Wednesday, September 13, 2017

ANG BUHAY SA TAONG KRISTIYANA

Ang Taong Kristiyana simula pa noong mga naunang Kristiyano ay nakatuon sa inisyatiba ng Diyos mula pa sa simula na nagpapatuloy sa pamamagitan ng Santo Espiritu sa kasalukuyan. Binibigyang diin ng Kalendaryong Kristiyana na ang lahat ng ginawang inisyatiba ng Diyos ay sa kagalingan ng minamahal nitong bayan, para sa ating lahat. Ang iba’t ibang pagdiriwang sa iba’t ibang kapanahunan na nakapaloob sa Taong Kristiyana ay nagpapaala sa atin na ang kaligtasan ay biyaya at kaloob ng Diyos. Ang Taong Kristiyana ay binubuo ng mga sumusunod na mga kapanahunan na nakilala din bilang Kalendaryong Kristiyana:
1.       Pagdatal (Advent)
2.       Pasko (Christmas)
3.       Kapanahunan matapos ang Epipanya (Season after Epiphany)
4.       Kuwaresma (Lent)
5.       Kapanahunan ng Pagkabuhay (Season of Easter)
6.       Kapanahunan matapos ang Pentekoste o Kapanahunan ng Paghahari ng Diyos (Season after Pentecost or Kingdomtide) 

ANG KAPANAHUNAN NG PAGDATAL
Ang “Pagdatal”  o “Advent” sa wikang Ingles ay katagang hango sa salitang Latin na “adventus”,  na ang literal na kahulugan ay “pagdating” o “pagdatal”. Ang katagang “Advent” ay hiram nating mga Kristiyano sa sekular at paganong okasyo’t kahulugan. Tinanggap ng Kristiyano ang terminong ito bilang pantukoy sa panahon ng paghihintay kay Kristo sa ating buhay. Ito ay naging kapanahunan kung saan ginugunita ang unang pagdating ni Kristo at ang Kanyang pagkakatawang-tao. Ito rin ay panahon ng pag-asa sa muli niyang pagdating upang itatag ang bagong langit at bagong lupa. Ang pagdatal ay unang ipinagdiwang, sumibol, at lumago sa Espanya, Pransya, at Italya bilang panahon ng paghahanda sa Pasko o sa paggunita ng kapanganakan ni Jesu-Cristo.

Sa maagang yugto ng “Middle Ages” sa Pransya, naidagdag ang kaisipan ng muling pagbabalik ni Cristo sa katapusan ng panahon. Dito nagsimula na nagkaroon ng “penitential substance” ang kapanahunan ng Pagdatal. Ito ang dahilan bakit binibigyang diin ang pangangaral ni Juan Bautista at ng kanyang sinabi, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos!”  Dahil din dito naging “purple” o lila ang kulay ng ating mga paraments at vestments sa tuwing sasapit ang pagdatal.

Ayon kay Daniel Banedict, Jr, dating staff ng General Board of Discipleship, sa panahon ng ika-8 hanggang ika-13 siglo kung saan ang Espanya ay nasa ilalim ng kontrol ng mga “Moorish”, ginamit nila ang bughaw na sumasagisag ng pag-asa. Sa patuloy na paglago at “standardization of colors” ang kulay bughaw ay ginagamit na sa panahon ng Pagdatal, subalit nanatili ang kulay lila bilang halili. 

Sa kaugalian ng mga Pillipinong Kristiyano, tampok ang SIMBANG GABI o SIMBANG UMAGA sa kapaskuhan. Ito ay nagsisimula sa ika-16 ng Disyembre at magtatapos sa gabi ng ika-24 ng nasabing buwan. Binabalutan ng masasayang selebrasyon, mga awiting pampasko, at saganang hapag ng pagkain para sa lahat. Matapos ang pananambahan ay bahagi ng ating tradisyon ang salo-salo sa puto, biko, suman, mainit na kape o tsokolate. Ito ay unang nakilala sa Pilipinas bilang MISA DE GALLO o pananambahan sa oras ng pagtilaok ng manok na tandang sa madaling araw, at tinawag din itong, PAGSAMBANG AGINALDO (Aguinaldo Mass). Ang “aginaldo” ay salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay “regalo”. Ang Pagsambang Aginaldo ay kapahayagan ng ating regalo sa Panginoong Jesus, na isinilang sa sabsaban. Ito ay pagsambang naghahanda sa atin upang tanggapin ang dakilang regalo ng Diyos sa sanlibutan - ang kanyang bugtong na Anak. Sa gayon ay makaranas tayo ng liwanag at kalakasan, ng paglaya at kaligtasan.

Ang Pagdatal ay nagsisimula sa huling Linggo ng Nobyembre o unang Linggo matapos ang ika-27 ng Nobyembre hanggang sa takipsilim ng ika-24 ng Disyembre. Ito ay binubuo ng apat ng Linggo (Sunday).

