RITWAL SA PAGBABASBAS SA TUBIG[1]
Prepared by Rev. Jeric C. Cortado, 2013
Bahagi ng tradisyong Kristiyano ang pagbabasbas ng tubig na
gagamitin sa pagbabautismo, pagbabasbas sa mga tao, mga dako, mga kagamitan at
sa pagtataboy ng mga masasamang espiritu. Malimit itong inilalagay sa isang
“water font” na kadalasan ay matatagpuan sa pasukan ng simbahan. Bilang
pagpapaalala sa ating tinanggap na Bautismo, isinasawsaw ng mga Kristiyano ang
kanilang mga kamay sa nabasbasang tubig at ipinapahid sa kanilang noo sa anyong
krus habang pumapasok sa simbahan. Sa Orthodox Church, binabasbasan nila ang
tubig upang magamit sa mga serbisyo ng pagbabasbas at pagtataboy ng mga demonyo
at masasamang espiritu. Sa Anglican Church, ginagawa ang pagbabasbas ng tubig
sa panahon ng pagdiriwang ng Sakramento ng Binyag. Subalit sa ilan sa mga
kasapi ng Anglican Communion, ang paggamit ng tubig sa mga pagbabasbas ng mga
dako at kagamitan ay naging optional.
Ito ang isa sa mga namana nating mga Metodista, ang tubig ay ginagamit sa
pagbibinyag at bahagi ng ating ritwal sa pagbibinyag ay ang pagbabasbas ng
tubig. Ang natirang tubig na nabasbasan ay ating inilalagay sa isang container upang magamit sa pagbabasbas
ng mga kagamitan, ng tao at dako. Subalit nasa discretion ng pastor kung gagamit ng tubig sa pagbabasbas, bagama’t
marami na rin akong nakasalamuhang pastor na Metodista na gumagawa nito lalong
higit dito sa Mindanao. Ang gabay sa pagbabasbas ng tubig na ito ay hinango sa
ginagawa ng mga naunang Kristiyanong komunidad kung saan nakaugat din sa ating
Biblical tradition. Maaring gawin ang pagbabasbas bilang bahaging ritwal sa
isang regular ng pananambahan, bagama’t nakaugalian na itong isinasagawa sa
Semana Santa, o sa tuwing ipinadiriwang ang Easter Sunday.
Gagawin ang
pagbabasbas ng tubig matapos ang Sermon. Tatayo ang sa likod ng altar or Lord’s
Table, o kung saan nakalagay ang “font” na pinaglagyan ng tubig. Sasambitin ng
pastor ang mga sumusunod habang nakaharap sa mga tao:
Mga
kapatid, ang tubig na ito ay isang paalala sa tinanggap nating bautismo at
pagkakakilanlan bilang isang Kristiyano. Hilingin natin sa Diyos na pakabanalin
ito at hayaang maranasan natin ang presensya ng Banal Espiritu sa mga ito.
Matapos ang
sandaling katahimikan ay magpapatuloy ang pastor sa kanyang pananalangin.
Diyos
na aming Magulang, ang kaloob Mong tubig na bukal ng buhay at pag-asa,
naglilinis sa aming mga kasalanan at nagkakaloob ng buhay na ganap at kasiya-siya. Basbasan niyo po ang tubig na ito, hayaang
maranasan ang Iyong pagkalinga sa pamamagitan nitong tubig. O Diyos, bukal ng
buhay at pag-asa, gawin mo kaming malaya mula sa kasalanan sa pamamagitan ng
tubig na ito. At hayaang lumapit sa Iyo upang tanggapin ang biyaya ng
kaligtasan. Sa kay Cristo Jesus, kasama ng Santo Espiritu. Amen.
Kukunin ng pastor
ang asin na nakalagay sa isang mangkok at itataas habang sinasambit ang mga
sumusunod:
Diyos
na aming Magulang, basbasan niyo ang asin na ito, at kung paanong binasbasan mo
ang asin na ibinuhos ni Propeta Eliseo sa bukal ng tubig upang gawing malinis
at magbigay ng buhay (2 Hari 2:19-21). Saan man gamitin ang asin at tubig na
ito ay maging kapahayagan nawa ng paglilinis, pagpreserba at pagpapanumbalik sa
kalikasan ng buhay, maging bukal ng kapangyarihang nakapagpapataboy ng
karamdaman, ng masasamang espiritu, at nagsisilbing sanggalang. Amen
Ilalagay ng
pastor ang asin sa nabasbasang tubig.
Sinabi
ng Diyos, “Wiwisikan ko kayo ng tubig na
dalisay upang kayo’y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa
inyong mga diyos-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu”
(Ezekiel 36:25-26).
Itataas ng pastor
ang kanyang kamay at sasambitin ang mga sumusunod:
O Diyos, linisin niyo po kami,
sala namin ay hugasan at kami ay puputi nang walang kapantay (Awit 51:7)
Sa diwang ito, sasalok
ang pastor ng nabasbasang tubig, ilalagay sa isang sisidlan at wiwisikan ang
mga tao. Kapag nakabalik na ang pastor sa kanyang lugar, haharap ang pastor sa
madla at sasabihin ang mga sumusunod:
Nawa’y
ang makapangyarihang Diyos ay maglilinis sa ating mga kasalanan at gawin tayong
karapat-dapat sa kanyang makalangit ng piging. Amen.
+++++++++++++++++++++++++
[1] Ang ritwal na ito ay naihanda bilang bahaging
topiko sa klase ng Sacramental Theology and Practice class ng SPMCI, school
year 2013-2014. Ginamit ko itong ritwal nang ako ay madestino sa Founder United
Methodist Church, Brgy. Aringay, Kabacan, Cotabato at sa SPMCI mismo.
No comments:
Post a Comment