ay
isang bayang naglalakbay patungo sa kaliwanagang walang hanggan. Si Cristo
Jesus ang sinusundan at sinasamahan patungo sa makalangit na Jerusalem (Hebreo
12:22; Pa 3:12; 21:2).
Noong ikaapat na
dantaon pa lamang ay naging ugali na ng mga Kristiyano ang magtipon sa Bundok
Olibo sa hapon ng Linggo na nagbubukas sa Semana Santa. Pakikinggan nila roon
ang pagsasalaysay ng mga nangyari ayon sa Banal na Kasulatan at saka sila
lalakad patungo sa lungsod ng Jerusalem na tinatawag na Simbahan ng Muling
Pagkabuhay. Ang mga tao at maraming bata ay may hawak na mga palaspas at sanga
ng punong olibo habang sumisigaw, “Purihin
siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”
Lumaganap ang liturhiyang ito mula sa Jerusalem hanggang sa lahat ng
dakong may komunidad ng mga Kristiyano. Ang ating prusisyon sa Linggo ng
Palaspas ay sumasagisag ng ating pagsama kay Jesus sa lungsod ng Jerusalem, sa
pook ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ito ay kapahayagan ng pagkilala
kay Jesus na Mesiyas at Hari.
Tagpanguna:
Mga
kapatid, sumama tayo kay Jesu-Cristo sa Jerusalem! Ang paanyayang ito ay
naglalahad sa adhikain ng Semana Santa na saksi sa kamatayan at tagumpay ng
ating Panginoon. Sapagkat si Jesus ay naging masunurin hanggang sa kamatayan sa
krus, siya ay iniluklok na Panginoon (Filipos 2:6-11). Nagpakababa kaya
dinakila, nahatulan kaya pinagtagumpay, namatay kaya nagtamo ng
kaluwalhatian. Ang landasing ito ng
Panginoon ang landasing naghihintay sa atin. Ang landasing ito at ang pagtahak
natin dito ang ipinapahayag ng ating prusisyon sa Linggo ng Pagpapakasakit ni
Jesu-Cristo o ng Linggo ng Palaspas.
Komunidad: Sundan natin si
Jesus sa Jerusalem!
Pastor: Ito ay paggunita sa
dakilang kapahayagan ng katotohanan, ng pagliligtas at ng pag-ibig ng Diyos sa
sangkatauhan. Isa rin itong hamon, at isang sigaw ng pananampalataya at
tagumpay.
Lahat: Hosanna sa
kaitaasan!
31.
+TAWAG SA PAGSAMBA
(BIYERNES SANTO)
Pastor: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na nagdadala sa atin sa isang malalim na pagbubulay, at
ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Pastor: Sa diwang ito
minsan pa ay sariwain natin ang pahina ng kasaysayan. Ang kuwento ni Jesus
habang naglalakbay kasama ang bayan ng Diyos mula sa iba’t ibang uri, lahi, at
lipi. Ang kuwento ng makasaysayang Jesus, na nag-alay ng buhay upang ang buhay
na ganap at kasiya-siya ay sumaating lahat.
Komunidad:
Ang
makasaysayang Jesus, ang ating Cristo ay naging matapat hanggang kamatayan.
Pastor: Pasalamatan natin
ang kadakilaan ng kanyang pag-ibig.
Lahat: (awitin) Amen.
Amen. Amen.
32.
+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak
niyang si Cristo-Jesus na muling nabuhay, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ang biyaya at ang
kapayapaan mula kay Cristo-Jesus, ating Panginoon ay sumainyo.
Komunidad: At sumainyo rin!
Tagapanguna:
Mga
kapatid kay Cristo, sa banal na umagang ito kung saan napagtagumpayan ng ating
Panginoong Jesu-Cristo ang kamatayan. Tayo ay nagtitipon bilang iglesya upang
magnilay at magdiwang sa tagumpay ni Cristo laban sa kamatayan!
Komunidad:
Hosanna
sa kaitaasan!
33. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
muling nabuhay, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Purihin ang Diyos
na siyang muling bumuhay sa kanyang anak na si Cristo-Jesus. Ang Espiritu ng
bagong buhay ay sumainyong lahat.
Komunidad: At sumainyo rin!
Tagapanguna:
Ipagdiwang
ang karanasan ng muling pagkabuhay ni Cristo sa ating kalagitnaan.
Komunidad: Purihin ang Diyos
na muling bumuhay kay Cristo-Jesus!
34. +TAWAG SA
PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
muling nabuhay, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Mga
kapatid, ang pintuan ay bukas, ang Mabuting Pastol ay umaanyaya upang pumasok
tayo sa gawain ng pagtatalaga ng sarili sa pag-aaral at pananalangin, sa
paglilingkod at pagkakaloob, at maging bahagi sa pagpapalaganap ng paghahari ng
Diyos sa sanlibutan.
Komunidad:
Purihin natin ang Diyos, na nagsugo ng Kanyang Mabuting Pastol na si Jesus.
35.
+TAWAG SA PAGSAMBA
(LINGGO NG MGA INA)
Tagapanguna: Tagapanguna: Sa ngalan
ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na muling nabuhay,
at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Magdiwang
tayo sa natatanging araw na ito!
Komunidad: Upang alalahanin at
pahalagahan ang ating mga ina.
Lahat: Purihin ang Diyos
na nagkaloob sa ating mga ina!
36.
+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
muling nabuhay, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Tinawag tayo ng
Panginoong Diyos hindi dahil sa kung anupamang katayuan natin sa buhay. Tinawag
tayo upang patuloy na mabuhay sa kanyang biyaya. Papurihan ang Diyos at
ipahayag ang ating pananampalataya kay Jesus, ang ulo ng iglesya.
Komunidad: Sa Diyos ang
papuri!
37.
+TAWAG SA PAGSAMBA
(LINGGO NG PENTEKOSTES)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
muling nabuhay, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Isang panibagong
simulain para sa atin ang Araw ng Pentekostes. Kagaya ng naranasan ng mga
apostol, pinalalakas din tayo ng Espiritu Santo habang hinaharap natin ang mga
pagsubok ng mundong ito. Ibinuhos ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa ating mga
puso sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa atin. Nawa ang Espiritu
ng Diyos ay laging sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo rin.
38.
+TAWAG
SA PAGSAMBA (LINGGO NG SANTA TRINIDAD)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Tayo ay nilikha ng Diyos sa kanyang pag-ibig.
Komunidad: Ang kanyang bugtong na Anak ay pumarito upang mabawi nating muli
mula sa pagkakasala ang ating pagiging mga anak ng Diyos. Ipinagpapatuloy ng
Santo Espiritu ang sinimulan ng Anak sa kanyang bayan at sa kasaysayan hanggang
sa muling pagbabalik ni Cristo-Jesus.
Tagapanguna: Purihin
ang Diyos na Banal na nagmamahal, ang Bukal ng Buhay, ang Anak na siya nating
Daan, ang Espiritung ating Tanglaw.
Lahat: Sa Diyos
ang papuri!
39.
+TAWAG
SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Mapalad ang lahat na sa Diyos ay nananalig nang lubos.
Komunidad: Sa Diyos na lumikha ng langit at lupa, ng dagat at himpapawid, at
ng lahat ng sangnilikha.
Tagapanguna: Panig
sa naaapi, kung ang Diyos ay humatol. Siya ay may pagkaing handa sa mga
nagugutom.
Komunidad: Isinasauli niya ang paningin ng mga bulag, nililingap ang kanyang
mga hinirang.
Tagapanguna:
Sa mga balo at ulila ay tumutulong. Kaya ang Diyos ay pasalamatan
at papurihan!
40.