ANG KAPANAHUNAN NG PASKO
Ang kapanahunan ng Pasko ay paggunita sa kongkretong pagpapahayag ng Diyos sa ating kalagitnaan. Ang katagang “Christmas” o “Pasko” ay hango sa katagang Old English na “Crist Maesse”, na ang ibig sabihin ay “Christ’s Mass” o “Misa ni Cristo”. Ang “Christ” ay hango sa katagang Griyego na “Christos” at “Masiah” sa salitang Hebreo na ibig sabihin ay Tagapagligtas, at Tagapagpalaya.  Ang “Mass” naman ay hango sa salitang Latin na “Missio”, ang kahulugan ay “Mission”. Sa ganitong diwa, sa pagdiriwang ng Pasko ay hindi lamang natin ginugunita ang kapanganakan ni Jesus, kundi lalong higit ang pagyakap sa misyon mismo ni Cristo Jesus. Ang misyon ni Jesus (Lucas 4:18-19) na ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita…ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita…. bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil. At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”    

Ang Kapaskuhan ay nagsisimula sa takipsilim ng ika-24 ng Disyembre hanggang ika-6 ng Enero. Sa gabi ng ika-24 ng Disyembre ipinagdiriwang ang Pananambahan sa Gabi ng Pasko; ika-25 ng Disyembre ipinagdiriwang ang Pananambahan sa Araw ng Pasko, susunod ang mga Pananambahan sa Una at Pangalawang Linggo Matapos ang Pasko, at sa huling Linggo ng kapanahunang ipinagdiriwang ang Epipanya - ang Linggo ng Pagdiriwang sa Dakilang Kapahayagan ng Panginoon. Ang katagang Epipanya ay hango mula sa salitang Griyego na “epiphaneia” na ang kahuluga’y “manifestation” o “revelation”. Tampok sa pagdiriwang na ito ang mga Mago na sa kanilang presensya ipinapahiwatig na ang Diyos at ang Cristong isinilang sa sabsaban ay para sa lahat; ang Betlehem kung saan naisilang ang Mesias ay nagpapahiwatig na sa grasya ng Diyos magkakaroon ang wala; ang regalong nagpapahayag ng lakas at kakayahang maiaambag upang ang bayan ng Diyos ay (Isaias 60:1), “bumangon …at magliwanag na tulad ng araw”; ang bituin na nagpapahayag na ang Diyos ay gumagawa ng inistiyatiba upang tayo ay gabayan. Kulay puti ang ating mga “paraments”, “vestments”, estola, at “hangings” na gagamitin sa kapanahunang ito na sumasagisag sa kadalisayan ng misyon ng Diyos sa Kanyang bayan.

ANG KAPANAHUNAN MATAPOS ANG EPIPANYA
Ang kapanahunan matapos ang Epipanya ay nakatuon sa iba’t ibang anyo ng kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng mga turo, kababalaghan at aral na ginawa ni Jesus. Nagsisimula ang kapanahunang ito sa pagdiriwang ng Pagbibinyag ng Panginoon, kung saan inihahayag ang pagiging kinalulugdang Anak ni Jesus sa Ama at pasimula ng ministeryo ni Jesus. Magtatapos ito sa pamamagitan ng pagdiriwang sa Pagbabagong Anyo ng Panginoon, kung saan muling ipinahahayag si Cristo-Jesus bilang minamahal at kinalulugdang Anak ng Diyos Ama. Kulay puti ang ginagamit nating mga paraments at hangings na nagpapatingkad sa dalisay na intensyon ng Diyos sa pagpapahayag ng kanyang pag-ibig at pagkalinga sa pamamagitan ni Cristo-Jesus. Ang dalisay na layuning sangkapan tayo ng kakayahan upang itaguyod ang pagbabago at kapayapaang nakabatay sa Kanyang katarungan.

ANG KAPANAHUNAN NG KUWARESMA
Ang Kuwaresma na “Lent” sa salitang Ingles ay hinango sa katagang Anglo-Saxon (Old Englsih) na “lencten,” na ang ibig sabihin ay “pagsibol”. Sa Latin, ito ay “Quadregesima” na ang ibig sabihin ay yugto na bumubuo ng apatnapung araw (period of forty days).  Ito ang terminong ginamit sa dokumentong Latino ng Roman Catholic Church, na unang nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga Espanyol. Ang katagang “Kuwaresma” ay hinango natin sa salitang Espanyol na “Cuaresima”, na ang kahulugan ay katulad ng “Quadregesima” o yugto na bumubuo ng apatnapung araw. Malaki rin ang ambag ng mga Kristiyanong Aleman sa katagang Kuwaresma, na sa kanila ay “Fastenzeit” na ibig sabihin ay kapanahunan ng pag-aayuno (time of fasting or period of fasting). At mula sa mga katagang ito matutukoy natin ang “Kuwaresma” na kapanahunan ng pag-aayuno (German: Fastenzeit), na isinasagawa sa kapanahunan ng pagsibol (Anglo-Saxon: Springtime), at binubuo ng apatnapung araw (Latin:Quadregesima). Ang kapanahunang ito ay paghahanda sa pagdiriwang ng “Easter” o Muling Pagkabuhay ng Panginoon.

