Monday, April 2, 2018

Easter Sunday Liturgy Guide

ANG SERBISYO NG PAGSAMBA SA LINGGO NG MULING-PAGKABUHAY NG PANGINOON[1]

PAGTITIPON
PAGHAHANDA
Ang pananambahan ay magsisimula sa madilim na paligid. Ang komunidad ay magtipon sa harap ng isang malaking liwanag na sumasagisag sa muling pagkabuhay. Naroon din makikita ang Kandila ng Pagkabuhay. Ang bawat isa ay magkaroon ng mga kandila na sisindihan sa hudyat ng tagapanguna.

+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna: Sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Santo Espiritu. 
 Lahat: Amen.
Tagapanguna: Ang biyaya at ang kapayapaan mula kay Cristo-Jesus, ating Panginoon ay sumainyo.
Komunidad: At sumainyo rin!
Tagapanguna: Mga kapatid kay Cristo, sa banal na umagang ito kung saan napagtagumpayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang kamatayan. Tayo ay nagtitipon bilang iglesya upang magnilay at magdiwang sa tagumpay ni Cristo laban sa kamatayan!
Komunidad: Hosanna sa kaitaasan!

+PANIMULANG PANALANGIN                                          

PAGPAPARANGAL SA BAGONG ILAW
PAGBABASBAS NG SIGA
Pastor: Ang kapayapaan ni Cristo, ang pag-ibig ng Diyos Ama, at ang pakikiisa ng Santo Espiritu ay sumainyong lahat.                    
Komunidad: At sumaiyo rin.
Tagapanguna: Ang pagtawid ng Panginoon mula sa kamatayan patungo sa pagkabuhay ay inilalarawan ng apoy na nagbibigay liwanag sa kadiliman ng gabi.
Pastor: Tayo ay manalangin. (Tumahimik) Diyos na aming Magulang, sa pamamagitan ng iyong Anak kami’y iyong dinulutan ng ningas ng iyong kaliwanagan. Ang bagong ningas na ito ay iyong gawing banal at ipagkaloob mong kami’y pagningasin nitong aming pagdiriwang upang makasapit kaming may dalisay na kalooban sa walang maliw na kaliwanagan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalanghanggan.
Lahat:  Amen.

Pagkatapos na mabasbasan ang bagong apoy, ang kandila ng muling pagkabuhay ay dadalhin ng acolyte sa pastor.

PAGSINDI NG KANDILA NG PAGKABUHAY
Sisindihan ng Acolyte ang Kandila ng Pagkabuhay, at sasambitin ang mga sumusunod:
Ang Liwanag ni Cristo na sumibol sa kalangitan, winakasan ang kadilimang hatid ng kasalanan at kamatayan.

Ang sindidong Kandila ng Pagkabuhay ay itataas upang makita ng lahat, sasabihin ng Acolyte:
Si Cristo ang ating Liwanag!

At sasambitin ng Pastor ang mga sumusunod:
Mapawi nawang tuluyan ang dilim ng kasalanan sa puso natin at isipan. Si Jesu-Cristo’y nabuhay, siya’y ating kaliwanagan.

+PRUSISYON PAPASOK SA SANGTUARYO
Sa diwang ito sisindihan ng kapatiran ang kanilang dalang kandila.
Tagapanguna: Mangyaring sindihan ang inyong mga kandila mula sa apoy ng kandila ng Pasko ng Pagkabuhay.
Pagkatapos ay umayon ng prusisyun patungo sa sangtuaryo, habang sinasaliwan ng angkop na awitin o musika. Titigil ang Pastor sa Chancel, siya ay haharap sa tao, sasambitin ang mga sumusunod:

Pastor: Tayo nang magbigay-dangal kay Jesus na ating ilaw sa diwa nati’t isipan. Si Jesu-Cristo’y nabuhay, siya’y ating kaliwanagan.

