Isang
Pagninilay sa Lucas 18:1-8
Pedro: Tingnan mo
nga Jesus! Ginawa na natin ang lahat. Napudpod na ang ating mga sandalyas. Nangangamoy
na tayo sa pawis sa pagsusulong ng pagbabago. Pero ano ang ating napala?
Jesus: Kalma ka lang.
Wala ka talagang pasensya, Pedro.
Pedro: Ah ganon,
magpasensya! Kalma lang! Ano ka ba Jesus! Buksan mo nga ang iyong mga mata!
Hindi biro ang pinaggagawa natin. Para tayong nagbubungkal para patagin ang
malaking bundok sa ating harapan. Ginagawa nating hangal ang ating sarili,
Jesus!
Jesus: Talagang
hangal tayo, Pedro. Kung tunay tayong may pananalig sa Panginoon at sa ating
mga sarili, kaya nating patagin ang bundok at maitapon sa dagat. Alam mo noong
bata pa ako, noong nasa Nazaret pa kami ng balo kong inang si Maria. Habang sila ay nagtatrabaho sa
bukirin ng panginoong-maylupang si Ananias. Narinig ko ang pag-uusap nila nanay
kasama ang kanyang mga kasamahang pesante.
Susana: Gago talaga itong si Ananias!
Napakawalanghiya niya! Sana magkasakit yan at mamatay na!
Rebecca: Mantakin mo, tatlong linggo na tayong
nag-tatrabaho ditto sa kanyang bukirin. Pero hindi parin tayo binabayaran.
Hindi maari ito! Sumpa man, sa pamamagitan ng trumpeta sa Jerico malalaman ng
buong mundo ang kanyang kasakiman at kasamaan. At ang matandang ito ay
babayaran tayo. Dahil kung hindi!
Michal: Dahil ano, Rebecca? Huminahon ka nga.
Huwag mong sayangin ang iyong lakas. Ano ang magagawa natin kung hindi niya
tayo bigyan ng sahod? Wala! Kung buhay pa lang sana ang ating mga asawa ay
maipagtatanggol nila tayo. Pero ano ang ating magagawa? Mga balo na tayo. Pasan
natin ang krus at kailangan magtrabaho na parang hayop.
Jesus: Ang aking inang
si Maria, kasama ang aming mga kapitbahay gaya ni nanay Susana, mga balo sa
Nazareth ay hindi nabayaran sa tatlong linggo nilang sahod sa pag-aani ng bunga
ng olibo sa bukirin ni Ananias. Galit sila dahil ilang ulit na itong ginawa ni
Ananias sa kanila at ng iba pang panginoong-maylupa. Malimit
napagsasamantalahan sa maliit na sahod at hirap ng trabaho. Maliban na sila ay nakakaranas
ng diskriminasyon.
Maria: Mga kasama, kailangang kumilos tayo.
Hindi na tama na ganito na lang lagi. Ang ating mga anak ay nagugutom dahil sa
kasakiman ng mga panginoong-maylupa.
Michal: Kumadre, mayroon ba tayong magagawa?
Kapalaran natin ito at tanggapin natin ang kapalarang ito.
Maria: Ano bang pinagsasabi mong kapalaran?
Hindi totoo yan Michal. Hindi ko matatanggap na kapalaran natin ang maghirap ng
ganito. Ang magutom ang ating mga anak. Alam mo ba ang sinabi ng nasira kong
asawa na si Jose? At sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Sabi niya, tayo ang
gumagawa ng ating kapalaran, nasa ating mga kamay ang ating kinabukasan.
Susana: Totoo yan Maria, pero tayo’y mga
babae at mga mahihina. Alam mo yan diba?