Ang yugto na bumubuo ng Apatnapung Araw ay nauugnay sa mga sumusunod: una ay nauugnay sa kuwento ng buhay ni Noe (Genesis 6) kung saan sa kanyang kapanahunan ang mga tao ay naging suwail sa kalooban ng Diyos na umabot sa puntong nagsisi ang Diyos sa pagkakalikha niya ng tao (Genesis 6:7). Subalit sa kabila ng lahat, nanatili ang pag-ibig ng Diyos sa tao at ninais niyang makaranas sila ng paglaya at pagbabago. Niloob ng Diyos na magkaroon ng bagong simula ang minamahal niyang bayan at maging bagong lipunan (Genesis 7:4). Sa apatnapung araw na binubuo ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayo upang muling danasin ang pagbabagong buhay na niloloob ng Diyos. Hayaang damtan tayo ng presensya ni Cristo at muling patatagin ang tinanggap nating Bautismo.

Pangalawa, ang apatnapung araw na bumubuo sa kapanahunan ng Kuwaresma ay nauugnay sa kuwento ng paglaya ng Israel. Sa apatnapung taong paglalakbay ng bayan ng Israel mula sa kaalipinan tungo sa hinahangad na kalayaan. Sa paglalakbay, hinarap ng bayan ng Diyos ang maraming pagsubok, ang gutom at pagkauhaw, ang mga pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos, ang bangayan ng bawat lipi, at ang pagtalikod sa Diyos hanggang sa maranasan nila ang paglaya. Sa loob ng apatnapung araw ay pinagkakalooban tayo ng panahon upang magsisisi at matagpuang muli ang kalayaan. Yakapin ang buhay na niloob ni Cristo para sa atin, ang maging mulat at malaya.

Pangatlo, ang apatnapung araw ay nauugnay sa kuwento ni Moises habang nasa Bundok Sinai. Apatnapung araw na nanatili si Moises sa bundok kasama ang Diyos kung saan ipinahayag sa kanya ang kalooban at kautusan ng Diyos para sa itinatag na bayan. Sa loob ng apatnapung araw nitong kapanahunan ng Kuwaresma ay inaanyayahan tayong sundin ang ehemplong ginawa ni Moises at gawin ang ating makakaya na makipagkaisa sa Diyos(Gal 4; Rom. 8). Sa kapanahunan ng Kuwaresma pinatatatag natin ang ating pakikipisan sa Diyos, bilang kanyang mga anak at pagkilala sa kanya na ating Magulang.

Pang-apat, ang apatnapung araw ay nauugnay sa kuwento ni Jonas na sinugo sa pinakaayaw niyang gawain. Sinugo siya sa Ninive na sentrong lungsod ng Asiria na minsang nagpahirap sa bayan ng Diyos. Ang bayang ito ay binalot ng kasamaan at kailangan silang mabago at mailigtas sa paghuhukom ng Diyos. Apatnapung araw ang ipinagkaloob na “grace period” sa kanila upang magbago. Ang apatnapung araw ng kapanahunan ng Kuwaresma sa diwang ito ay “grace period” din sa atin upang tanggapin ang paanyaya ng Diyos.  Ang paanyayang magbalik-loob sa Kanya at matuto sa buhay na niloob ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. 

At panlima, ang apatnapung araw na bumubuo sa kapanahunan ng Kuwaresma ay nauugnay sa kuwento ng pagtutukso ng diyablo kay Jesus. Matapos tanggapin ni Jesus ang bautismo at bago niya sinimulan ang misyon ay pumunta siya sa ilang. Doon ay tinukso si Jesus ng diyablo sa loob ng apatnapung araw, na nagpapalaala sa atin na ang pagsubok at tukso ay bahagi ng pag-iral ng tao na dapat mapagtagumpayan. Sa tuwing dumarating tayo sa ganitong yugto ng buhay alalahanin natin ang dahilan ng ating pag-iral at ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Kailangang harapin ang katotohanan, ang tukso at gawing inspirasyon upang maging mapanlikha at matalino sa paglilingkod.   