Komunidad: Salamat po, O Dios, sa ilaw na iyong bigay, upang kami ay tanglawan. Si Cristo-Jesus ay nabuhay. Si Cristo-Jesus ang ating kaliwanagan.

Ilalagay ng pastor ang Kandila ng Pagkabuhay sa dapat kalagyan. Ilalagay ang mga kandilang dala ng mga tao sa tabi o sa paligid ng Kandila ng Pagkabuhay, na nakalagay sa lugar na makikita ng lahat. At pagkatapos ang mga ilaw sa dakong sambahan ay pailawin na.

+AWIT NG MULING PAGKABUHAY NI JESUS       
“CELEBRATE, JESUS CELEBRATE”

PROKLAMASYON AT TUGON
ANG ARALIN MULA SA GAWA NG MGA APOSTOLES
Tagabasa: Ang pagbasa mula sa Gawa ng mga Apostoles (10:34-43 basahin). Ang Salita ng Diyos.                                             Komunidad: Salamat sa Diyos.
Tugon:  (aawitin, “Ang Salita ng Diyos”HFJ#353) Ang salita ng Dios ay may sinag, Laging nagniningning ang bukas; Kung sa kamay ng Dios ilalagak, Ang yaman na angkin at hirap.

ANG ARALIN SA MGA LIHAM
Tagabasa: Ang pagbasa mula sa Sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Colosas (3:1-4 basahin). Ang Salita ng Diyos. Komunidad: Salamat sa Diyos.
Tugon:  (aawitin, “Ang Salita ng Diyos”HFJ#353) Ang salita ng Dios ay may sinag, Laging nagniningning ang bukas; Kung sa kamay ng Dios ilalagak, Ang yaman na angkin at hirap.

+PAGDAKILA SA EBANGHELYO

+ANG ARALIN SA EBANGHELYO
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.                          
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan.
Komunidad: Papuri sa iyo, Panginoon.
Pastor: (Basahin ng malinaw ang Juan 20:1-18). Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Tugon:(awitin, Alleluia, UMH186) Alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia.

ANTHEM                                    

SERMON                                                                           

+KAPAHAYAGAN NG PANANAMPALATAYA        

TAWAG SA PAGSISISI
Tagapanguna: Ang kamay ng Diyos ang nagdala sa atin upang magsama sa dako at panahong ito. Ang Diyos ay umaanyaya upang suriin ang ating mga sarili sa kanyang iglesya. Gaano tayo kabukas sa Diyos? Gaano natin kamahal ang ating kapwa? Gaano tayo katotoo sa liturhiyang ating pinagsasaluhan? Tayo ay magsuri.

Ang lahat ay magkaroon ng sandaling katahimikan at tahimik na pagbubulay.
Tugon: (Jesus, Remember Me, UMH#488) Jesus, Remember me when you come into your kingdom. Jesus, remember me, when you come into your kingdom.

ANG PAGSISISI
Tagapanguna: O Diyos, kami ay nangungumpisal sa iyo na sa maraming pagkakataon ay hindi kami naging bukas sa iyo. Hindi namin nakikilala ang iyong kabutihan sa aming kapwa dahil sa aming pagkamakasarili. T
Tagapanguna: Itinuon namin ang aming isipan sa mga makamundong bagay at binalewala ang iyong kalooban sa amin. T
Tagapanguna: O aming Diyos, patawarin ninyo po kami sa aming kahibangan, sa aming kayabangan, at sa aming mga pagkukulang. T
Tagapanguna: Ihinga mo nga sa amin minsan pa ang hininga ng buhay, at kami ay lalakad sa iyong liwanag at kabanalan. Amen.