+TAWAG
SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, tayo ngayon ay nagtitipon upang marinig sa ang mga aral mula sa
Diyos at mga turo ni Jesus na nagdulot ng bagong pananaw sa buhay. Tayo ay
magpuri, magsuri, magnilay, mag-alay, at maglingkod sa Diyos na buhay.
Lahat: Amen.
41.
+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Sa
kagandahang- loob ng Diyos tayo ay tinawag. Damhin ang kanyang presensya at
pagpapala!
Komunidad: Pinangalanan tayo ng Diyos at tinipon bilang isang
katawan.
Tagapanguna:
Ating purihin ang Diyos na dakila!
42.
+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ang
hindi nagmamaliw na pag-ibig ng Diyos ay tumatagos kahit sa pinakamalayong
sulok ng mundo. Naranasan ng ating mga ninuno ang mapagpalayang pagkilos ng
Diyos, at patuloy Niya itong ginagawa hanggang sa kasalukuyan. Pinahahalagahan
Niya ang lahat ng kanyang mga nilikha, ang lahat ng bayan, lahi at lipi. Ang Kanyang
pagkalinga ay nais iparanas sa atin noon pa man, ngayon at sa susunod pang
kapanahunan.
Komunidad: Ang Diyos ay papurihan.
+TAWAG
SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, isaalang-alang natin ang dakilang gawa
ng Diyos. Alalahanin ang yaman ng pag-big Niya. Tayo ay pinagpala sa mga
paraang di natin napapansin. Tayo ay binibiyayaan ng mga bagay na higit pa sa
ating inaasahan. Tayo ay nagkakatipon ngayon dahil naniniwala tayo sa Salita ng
Diyos. Tayo ay nagkakaisa ngayon upang umawit ng papuri at pasasalamat sa
Diyos.
Komunidad: Sa
Diyos ang papuri.
43.
+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Sa presensya ng Diyos,
pakinggan natin ang kanyang Salita at makipagtipan sa Kanya.
Komunidad:
Nagtitipon tayo ngayon upang kilalanin ang
ating sarili bilang katawan ni Cristo. Mamulat sa paglilingkod sa Diyos at sa
Kanyang bayan.
Pastor: Papurihan natin ang Diyos!
44. +TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na kapahayagan
ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Mga kapatid, sa pananambahan natin ngayon ay ating
muling pagtibayin ang ugnayan sa isa’t isa. Ibahagi ang ating mga pangarap, mga
karanasan, at mga pasasalamat.
Pastor: Papurihan natin ang Diyos!
45. +TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Luwalhatiin ang kanyang pangalan! Ipagkaloob natin
ang tiwala sa Diyos na maylalang!
Komunidad: Nagtitipon tayo ngayon upang ipagdiwang ang kanyang
presensya. Parangalan at kilalanin ang di maarok na pag-ibig at katapatan ng
Diyos.
Tagapanguna:
Inihahayag ng Diyos ang mga bagay na naglilimita sa
atin upang maglingkod at sumunod sa Kanya. Ang Kanyang pamamahal ang siyang
ating tulong at kalasag.
Komunidad: Kung may
dalawa, tatlong nagkatipon sa pangalan ng Diyos, Siya ay naroroon upang
magbigay lakas at katatagan.
Lahat: Aleluya! Papurihan natin ang Diyos!
46. +TAWAG SA PAGSAMBA (LINGGO NG
EDUKASYONG KRISTIYANA)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Mga kapatid, tayo’y nagtitipon upang ihandog sa
Diyos ang pagpupuri at pasasalamat. Sa Diyos na nagkaloob sa atin ng kaalamang
di matutumbasan ng salapi at materyal na yaman.
Komunidad: Ipinagkaloob ng Diyos ang lahat ng pagkakataon
upang tayo ay lumago sa pananampalataya.
Tagapanguna: Ito ang diwa ng Edukasyong Kristiyana, tumatagos
sa lahat ng prosesong tumutulong upang ang bawat isa ay makaranas ng katiyakan mula
sa Diyos.
