Wednesday, September 13, 2017

GABAY SA PAGSISINDI NG MGA KANDILA NG PAGDATAL AT NI CRISTO

1.       +PAGSINDI NG UNANG KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: “Magkaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo” (Lucas 21:25-28).
Tinig 2: Nakita ng tatlong mago at mga pastol ang mga tanda ng pagsilang ng Tagapagligtas na sinasabi ng mga propeta. Sa kasalukuyan, hanapin natin ang mga simpleng tanda na kasama natin si Jesus. Gaya ng makita ang ating sarili na nangangaral ng Magandang Balita sa mga dukha, ng kalayaan sa mga bilanggong pulitikal, ng kaliwanagan sa mga bulag, ng kaluwagan sa mga sinisiil, ng pagliligtas at kapayapaan.                                                          
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi)
Tinig 3: Kung kaya’t maging mulat at alerto lagi. Damhin ang Espiritu ng Diyos, ang presensya ni Jesus.
Tagasindi: Ang liwanag ng kapayapaan ng Diyos ay sumaatin. Damhin natin ang katatagang kaloob niya sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang kalooban.                                                                                              
Lahat: Amen.
2.       +PAGSINDI NG IKALAWANG KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagpadala pa siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa lipi ni David na kanyang lingkod. Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una…. Ikaw naman, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan; Sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daraanan. At ituro sa kanyang bayan ang landas ng kaligtasan. Ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. ” (Lucas 1:68-70,76-77).
Tinig 2: Malimit pinipili ng Diyos na magdala ng Kanyang mensahe ang mga taong hindi natin tanggap. Isang taong nabuhay sa ilang, nakasuot ng balat ng hayop, walang ibang kinakain kundi balang at iba pang pagkain sa gubat. Isang mahirap na pastol na tahimik at matiyagang nagbabantay ng tupa sa pastulan. Sa kasalukuyan sila ay maaaring isang guro, janitor, waitress, karpentero, manggagawa, magsasaka, o maging sanggol. Ang pumarito ay hindi lamang para sa mga nasa sentrong lungsod. Para rin siya sa mga taong nasa bundok, sa tabi ng riles ng tren, sa Afghanistan, sa Iraq, Siria, Africa, at sa Mindanao. Si Jesus ay sumasaatin hindi lamang sa pamamagitan ng mga sermon at inaawit nating imno, kundi sa pamamagitan ng mga sirena ng ambulansya o ng mga sulat para sa mga bilanggo. Sa pamamagitan ng mga dumadalaw sa mga may karamdaman, o naghahatid ng relief goods sa mga evacuation centers, nagsasagawa ng mga medical at dental mission, at psycho-social intervention sa mga naging biktima ng samo’t saring kalamidad, at sa ating mga ngiti.
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi)
Tagasindi: Ang liwanag ng pag-asa mula sa Diyos ay sumaatin. Nawa’y ang Salitang ipinadala ng Diyos ay manguna sa atin tungo sa ganap ng paglaya at kaligtasan.
Lahat: (awitin “Away in a Manger” UMH # 217 3rd stanza) Sa akin naman ay huwag kang mawalay, O Jesus na Panginoon ko’t buhay; At ang lahat sa Iyo’y mangahimlay. Ako’y ihilig mo sa Iyong kamay. Amen.
3.       +PAGSINDI NG IKATLONG KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: Purihin ang Diyos lagi!                                            
Tinig 2: Purihin S’yang lagi!
Tinig 1: “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus”, na isinilang sa pinakaabang karanasan ng pagsilang. (Filipos 4:4-7)
Tinig 2: Sa pagsilang ni Jesus sa sabsaban, may paanyaya siya sa atin- isang paanyaya ng kapakumbabaan. Ang pagdatal ay panahon upang pasiglahin ang diwa ng pagpapakumbaba.
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi ng ikatlong kandila ng pagdatal)
Tagasindi: Ang kandilang ito ay sumasagisag sa ningning na mayroon ang buhay na may pagpapakumbaba. Ito’y isa sa mga sangkap ng pagiging lingkod ng Diyos. Ang sabi ni Jesus, “..sinuman sa inyo ang ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami” (Marcos 10:43b-45).
Lahat: (awitin “O Little town of Bethlehem” UMH # 230, 3rd stanza) How silently, how silently, the wondrous gift is given; so God imparts to human hearts the blessings of his heaven. No ear may hear his coming, but in this world of sin, where meek souls will receive him, still the dear Christeners in. Amen
4.       +PAGSINDI NG IKAAPAT NA KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: Nang panahong yaon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Kaya’t umuwi ang bawa’t isa sa sariling bayan upang magpatala. Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Jerusalem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. (Lucas 2:1,3-4)
Tinig 2: Sa pagkakataong ito ating inaalala si Jose, ang mabuting asawa ni Maria, ginawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng kanyang pamilya. Sa madilim nilang kalagayan, naging bahagi siya upang maisilang ang liwanang na inaasam ng bayan. Wala mang tumanggap na tahanan at nag-alay ng maayos na silid upang si Maria ay maayos na magsilang ng sanggol na si Jesus. Ang sabsaban, ang bukod tanging nagbukas upang doon isilang ang Mesiyas.
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi ng ikaapat na kanidla ng pagdatal)
Tagasindi: Sa ikaapat na kandilang ito ng pagdatal, ating ipinagdiriwang ang liwanag sa gitna ng kapighatian at karahasan. Ang katuparan ng pangarap, babangon ang bayan ng Diyos, “..liliwanagin ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kaningningan.” (Isaias 60:2). Kasama natin ang Diyos!
Lahat: (awitin “Emmanuel, Emmanuel” UMH # 204) Emmanuel, Emmanuel, his name is called Emmanuel God with us, revealed in us, his name is called Emmanuel.
5.       +ANG PAGPASOK NG KANDILA NI CRISTO
Tinig 1: Samantalang naroroon sila, dumating na ang panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. (Lucas 2:6-7).
Tinig 2: Sa piling ng kanyang amang si Jose, at kanyang inang si Maria, ang sanggol sa sabsaban ay pinupuri ng mga pastol, at mga karaniwang tao.
 (Papasok ang Tagapagdala ng kandila ni Cristo)
Tagapagdala: Sa araw na ito ating pinasasalamatan ang mga sanggol na kapiling natin. Sila ay nagpapaalala sa kahalagahan ng buhay, sa yaman at pagkakataon upang maranasan ang pangako ng Diyos, na Cristo. Alam natin na isinilang na si Jesu-Cristo, at sa kanyang pagsilang ay naisilang ang mga hamon sa atin. Kasama natin ang Diyos!
Lahat: (awitin “Emmanuel, Emmanuel” UMH # 204) Emmanuel, Emmanuel, his name is called Emmanuel God with us, revealed in us, his name is called Emmanuel. 

No comments:

Post a Comment