+SALITA NG PAGPAPATAWAD
Pastor: Tayo ay pinatawad ng Diyos, sa kanyang habag pinagkalooban tayo ng bagong buhay at pagkakataon. Kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga propeta at ni Cristo-Jesus upang dalhin ang kaganapan ng buhay. Patuloy na kumikilos ang Diyos upang tayo ay palayain at gawing mapagpalaya.                                                                     

+GLORIA                

PASASALAMAT AT KOMUNYON
TAWAG SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna: Mga kapatid, “huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa iba sapagkat iyan ang haing kinalulugdan ng Diyos” (Hebreo 13:16).                                              

+ANG PAGHAHANDOG                                                            
+DOKSOLOHIYA                   
+PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG

ANG PAGPAPAHAYO
MGA MALASAKIT AT BALITA
IMNO                             “The Day of Resurrection”  TMH # 437

PANALANGING PASTORAL                                                   
+BENDISYON                   
+TATLONG AMEN                                                                          
PAGHAYO
+++++++++++++++






[1] Inihanda ni
Rev. Jeric C. Cortado, April 20, 2014

Blessing of Water

RITWAL SA PAGBABASBAS SA TUBIG[1]
Prepared by Rev. Jeric C. Cortado, 2013 

Bahagi ng tradisyong Kristiyano ang pagbabasbas ng tubig na gagamitin sa pagbabautismo, pagbabasbas sa mga tao, mga dako, mga kagamitan at sa pagtataboy ng mga masasamang espiritu. Malimit itong inilalagay sa isang “water font” na kadalasan ay matatagpuan sa pasukan ng simbahan. Bilang pagpapaalala sa ating tinanggap na Bautismo, isinasawsaw ng mga Kristiyano ang kanilang mga kamay sa nabasbasang tubig at ipinapahid sa kanilang noo sa anyong krus habang pumapasok sa simbahan. Sa Orthodox Church, binabasbasan nila ang tubig upang magamit sa mga serbisyo ng pagbabasbas at pagtataboy ng mga demonyo at masasamang espiritu. Sa Anglican Church, ginagawa ang pagbabasbas ng tubig sa panahon ng pagdiriwang ng Sakramento ng Binyag. Subalit sa ilan sa mga kasapi ng Anglican Communion, ang paggamit ng tubig sa mga pagbabasbas ng mga dako at kagamitan ay naging optional. Ito ang isa sa mga namana nating mga Metodista, ang tubig ay ginagamit sa pagbibinyag at bahagi ng ating ritwal sa pagbibinyag ay ang pagbabasbas ng tubig. Ang natirang tubig na nabasbasan ay ating inilalagay sa isang container upang magamit sa pagbabasbas ng mga kagamitan, ng tao at dako. Subalit nasa discretion ng pastor kung gagamit ng tubig sa pagbabasbas, bagama’t marami na rin akong nakasalamuhang pastor na Metodista na gumagawa nito lalong higit dito sa Mindanao. Ang gabay sa pagbabasbas ng tubig na ito ay hinango sa ginagawa ng mga naunang Kristiyanong komunidad kung saan nakaugat din sa ating Biblical tradition. Maaring gawin ang pagbabasbas bilang bahaging ritwal sa isang regular ng pananambahan, bagama’t nakaugalian na itong isinasagawa sa Semana Santa, o sa tuwing ipinadiriwang ang Easter Sunday.

Gagawin ang pagbabasbas ng tubig matapos ang Sermon. Tatayo ang sa likod ng altar or Lord’s Table, o kung saan nakalagay ang “font” na pinaglagyan ng tubig. Sasambitin ng pastor ang mga sumusunod habang nakaharap sa mga tao:

Mga kapatid, ang tubig na ito ay isang paalala sa tinanggap nating bautismo at pagkakakilanlan bilang isang Kristiyano. Hilingin natin sa Diyos na pakabanalin ito at hayaang maranasan natin ang presensya ng Banal Espiritu sa mga ito.

Matapos ang sandaling katahimikan ay magpapatuloy ang pastor sa kanyang pananalangin.