Maria: Papaano mo masabing mahina tayo dahil
tayo ay mga babae, Susana? Hindi ba si Judith ang pumugot ng ulo sa isang
higante na nakalimutan ko na kung sino yon? Noong panahon na ang mga
kalalakihan ng Israel ay nabalot ng takot, sino ang namuno laban sa pang-aatake
ng mga Canaanites? Si Deborah na babae katulad mo at katulad ko. At hindi ba’t
si Reyna Esther ay palaban din?
Rebecca: Tama si Maria. Ang problema, ang babae
lalo na at balo ito, dahil sa pag-iisa malimit nakatago katulad ng daga sa
lungga.
Maria: Kung ganon, panahon na para lumabas
sa lungga at parusahan ang abusadong pusa.
Susana: Oo, tama! Kumilos tayo para sa ating
kagalingan na mga balo at kababaihan, at para sa ating mga anak!
Maria: Tayo na’t tumungo sa Cana at magsampa
ng reklamo laban sa gahamang si Ananias. Ano ang trabaho ng hukom, di ba’t
ipataw ang katarungan, tama? Kausapin natin ang hukom sa gayon ay dalhin niya
ang ating mga reklamo sa korte.
Jesus: Si Nanay
Maria, kasama ang iba pang balo sa Nazareth ay tumungo sa gawing norte patungong
Cana. At nakipagkita sa hukom na nagngangalang Jacinto. Isang mataba at kalbong
hukom na nakabase sa Cana.
Rebecca: Hukom na Jacinto! Hukom na Jacinto!
Hukom na Jacinto! Hukom na Jacinto!
Jacinto: Anong kaguluhan mayroon dito sa labas
ng aking bahay? Pambihira! Sino kayong mga nanggugulo?
Susana: Kami ang mga balong galing pa sa
Nazareth! May sasabihin lang kaming mahalga sa iyo. Pakiusap pakinggan mo kami.
Jacinto: Kayong mga patay gutom. Ano ang
inyong nais? Bakit ninyo ako ginugulo?
Maria: Hindi namin kayo ginugulo. Naandito
kami dahil ipinagkait sa amin ang tatlong linggong sahod. Matapos kaming
naghirap sa pagtatrabaho sa bukirin ni Ananias ay hindi kami binayaran.
Jacinto: At ano ngayon?
Rebecca: Hukom ka di ba? At bilang hukom ipinapataw
mo ang hustisya’t katarungan sa mga naaapi.
Jacinto: Ipinakukulong namin ang mga
nanggugulo na tulad ninyo. Abala ako ngayon, kaya puwede bang huwag ninyo akong
gambalain.
Maria: Sir, sandali lang pakiusap. Huwag mo
naman kaming talikuran agad. Alam naming kilala ninyo ang matandang si Ananias.
Pinagtrabaho niya kami sa kanyang taniman ng olibo ng tatlong linggo. At
hanggang ngayon ay di pa namin natatanggap ang aming pinagpagalan. Sa tingin
niyo ba makatarungan ang kanyang ginawa sa amin?
Jacinto: At ano ang gusto ninyong mangyari
ngayon?
Susana: Nais naming sampahan siya ng kaso sa
korte. Nais naming pagkalooban niyo kami ng katarungan.
Jacinto: Well, dapat malinaw ito. Kung ipagtatanggol
ko kayo sa korte, magkano namin ang ibabayad niyo sa akin?
Michal: Ano? Pakiulit nga po ang sinabi niyo?
Galing kami sa mahirap na distrito.
Jacinto: Ang sabi ko, kug ilalakad ko ang kaso
ninyo, magkano naman ang kabayaran dito? Aba’y di biro itong usapin.
Maria: Sir, nakita niyo naman, kami ay mga
balo’t mahihirap. Ano ang aming
mibabayad sa inyo? At paano kami makababayad kung hindi kami babayaran ni
Ananias.
Jacinto: Ah, ok! Nauunawaan ko. Kung gayon,
babalik nalang kayo sa susunod na linggo. Ako ay abala ngayon. Kaya balik
nalang kayo next week at tingnan ko kung anong magagawa ko para sa inyo.
