“NABAGONG
PANANAW AT LUMALIM NA PANANAMPALATAYA”
A Theological Reflection for
the Transfiguration of the Lord Sunday (Luke 9:28-36; 37-43)
Rev.
Jeric C. Cortado, 2015
Sa
ebanghelyo natin ngayon, tampok ang kuwento sa pagbabagong-anyo ng Panginoon sa
pananaw ng mga alagad. Sa pananaw ng mga direktang nakasama ni Jesus sa kilusan
ng pagbabago at nabuhay na batid ang kanilang kasaysayan bilang isang bayan.
Una, ayon sa kuwento, umakyat si
Jesus sa bundok kasama sina Pedro, Santiago at Juan. Sa kultura ng mamamayang
Hebreo ang bundok ay sumasagisag sa presensya at kapangyarihan ng Diyos.
Malimit pumupunta sa bundok ang mga tao upang magnilay, lalo na kapag may mga
bumabagabag at katanungan sa kanilang mga isipan. Feeling nila napakalapit nila
sa Diyos kapag nasa bundok sila. Feeling nila na mas nararanasan ang
kapahayagan ng Diyos sa mga dakong ito. Kung kayat, ang pag-akyat ni Jesus sa
bundok ay nangangahulugan ng paglapit nito sa Diyos.
At
para sa mga taong patuloy na inuusig dahil sa kanilang paninindigan sa katotohanan
at katarungan, ang bundok ay sumasagisag sa matibay na kanlungan, kublihan, at
pagkukunan ng lakas. Sa diwang ito, dinala ni Jesus ang kanyang mga alagad sa
isang dakong maituturing na matibay na kanlungan, kublihan at pagkukunan ng
lakas. Subalit sa mga alagad na naging malapit ang puso nila kay Jesus, ang
pag-akyat nila at ang pagdala ni Jesus sa kanila sa bundok ay nangangahulugan
ng pag-akyat sa mas mataas na kapahayagan ng pag-iral ni Jesus. Isang paalala
at paglilinaw sa kasalukuyang nating relasyon sa kay Cristo-Jesus. Malapit ang
puso ni Jesus sa atin, ang puso ba natin sa kanya ay malapit din kaya?
Pangalawa, ayon sa kuwento, naganap ang pagdala ni
Jesus sa kanyang mga alagad sa mataas na bundok pagkatapos ng anim na araw.
Ibig sabihin, naganap ito sa ikapitong araw na para sa mga Hebreo ay “Sabbath”,
a holy day, a day for rest and a deep reflection with God. Sa diwang ito,
inilagay ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang malalimang pagbubulay
patungkol sa Diyos, sa kanya, sa dahilan at kahulugan ng kanilang pag-iral. And
in their deep reflection, nagbagong anyo si Jesus, nagningning ang kanyang
kasuutan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang
gayon (v.3).
Ang bagong kasuotan ni Jesus na
nahayag sa kanyang mga alagad ay kapahayagan sa kadalisayan ng kanyang puso sa
paglilingkod. Sa dalisay niyang intensyon na maghari ang kalooban, kabanalan ,
pag-ibig at biyaya ng Diyos sa lahat. Nailinaw sa mga alagad sa mga panahong
yaon ang katapatan at dalisay na puso bilang batayang katangian ng isang
lingkod ng Diyos.
Ito ang isa sa mga naging batayan,
bakit ang ating mga pastor at lahat ng may mga leadership role sa pananambahan
ay inaasahang magsuot ng “alba”, o ibig sabihin ay puting damit. Nagsisimula
ang pagsuot na ito noong tinanggap natin ang Bautismo. Ang pagsuot ng puting damit ay sumasagisag sa karangalan at kadalisayan
ng buhay. Isang buhay na pinananahanan ni
Cristo (Galacia 3:27). Bagong buhay at pagkatao sa pakikipagkaisa kay
Cristo sa sakramento ng Bautismo. Gaya ng sinasabi ni Apostol Pablo, “Sinumang nakikipagkaisa kay Cristo ay isa
nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya ay bago na” (2
Corinto 5:17). Hinubad na ang dating pagkatao pati na ang mga gawa nito at
nabihis na sa bagong pagkatao (Colosas 3:9-10).
At pangatlo, ayon sa
kuwento, sa pag-akyat nila sa bundok ay nasaksihan ng mga alagad ang pag-uusap
ni Jesus kay Moises at Elias, sa mga Propeta ng Bayan. Sa Lumang Tipan, si
Moises ay kilala bilang isang lumad na nagpalaya sa kanyang bayan mula sa
pagkakaalipin sa Ehipto. Naaalala din si Moises bilang tagapagkaloob ng batas
or Torah, kasama na ang Ten Commandments. Samantalang si Elias o Elijah, sa
ilalim ng pamamatnubay ng Diyos ay nanindigan laban sa mga kurakot at bulaang
propeta at naglilingkod sa bayan. (1 Kings 17:1, NIV)
Sa tagpong
ito, binibigyang diin ni Jesus na ang paglilingkod ay naka-ugnay lagi sa
kasaysayan ng ating pag-iral. Ang kasaysayan ng pagbabago na pinasimulan ng mga
propeta tungo sa isang bayang malaya at mapagpalaya ay nagpapatuloy. Magiging
ganap lamang ito kung ang lahat na malapit sa kanyang puso ay malapit din ang
mga puso nito sa kanya. Sapagkat kung tunay na malapit ang puso natin sa kanya,
magaan sa ating kalooban na gawin at ipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan
(Luke 4:18-19). Sa
pagdiriwang natin ng pagbabagong-anyo ng Panginoon at sa mga aralin natin
ngayon, binibigyan-diin ang kahulugan ng pagiging alagad at disipulo. Tayo ay
tinawag hindi lamang upang sumunod sa yapak ni Jesus kundi upang maging
mapanlikha sa pagtugon sa paanyaya ng Panginoon. Amen.
No comments:
Post a Comment