Diyos na aming Magulang, ang kaloob Mong tubig na bukal ng buhay at pag-asa, naglilinis sa aming mga kasalanan at nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiya-siya.  Basbasan niyo po ang tubig na ito, hayaang maranasan ang Iyong pagkalinga sa pamamagitan nitong tubig. O Diyos, bukal ng buhay at pag-asa, gawin mo kaming malaya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng tubig na ito. At hayaang lumapit sa Iyo upang tanggapin ang biyaya ng kaligtasan. Sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu. Amen.

Kukunin ng pastor ang asin na nakalagay sa isang mangkok at itataas habang sinasambit ang mga sumusunod:
Diyos na aming Magulang, basbasan niyo ang asin na ito, at kung paanong binasbasan mo ang asin na ibinuhos ni Propeta Eliseo sa bukal ng tubig upang gawing malinis at magbigay ng buhay (2 Hari 2:19-21). Saan man gamitin ang asin at tubig na ito ay maging kapahayagan nawa ng paglilinis, pagpreserba at pagpapanumbalik sa kalikasan ng buhay, maging bukal ng kapangyarihang nakapagpapataboy ng karamdaman, ng masasamang espiritu, at nagsisilbing sanggalang.  Amen 

Ilalagay ng pastor ang asin sa nabasbasang tubig.
Sinabi ng Diyos, “Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyos-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu” (Ezekiel 36:25-26).

Itataas ng pastor ang kanyang kamay at sasambitin ang mga sumusunod:
O Diyos, linisin niyo po kami, sala namin ay hugasan at kami ay puputi nang walang kapantay (Awit 51:7)

Sa diwang ito, sasalok ang pastor ng nabasbasang tubig, ilalagay sa isang sisidlan at wiwisikan ang mga tao. Kapag nakabalik na ang pastor sa kanyang lugar, haharap ang pastor sa madla at sasabihin ang mga sumusunod:
Nawa’y ang makapangyarihang Diyos ay maglilinis sa ating mga kasalanan at gawin tayong karapat-dapat sa kanyang makalangit ng piging. Amen.
+++++++++++++++++++++++++





[1] Ang ritwal na ito ay naihanda bilang bahaging topiko sa klase ng Sacramental Theology and Practice class ng SPMCI, school year 2013-2014. Ginamit ko itong ritwal nang ako ay madestino sa Founder United Methodist Church, Brgy. Aringay, Kabacan, Cotabato at sa SPMCI mismo. 

Tuesday, March 27, 2018

SERBISYO NG PASASALAMAT 2018: A Liturgy Guide

SERBISYO NG PASASALAMAT 2018[1]

PAGPASOK
PAGTITIPON

+AWIT NG PAGTITIPON                                                                       SPMCI Chorale
“SURELY THE PRESENCE OF THE LORD IS IN THIS PLACE”
Words and Music by LANNY WOLFE
+PROSESYUNAL
Candle Lighters, Bible Bearer, Graduating Class and Parents/Guardians, Faculty and Staff, Board of Trustees, President and Guest Preacher, Officiating Pastors.
PAGBATI AT PAGTANGGAP                                         Prof. Framer Cristy P. Mella
                        SPMCI President
+TAWAG SA PAGSAMBA
Tagapanguna:  Sa pangalan ng Diyos na ating Magulang, ng Anak, at ng Santo Espiritu.
Komunidad: Amen.
Tagapanguna:  Ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos ay sumainyo.
Komunidad: At sumaiyo rin.                          
Pastor: Sa pagtitipon natin ngayon, ating ipinagdiriwang ang tagumpay na nakamit ng ating mga kapatid na nag-aral sa Southern Philippines Methodist Colleges Inc., at sa galak na hatid nito sa kanilang mga magulang, tagasuporta, at komunidad na pinanggalingan nila. Ating kilalanin ngayon ang kanilang mga inaning karunungan at paglago. Salubungin natin ang biyayang hatid ng pagdiriwang na ito sa ating lahat.
Lahat: Hosanna sa kaitaasan!