Jesus: Kaya, mula sa
Cana, ang aking ina kasama ang iba pang mga balo ay naglakad ng pitong milya
pabalik ng Nazareth. At matapos ang
isang linggo….
Susana: Ipagkaloob mo sa amin ang katarungan!
Hukom na Jacinto parang awa mo na!
Rebecca: Babayaran ka namin kapag naibigay na
ni Ananias ang nararapat naming sahod. Ipaglaban mo kami sa korte.
Jacinto: Bayaran? Magkano? Sabihin niyo sa
akin at magkano ang kabayaran?
Michal: Makakaipon kami ng sampung denaryo, o
kahit pa labing limang denaryo ang ibibigay namin.
Jacinto: Ano! Limampung denaryo? Ganon lang? Ang
cheap nyo ah! Hiniling niyo akong makipag-usap at ipaglaban kayo laban sa
pinakamakapangyarihan. Tapos limampung denaryo lang! Hindi niyo ba naiisip na
sa isang kumpas lang ng kanyang kamay ay pwede akong mabitay o ipapatay?
Susana: Unawain niyo naman ang kalagayan
namin. Kami ay balo at mahirap.
Jacinto: Of course naintindihan ko kayo. At
dapat din ninyong maunawaan na marami akong ginagawa. Hindi ko kayo maasikaso.
Babalik nalang kayo sa susunod na linggo at titingnan ko kung ano ang aking magagawa.
Jesus: Kaya pitong
milya na naman ang nilakad nila nanay pabalik ng Nazareth. At matapos ang isang
linggo, binagtas na naman nila ang pitong milya patungong Cana.
Susana: Ngunit sir, gaano pa ba katagal kaming
pabalik-balik dito?
Rebecca: Payat na payat na ang aming mga anak
dahil wala nang makain. Marami na sa kanila ang nagkakasakit.
Michal: Hukom, pagmasdan mo ang aking suso.
Tuyong-toyo na! Ang aming mga anak ay namamatay na sa gutom, nagkakasakit na
sila.
Jacinto: Pakialam ko sa mga batang yan! Hindi
naman ako ang nagluwal sa kanila. Hindi ko naman mga anak yan. Kaya bakit niyo
ako ginagambala? Bakit di n’yo nalang pag-usapan sa inyo? Umalis na kayo at
tigilan na ninyo ang panggugulo sa akin.
Maria: O sige po. Huwag niyo itong gawin
para sa kapakanan namin.
Jacinto: At para kanino naman!
Maria: Gawin niyo ito para sa Diyos.
Jacinto: Ha ha ha…para sa Diyos? Anong
pakialam ko sa Diyos? Nasa langit siya at ako naman ay dito sa lupa. Hindi ba’t
sinasabi ninyo na ang Diyos ay magkakaloob ng katarungan sa mga mahihirap?
Bakit di kayo kumuha ng mataas na hagdanan. Akyatin niyo ang Diyos doon sa
langit at kausapin niyo siya. Doon kayo humingi ng katarungan. At ako’y tigilan
na ninyo!
Susana: Wala kang kasing sama! Abusadong
hukom!
Maria: Huminahon ka Susana.
Michal: Anong ating gagawin ngayon, Maria?
Bigo tayo.
Maria: Hindi, hindi pa tapos ang laban!
Patuloy nating ipaglaban ang ating mga karapatan.
Rebecca: Nasisiraan ka na ba ng bait, Maria?
Papaano tayo lalaban ni wala tayong dalang kahit man lang pamalo!
Maria: Hindi natin kailangan ng pamalo o
espada sa laban na ito, Rebecca.
Rebecca: Kung magkagayon, anong ating gagawin,
Maria?
Maria: Ang atin lang kailangan ay tiyaga at
pasensya.
Susana: Para ano pa? Para sa ano?
Maria: Upang wakasan ang pasensya ng hukom.