Komunidad: Ang Edukasyong Kristiyana ay kumikilala na ang mga
bata ay may natatanging ministeryo sa atin, sa kapwa, sa pamilya, sa iglesya,
at sa pamayanan.
Tagapanguna: Ang Edukasyong Kristiyana ay umaalalay sa mga
kabataan upang mapanatili ang kasiglahan sa pagtuklas ng mas epektibong
kaparaanan ng pagmimisyon at paglilingkod sa kapwa, sa pamilya, sa iglesya at sa
pamayanan.
Komunidad: Ang Edukasyong Kristiyana ay naglalagay sa atin sa
isang lumalagong karanasan ng pananampalataya, at hinuhubog tayo na kawangis ni
Cristo.
Tagapanguna: Ang karunungan mula sa Diyos ay sumainyong lahat.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Ating papurihan ang Diyos na pinagmulan ng lahat
ng karunungan.
47. +TAWAG SA PAGSAMBA (LINGGO NG
PANDAIGDIGANG KOMUNYON)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Tayo ay nagtitipon sa araw na ito bilang isang
komunidad upang ipagdiwang ang mga biyayang kaloob ng Diyos.
Komunidad: Ating dinggin ang tawag ng pagpapasigla sa ating
mga espiritu, at tanggapin ang kalakasan upang maging epektibo sa kolektibo
nating tungkulin.
Tagapanguna: Sa araw na ito, pagsaluhan natin ang tinapay at
alak na sagisag ng kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos.
Komunidad: Buksan natin ang ating mga puso upang tanggapin ang
mga kaloob, hanapin ang biyaya sa kaparaanang niloob ng Diyos.
Tagapanguna: Ating papurihan ang Diyos, sa dulang ni Jesus.
48. +TAWAG SA PAGSAMBA (LINGGO NG MGA
BATA)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna:
Magalak
kayo sa Panginoon! Patatagin ang pamumuhay na nakaugnay sa Diyos!
Komunidad: Sa araw na ito,
pinili nating magalak, manambahan at magpasalamat.
Tagapanguna: Magkasundo tayo
bilang magkakapatid kay Cristo.
Komunidad: Inilalagay natin
ngayon ang ating sarili sa pagtitiwala sa Diyos.
Tagapanguna: Ipadama ninyo sa
lahat ang inyong kagandahang loob, lalo na sa mga bata. Ipadama ninyo ang
kahalagahan nila sa atin at ang kanilang magagawa sa lipunan.
Komunidad: Hingin natin sa
Diyos na ang lahat ng pangangailangan ng mga bata sa kasalukuyan ay matugunan.
Ang kanilang mga karapatan ay maitaguyod at mapangalagaan, sapagkat ito ang
diwa ng ating pagdiriwang ng Linggo ng mga Bata.
Tagapanguna: Mga kapatid, dapat
maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri sa
Diyos.
Komunidad: Mga bagay na totoo,
marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang na maipamana natin
sa ating mga kabataan at sa susunod na henerasyon.
Tagapanguna: Magkagayon,
sumainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan!
49. +TAWAG SA PAGSAMBA (LINGGO NG MGA
LAYKO)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ang mga layko ay
kalipunan ng mga tao na kabalikat ng mga manggagawa ng iglesya sa paghubog at
pagbibigay anyo sa misyon ng Diyos sa sanlibutang ito. Hindi lamang sila marami
sa bilang, bagkus sila ang pangunahing nagbibigay halaga sa kahulugan ng
pagsaksi at pagmimisyon. Kaya’t ang mga layko ay hindi dapat manatiling
tagamasid at tagapakinig lamang sa loob at labas ng iglesya. Ang Espiritu ng
pagkakaisa ay sumainyong lahat.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Tunay na ang Diyos
ay hindi malayo sa atin. Bagkus siya’y ating kasama sa pagtitipong ito, sa
ating pagdiriwang ng Linggo ng mga Layko.