+IMNO                      “GREAT IS THY FAITHFULNESS”
Tunay kang matapat, Dios na Magulang
Di nagbabago, di nag-iiba.
Maghapon, matanghali, maumaga;
Sa buong panahon, matapat ka!
Koro:
Tunay kang matapat, tunay kang matapat!
Araw-araw aking namamalas.
Ang iyong kabutihang walang kupas,
Tunay kang matapat, sa paglingap.

Tag-araw’t tag-ulan at tag-ani man,
Araw, buwa’t bituin sa gabi.
Nag-aawitang lagi’t sumasaksi;
Sa katapatan mong anong laki. (Koro)

Kapatawaran at kapayapaan,
Mga pangako mong umaakbay.
Lakas ngayo’t pag-asang sumisilang,
Ang lahat ng ito’y Iyong bigay. (Koro)
+PANIBUKAS NA PANALANGIN
Tagapanguna:  Tayo ay manalangin.
Lahat:   O Diyos na aming Magulang, aming Guro na kumakalinga, nagtuturo ng tunay na karunungan upang kami ay mamuhay sa pag-ibig at kapayapaan. Puspusin nawa ng iyong pag-ibig at patnubay ang pananambahan naming ito. Sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu magpasawalanghanggan. Amen.

TAWAG SA PAGSISISI
Tagapanguna:  Inaanyayahan tayo ni Jesus, ang Mabuting Pastol na tumawag sa ating pangalan upang tayo ay makasunod sa kanya sa landas ng kabanalan at kalayaan. Suriin ang ating mga sarili sa kanyang harapan at ikumpisal ang ating mga kasalanan sa Diyos at sa kapwa.

Ang lahat ay magkaroon ng sandaling katahimikan.
Tugon: PANGINOONG DIOS, MAHABAG KA

PANALANGIN SA PAGSISISI
Tinig 1:            Panginoong Jesus, inihayag mo sa amin ang daan tungo sa landas ng kabanalan at kalayaan mula sa gapos ng kasakiman at kaalipinan. Panginoon, patawarin niyo po kami. T
Tinig 2:            Ipinagkaloob mo sa amin ang aliw na dulot ng katotohanan at karunungan. Inihatid mo kami sa buhay na walang hanggan. Panginoon, kaawaan mo kami. T
Tinig 3:            Naging maramot kami sa aming kapya, naging pabaya sa aming mga tungkulin. Madalas kami ay lumalabag sa iyong kalooban at tumataliwas sa iyong mga kautusan. Patawarin ninyo po kami. T

+SALITA NG PAGPAPATAWAD
Pastor: Ang ating pagsisisi ay isang pagkilala sa ating katauhan at pangangailangan sa biyaya ng Diyos. Nangako ang Diyos na patatawarin tayo sa ating mga kahinaan. Tanggapin natin ang katiyakang ito nang may kapakumbabaan. Sa ngalan ni Cristo-Jesus napatawad tayo.

+GLORIA
GLORIA! GLORIA! IN EXCELSIS DEO! GLORIA! GLORIA! ALLELUIA! ALLELUIA!

PROKLAMASYON AT TUGON

DALANGING PANGKALIWANAGAN
Pastor: Panginoon, buksan mo ang aming puso at isipan sa bisa ng iyong Banal na Espiritu, at nang samantalang binabasa ang mga Kasulatan at ipinoproklama ang iyong Salita, marinig naming may kagalakan ang sinasabi Mo sa amin ngayon. Amen.