Naalala niyo ba ang ginawa ni Moises sa Ehipto? Taglay ng Faraon ang lahat. Nasa
kanya ang kayamanan, mga sundalo at karwaheng pandigma! Si Moises ay wala. Ang
tanging taglay niya ay ang katigasan ng ulo sa tingin ni Faraon. Sa pamamagitan
niya, ginawang dugo ni Yahweh ang tubig sa Ehipto. Pinadalhan ng mga balang at sangkatutak
na peste ang kaharian ni Faraon. Ginawang madilim ng tatlong araw ang lungsod
nito.
Susana: Pero, Maria, mga babaing balo lamang
tayo. Nagawa iyon ni Moises dahil lalaki siya at maraming mga taong nasa
likuran niya.
Michal: Para lamang tayong nga lamok,
samantalang sila’y mga dambuhalang elepante.
Maria: Iyan ang punto, Michal. Yan ang isa
sa mga pesteng dumating sa Ehipto, mga lamok. At dahil dito, tinitiyak ko sa
inyo na ang sanlibung lamok ang hindi magpapatulog sa elepanteng nakatira sa
palasyo. Halikayo! Bumalik tayo sa bahay ni Jacinto.
Jesus: Kaya’t ang may matitigas na ulo na mga
magsasaka at babaing balo ay bumalik sa harapan ng bahay ng matabang hukom.
Jacinto: Nandito na naman kayo? Pambihira!
Hindi ba’t sinabi kong layuan na ninyo ako? Bigyan niyo na ako ng katahimikan! Mga
bingi ba kayo! Ano pa ang hinihintay ninyo, umalis na kayo!
Maria: Kami ay naghihintay sa nga hukom ng
Israel upang ipagkaloob ang katarungan para sa mahihirap.
Jacinto: Kung gayon, umupo kayo diyan. Dahil
matagal ang hinihintay ninyong katarungan.
Maria: Yan talaga ang gagawin namin. Mga
kapitbahay at kasama, magsiupo tayong lahat dito sa harapan ng bahay ni hukom
Jacinto.
Jesus: Pagkasabi ni
nanay Maria, ang lahat ng mga balong kasama niya ay nagsiupo sa harapan ng
bahay ng matabang hukom. Sila ay nagpicket-rally doon.
Jacinto: Ang titigas talaga ng ulo ninyo! Ang
kukulit ninyo! Sige, manatili kayo diyan hanggang sa kayo ay manigas sa
kahihintay! Bahala kayo!
Jesus: Isinarang muli ng hukom ang kanyang pintuan. At
hindi pa nagtagal tiningnan niya uli ang mga tao.
Jacinto: Andiyan parin kayo? Nasisiraan na ba
kayo ng bait?
Susana: Hindi! Ikaw ang nauubusan na ng
pasensya, hukom!
Maria: Hindi kami aalis dito hangga’t hindi
ninyo ipagkakaloob sa amin ang katarungan!
Jesus: Muling
isinara ng hukom ang pintuan at hinayaan ang mga tao sa labas.
Rebecca: Masisira ang inyong bahay sa kasasara
ninyo hukom!
Susana: Ano sa tingin mo, Maria? Mayroon ba
tayong mapapala sa ginagawa natin?
Maria: Ang ating mga ninuno ay nagdanas ng
hirap ng apat na raang taon sa Ehipto, hanggang sa makamit nila ang kalayaan.
Hindi tayo titigil.
Tao 1: Hoy! Sino kayo? Humihingi ba kayo ng
limos sa hukom?
Rebecca: Katarungan ang hinihingi namin at
hindi limos.
Susana: Nagtrabaho kami ng tatlong linggo sa
bukirin ng panginoong-maylupang si Ananias. Ngunit hindi niya kami binayaran.
Ayaw niyang ibigay ang pinagpagalan naming sahod.