Komunidad: Ito nga ang araw na
gawa ng Diyos! Ginawa niyang tayo ay pagsama-samahin upang muling pagtibayin
ang pagmamahal at pananampalataya sa isa’t isa.
Tagapanguna: Sa gayon, tayo ay
maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos at sa harapan ng mga tao. Siya ay
dadakilain at susundin ng lahat ng mga tao.
Lahat: Ating itaas ang
ating mga puso sa pagsamba sa Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
50. +TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Inuuna
ng mga karapat-dapat maging alagad ni Jesus ang paglilingkod sa kanya bago ang
sino at alin pa man. Ipinapailalim ang sariling interes sa interes ni Cristo.
Sa diwang ito, patuloy itong ipinapaalala ng Diyos at itinuturing na hamon sa
atin. Ang kapayapaan ng Diyos ay sumainyo.
Kapatiran: At sumaiyo
rin.
Tagapanguna:
Ating
itaas ang ating mga puso sa pagsamba sa Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
51. +TAWAG SA PAGSAMBA (ARAW NG MGA BANAL)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Mga kapatid,
ginugunita natin ang lahat ng mga pumanaw na Kristiyano, kabilang na ang mga
minamahal natin na namayapa na. Ang ating pananampalataya sa kasamahan ng mga
banal ay nangangahulugan na ang ating ugnayan ay hindi nagwawakas sa kamatayan.
Komunidad: Papuri at
pasasalamat sa Panginoong Jesus na siyang pag-asa’t muling pagkabuhay natin.
Tagapanguna: Nawa ang pagkalinga
at pagliligtas ng Diyos ay laging sumainyo.
Komunidad:
At
sumaiyo rin.
52. +TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Luwalhati sa Diyos Amang nagsugo sa kanyang Anak
upang ituro sa atin ang daan ng kaligtasan. Ang biyaya ng Banal na Espiritu ay
sumainyong lahat.
Lahat: At sumaiyo rin
Tagapanguna: Magpuring lagi’t
magpasalamat sa Diyos nating Makapangyarihan!
53. +TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: Sa
nagpapatuloy nating pagdiriwang sa paghahari ng Diyos, alalahanin natin na wala
tayong maipagmamalaki sa Panginoon. Sa bahagi ng tao ay pawang mga pagsisikap
lamang tungo sa pagpapakabuti. Sa bahagi ng Diyos ay ang pagpapala at
pagpapabanal niya sa tao. Sa diwang ito, nararapat lamang na ang Diyos ay
pasalamatan at papurihan.
54. +TAWAG SA PAGSAMBA (Lucas 1:68-79 UMH
# 208, LINGGO NI CRISTONG HARI)
Tagapanguna: Sa ngalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak niyang si Cristo-Jesus na
kapahayagan ng Kanyang di masukat na kapangyarihan, at ng Banal na Espiritung
patnubay.
Lahat: Amen.
Tagapanguna: “Purihin
ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang
bayan.
Tugon: Hail to the Lord’s anointed, great David’s
greater son.
Tagabasa 1: At
nagpadala siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas. Mula sa lipi ni
David na kanyang lingkod. T
Tagabasa 2:
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una, na
ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway. At sa kamay ng lahat ng napopoot sa
atin. T
Tagabasa 3:
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang. At alalahanin ang
kanyang banal na tipan. T
Tagabasa 4:
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham, na ililigtas tayo sa
ating mga kaaway upang walang takot na makasamba sa kanya. T
Tagabasa 5: At
maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay. T
Tagabasa 6:
Ikaw naman, anak, at tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Sapagkat mauuna ka sa
Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan.
T
Tagabasa 7: At
ituro sa kanyang bayan ang landas ng kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang
mga kasalanan. T
Tagabasa 8:
Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos, magbubukang-liwayway sa atin ang
araw ng kaligtasan.T
Tagapanguna:
Upang
magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan. At
patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan.”
++++++++++++++++
Salamat kapatid ... makakatulong ito sa aming pananambahan. God bless you more.
ReplyDelete