ARALIN SA LUMANG TIPAN                                 Deut. 26:16-19                 Gladimei Labagan         

ARALIN SA EPISTULA                                                             James 3:13-18                 Ruel Jade Zaldivar

+PAGDAKILA SA EBANGHELYO
Alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia.
(Alleluia, UMH186)
+ARALIN SA EBANGHELYO               Matthew 5:1-16
The Rev. Shirlee Ann V. Casiano, ECP

DALIT NA AWIT                        “GOD’S FAITHFUL SHEPHERDS”                         Graduating Class
By Douglas E. Wagner

PAGPAPAKILALA SA PANAUHING MANGANGARAL                          
Rev. Reymond C. Dungao

SERMON                                                                     
Rev. Connie Semy P. Mella, Th.D.
Academic Dean, Union Theological Seminary

+KAPAHAYAGAN NG PANANAMPALATAYA
Pastor: Tayo ay magkaisa sa kapahayagan ng pananampalatayang Kristiyano.
Lahat:   Sumasampalataya tayo sa Diyos, ang Amang makapangyarihan, tagapaglikha ng langit at daigdig. Sumasampalataya tayo kay Jesu-Cristo, ang namumukod-tangi N’yang anak, ang ating Panginoon. Ipinaglihi S’ya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu at isinilang ni Birheng Maria. Nagdusa S’ya sa ilalim ng pamamahala ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, at inilibing. Bumaba S’ya sa hanay ng mga patay. Sa ikatlong araw, muli S’yang bumangon. Umakyat S’ya papasok sa langit, at iniluklok sa gawing kanang kamay ng Ama. Muli S’yang darating upang hatulan ang mga nabubuhay at ang mga patay. Sumasampalataya tayo sa Banal na Espiritu, sa banal na Iglesia Katolika, sa komunyon ng mga banal, sa muling pagkabuhay ng katawan, at sa buhay na walang hanggan. Amen.

PAGGAWAD NG SERTIPIKO NG PAGKILALA                               
Prof. Framer Cristy P. Mella
                                                    SPMCI President
PARANGAL SA MGA MAGULANG                                                 Graduating Class
PARANGAL SA MGA ISPONSOR                                                  Graduating Class
PARANGAL SA MGA GURO                                                       Graduating Class

PASASALAMAT AT KOMUNYON
Ang Pastor ay tatayo sa likod ng Dulang
PAANYAYA SA PAGHAHANDOG
Tagapanguna:  Ang pagiging mabuting katiwala ng biyaya ng Diyos sa atin ay makapagkakaloob ng lugar sa hapag ng Diyos sa mga kapatid nating gutom at hikahos, matutuluyan ng mga walang masilungan at mapagpahingahan. Ang ating mga kaloob ay kapahayagan ng ating pasasalamat sa Diyos sa biyayang kaloob, sa kanyang pagkalingang nahayag sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

+PAGHAHANDOG
Seedling
Graduating Student: Inihahandog namin ang halamang ito na sumasagisag sa buhay na nadiligan ng biyaya ng karunungan at paghahanda upang maging mabunga sa mundong kinalalagyan. Lalabas kami sa pintuan ng Southern Philippines Methodist Colleges, Inc. na taglay ang mga biyayang ito. O Diyos, sa Iyo namin ito inihahandog.

Bulaklak
Graduating Student: Ipinahahayag mo O Diyos, sa mga bulaklak ang iyong kaluwalhatian, sa kamangha-mangha mong nilikha. Ang katotohanan sa muli mong pagkabuhay na hindi lamang aliw ang hatid kundi, kalayaan at walang hanggang buhay. Lalabas kami sa pintuan ng SPMCI bilang kapahayagan ng iyong kamangha-manghang pag-ibig at pagkalinga. O Diyos, sa iyo namin ito inihahandog.

Sindidong Kandila
Graduating Student: Sa sindidong kadilang ito, ginugunita namin O Diyos, ang iyong walang patlang na pagkalinga. Maging sa panahon ng mga kadiliman, pagsubok at kamatayan. Hinihingi namin ang patnubay ng Banal na Espiritu na nagbibigay liwanag sa aming mga paglalakbay, pagpapasiya at paggawa. Lalabas kami sa pintuan ng SPMCI taglay ang pagpapahayag ng aming pananampalataya sa kabanalan at katauhan ng Panginoong Jesus-Cristo. O Diyos, sa Iyo namin ito inihahandog.