Tao 1: Magnanakaw ang taong yan! Eh, ano
naman ang problema ninyo sa hukom? May ginawa ba ang hukom para sa inyo?
Maria: Yan ang aming hinihintay. Pero
tingnan niyo naman, binigyan ni Ananias ng suhol ang hukom at pati ang mga
kapitan ng sundalo. Marami pa siyang binigyan ng suhol na opisyal ng imperyo.
Tao 1: Tama talaga yan, ang mga nasa kapangyarihan
ay nagtutulungan upang matakpan ang baho ng bawat isa sa kanila. Hoy! Kayong
mga nakaistambay lang dyan! Halikayo! Samahan natin ang mga kababaihang na ito
sa kanilang laban.
Jesus: Nagtawag ng
nagtawag ang tao. Tinawag ang kanyang mga kaibigan na nakaistambay lang sa
tabi-tabi. Hanggang sa nakabuo sila ng isang malaking grupo sa harap ng tahanan
ng hukom. Ang mamamayan ng Cana ay nakiisa sa mga babaeng balo mula sa Nazareth
na nagpicket-rally.
Jacinto: Kasumpa-sumpa kayo! Ano ang gusto
ninyo! Hindi ako ang gobernador ng Galilea at naandito upang bigyan kayo ng mga
tsokalate at minatamis. Kung kayong lahat ay nawawala na sa matinong pag-iisip.
Lumayas kayo at bigyan ninyo ako ng kapayapaan. Mga patay gutom!
Jesus: Dumami ng
dumami ang mga taong sumama sa hanay ng mga babaeng balo sa harapan ng pintuan
ng hukom. Sila’y gaya ng mga pesteng lamok na maiingay at nangangagat sa
elepanteng natutulog o nagtutulog-tulugan.
Jacinto: Tama na! Ang kukulit ninyo! Ang
iingay ninyo! Tama na sa panggugulo ninyo sa akin. Sige, sige sige, pumasok na
kayo sa loob at pag-usapan natin ang inyong mga karaingan, at nang matapos na
ito ngayon.
Susana: Yes! Sa wakas bumigay din ang elepante.
Pagod na siya sa mga mumunting kagat at ingay ng mga lamok.
Jacinto: Hindi ko na matiis ang ginagawa
ninyong iskandalo sa akin. Magkagayon pa man, gusto ko lang ilagay sa isipan
ninyo na gagawin ko ito hindi dahil sa Diyos. Hindi dahil sa inyong mga anak o
sa inyong mga kapakanan. Gagawin ko ito dahil sa kakulitan ninyo at gusto ko
nang mawala kayo sa aking paningin.
Jesus: Dinala ng
hukom na Jacinto ang kaso ng mga babaeng balo sa korte at naipanalo. Inutusan
ng korte sa Ananias na bayaran ang mga balo sa kanilang nararapat na sahod at
danyos perwisyo. Oo, nanalo sila sa laban! Ganyan naman talaga ang pagpapanalo
sa laban. Lumaban ka hanggang wakas. Ganito rin sa Panginoon, manalangin ka
gabi’t araw na walang pagmamaliw. Kung gagawin natin ito hindi niya tayo
bibiguin. Ipagkakaloob niya sa atin ang nararapat at katarungan.
Rufa: Pagpalain ng
Diyos ang iyong labi, Jesus. Pagpalain ng Diyos ang babaeng nagsilang sa iyo sa
mundong ito.
Pedro: Tama ka
diyan, lola Rufa!
Jesus: Oo, maging
ang lahat, pagpalain ng Diyos. Ang lahat ng lumalaban hanggang wakas para sa
buhay na may dangal, hustisya’t katarungan. Para sa lipunang mapayapa at
nakabatay sa katarungan.
Lahat: Amen.
Pinaghalawan:
Vigil, Jose Ignacio Lopez. JUST JESUS: The Message of a Better World,
vol 2. New York: The Crossroad Publishing Company, 2000.