Sablay
Graduating Student: Ang sablay na aming isusuot sa seremonya ng pagtatapos ay sumasagisag sa tagumpay na aming nakamit. Sa natatanging tatak ng SPMCI na aming minahal at niyakap. Sagisag ng paglalagay namin sa aming sarili sa pagsusulong ng dangal ng buhay, karunungang napapanahon, biyaya ng pagkakaiba-iba, at paglago sa anumang anyo at larangan. O Diyos, sa Iyo namin ito inihahandog.

Medalya at Sertipiko
Graduating Student: Ang mga medalya na isasabit at sertipiko na ibibigay sa mga magsisipagtapos ay sumasagisag ng pagpapamalas ng kahusayan sa pagkakataon at karapatang ipinagkaloob na matuto at lumago. Kapahayagan ito ng pagkilala at parangal sa mga mag-aaral na nagpamalas ng kahusayan sa pag-aaral. O Diyos, itulot Mong maging sagisag ito sa Iyong paanyaya na pag-ibayuhin, pagyamanin, at pahalagahan ang edukasyong aming karapatan at katungkulan. O Diyos, sa Iyo namin ito inihahandog.

Cash/Love Gifts/Monetary Offering
Graduating Student: Aming Diyos, na nagkaloob sa amin ng pangitain sa iyong mga layunin at kalooban. Itinatalaga po namin ang mga kaloob na salapi, tinapay at alak sa pagsusulong ng mga gawaing Iyong niloob. Ipadama mo nga sa amin ang Iyong Espiritu upang lumakas kami sa paglilingkod. Tanggapin N’yo po ang aming paghahandog na kapahayagan ng aming binago at pinasiglang pagtatalaga sa iyong mga hamon at aming bokasyon. Amen.

IMNO NG PAGKAKAISA
Words and Music by Lucio D. San Pedro
Katulad ng mga butil na tinitipon
Upang maging tinapay na nagbibigay buhay
Kami nawa’y matipon din
At maging bayan Mong giliw

Koro:
Iisang Panginoon, iisang katawan
Isang bayan, isang lahi
Sayo’y nagpupugay

Katulad din ng mga ubas
Na piniga at naging alak
Sino mang uminom nito
May buhay na walang hanggan
Kami nawa’y maging sangkap
Sa pagbuo nitong bayang liyag
(Koro)

PAGHAHANDOG NG TINAPAY AT ALAK
ANG DAKILANG PASASALAMAT
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Itaas ninyo ang inyong mga puso.
Komunidad: Itinataas namin ang mga yaon sa Panginoon.
Pastor: Magpasalamat tayo sa Panginoon nating Diyos.
Komunidad: Matuwid na magpasalamat at magpuri.
Pastor: Matuwid …imno ng pasasalamat at pagdakila.
Lahat: (aawitin) Kabanalbanalang Dios ng lakas at tatag.
Langit lupa’y pinagpapala, papuri ay sa langit.
Mapalad S’yang parating sa ngalan ng Dios.
Papuri ay sa langit.
Pastor: Banal ka, O Diyos … misteryo ng pananalig sa kay Cristo.
Lahat:   (aawitin) Namatay, at nabuhay, babalik muli.
Pastor: Ibuhos mo …ngayon at sa walang hanggan.
Tugon: (aawitin) Amen, Amen, Amen.
Pastor: At ngayon, …manalangin tayo:
Lahat:   (aawitin) Dios na Magulang, Banal ang ngalan.
Pamamayani ay sumaamin. Gawin nawa ang ‘yong kalooban.
Sa lupa gaya ng sa langit.
Ipagkaloob ngayon sa amin, pang-araw-araw naming kakanin.
Kami sa sala ay patawarin, nagpapatawad sa kapwa rin.
H’wag mong sa tukso’y kami’y tulutan. Kundi iligtas sa kasamaan.
Pamamayani,
kapangyarihan, kaluwalhatian, sa ‘Yong tanan. Amen.

PAGPIRA-PIRASO NG TINAPAY
PAMAMAHAGI NG TINAPAY AT ALAK
+PANALANGIN NG PASASALAMAT

PAGPAPAHAYO
KONSAGRASYON SA MGA MAGSISIPAGTAPOS
Sa diwang ito aanyayahan ng Pastor na lumapit ang mga magsisipagtapos sa harapan, habang ang mga magulang nila, sponsor, at guardians ay nasa kanilang likuran.
Pastor: Ang mapagpalayang turo ni Cristo sa pamamagitan ng SPMCI, ang pagiging mabuting katiwala, ang talino, ang kahusayan sa pamamahala at paglilingkod sa kapwa ay sumainyo.
Graduating Student: Amen.
Graduating Student: Diyos, aming Magulang at dakilang Guro, kilala niyo kami at tinawag sa pamamagitan ng aming mga pangalan. Kilala niyo na kami bago pa namin kayo nakilala, minahal niyo na kami bago namin kayo minahal. Marinig nawa namin ang iyong tinig at hamon upang itaguyod ang kinabukasang may pag-asa.
Pastor: Basbasan mo ang mga mag-aaral na ito sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo. Nagpapasalamat kami sa kanilang mga gurong matiyaga na nagturo. Sa mga magulang, sponsor at guardians na umalalay sa kanilang pag-aaral. Samahan niyo po sila sa kanilang patuloy na paglalakbay. Alisin niyo po sa kanila ang mga pag-aalinlangan at lahat ng sagka upang maunawaan ang layunin ng kanilang buhay. Maitanim sa kanilang isip at puso ang kahalagahan ng pananalig sa iyo at ng katapatan. At sa kanilang paghayo, mahayag sa pamamagitan nila ang natatanging tatak at katangian ng SPMCI, bilang bukal ng tanglaw at balon ng mga dakila. Amen.

+IMNO NG SPMCI “BUKAL NG TANGLAW, BALON NG MGA DAKILA”
The assigned representatives will come before the altar. The Officiating Pastor lights from the altar candle the candle of each representative. As we sing the SPMCI hymn, the graduating students may offer the lighted candle to their parents as the sign of their unending and deepest gratitude.

+RITUAL SA PAGTATANIM NG PUNO
+BENEDIKSYON
Tugon ng Koro:                 “THE LORD BLESS YOU AND KEEP YOU”                               
                                                                                           By Peter C. Lutkin
PAGHAYO
+++++++++++++++++++
SPMCI HYMN
“BUKAL NG TANGLAW, BALON NG DAKILA”
                                     Lyrics by: Rev. Jeric C. Cortado                                             Music by: Dss. Emelyn S. Castillo
Southern Philippines Methodist Colleges,
Bukal ng Tanglaw at Pamarisan
Pangitain at mithii’y matapat,
Edukasyon bukas para sa lahat.
Kay Kristong Banal at Mapagpalaya,
Hinugot ang misyong binabandila
Ang pananalig na mapagpalaya,
Napapanahong dunong na dakila.
Koro:
SPMC, sa Diyos ang papuri,
Hangad mong bayan na walang uri.
Dangal ng buhay na itinatangi,
SPMC(3X), bigkis ng Tatlong Lahi.
Ang kahusayan sa pamamahala,
Kapayapaan at katarungan.
Pagkakaisa’t pagkakapatiran,
Huwaran ka aming karangalan
Coda:
Southern Philippines Methodist Colleges,
SPMC, balon ng mga Dakila
Huwaran ka, aming paaralan,
Kahit saan at, magpakaylanman.







[1] Prepared by Rev. Jeric C. Cortado, Acting Dean of the College of Theology, Southern Philippines Methodist Colleges, Inc., Mt. Apo Village, Kidapawan City, Philippines.