Ang Kuwaresma ay pormal na nagsisimula sa Miyerkules ng Abo (Ash Wednesday). Ang abo ay sumasagisag ng kadalisayan sapagkat bunga ito ng mga bagay na nasunog sa apoy. Sinunog na ng apoy at tinunaw na nito ang mga bagay na hindi dalisay. Ang pagtanggap ng abo ay sumasagisag sa pagtanggap ng paanyaya upang sumailalim sa proseso ng pagpapadalisay ng buhay. Hudyat ito ng ating pagsasailalim sa apatnapung araw na proseso ng pagpapadalisay. Ang abo na ating ginamit sa pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo ay mula sa sinunog na palms leaves at sanga na ginamit sa nakaraang pagdiriwang ng Palm Sunday. Ang pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo ay nagsimula noong ika-12 siglo, lumaganap bilang bahagi ng liturhiya sa kapanahunan ng kuwaresma sa kasalukuyan.  

Ang Linggo ng Palaspas (Palm Sunday) ay sinasabing engrandeng pagbubukas ng Semana Santa. Ito ay paggunita sa makasasayan at matagumpay ng pagpasok ng makasaysayang Jesus sa Jerusalem, ang lungsod ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, kasama ang kanyang mga kaibigan mula sa mahabang paglalakbay para sa pagbabago.  Ang kasaysayan ay nagsasabi na ang iglesya ay isang bayang naglalakbay patungo sa kaliwanagang walang hanggan. Si Cristo Jesus ang sinusundan at sinasamahan patungo sa makalangit ng Jerusalem (Hebreo 12:22; Pa 3:12; 21:2).

Noong ikaapat na dantaon pa lamang ay naging ugali na ng mga Kristiyano ang magtipon sa Bundok Olibo sa hapon ng Linggo na nagbubukas sa Semana Santa. Pakikinggan nila roon ang pagsasalaysay ng mga nangyari ayon sa Banal na Kasulatan at saka sila lalakad patungo sa lungsod ng Jerusalem na tinatawag na Simbahan ng Muling Pagkabuhay. Ang mga tao at maraming bata ay may hawak na mga palaspas at sanga ng punong olibo at isinisigaw, “Purihin siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon!”  Lumaganap ang liturhiyang ito mula sa Jerusalem hanggang sa lahat ng dakong may komunidad ng mga Kristiyano. Ang prusisyon sa Linggo ng Palaspas ay ay kapahayagan ng pagkilala kay Jesus na Mesiyas at Hari.

Sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Palaspas, maliban sa pagwawagayway at prusisyon ng palaspas ay isinasagawa din natin ang pagtatalaga at pababasbas nito. Sa ating pagbabasbas at pagtatalaga ay ipinapahayag sa atin na ang mga dahong ito ay hindi lamang simpleng palamuti. Ito ay napapaalala na ang kalikasan man din ay nagpupuri sa Diyos at kay Cristo Jesus. Nagpapaalala sa kay Jesus na habang pumapasok sa sentro ng Jerusalem ay kinikilalang Mesiyas at Hari. Habang nasa atin itong pag-iingat sa buong taon ay dadalhin tayo sa kasigasigan at matibay na pagtanggap kay Jesus bilang Cristo at Hari. Ang Linggo ng Palaspas ay ipinagdiriwang natin sa ika-6 na Linggo ng Kuwaresma.

Ang Huwebes Santo na katagang hinango natin sa katagang Espanyol na “Jueves Santo” at “Holy Thursday” sa English ay tinatawag din nating mga Protestante na “Maundy Thursday”. Ito ay hango sa salitang Latin na “mandatum novum” na ang ibig sabihin ay bagong kautusan, isang kautusan na ipinagkaloob ng Panginoon.  “Mag-ibigan kayo! Kung paanong iniibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko” (Juan 14:34-25). Ang bagong kautusang ito ay naipapahayag sa pamamagitan ng Eukaristiya, paghuhugas ng paa, at konsagrasyon ng tatlong sakramental na langis.  Ang ating paghuhugas ng paa ay pagtanggap sa paanyaya ni Jesus na ang paglingkuran ay ang sambayanan. Ito ang diwa ng pagiging lingkod ng Diyos at alagad ni Cristo-Jesus. Ito ay paglilinis sa sarili habang isinasabuhay ang mga tagubilin at Salita ng Diyos. Ito ay tanda ng ating paghahanda sa paglilingkod at pagsusulong sa ministeryong pinasimulan ng makasaysayang Jesus.

Ang konsagrasyon ng tatlong mga sakramental na langis ay ating minanang liturhiya mula sa Roman Catholic at Anglican churches na siyang nagpalago ng liturhiyang ito, na kilala sa tawag na Chrism mass. Ang konsagrasyon ng olive oil para sa bautismo at pagpapahid ng langis sa mga maysakit, at chrism (olive oil at balm) para sa pagkukumpil ay bahagi ng liturhiyang hindi na pamilyar sa ating mga Metodista. Bagama’t bahagi ito ng ating mga ritwal na nakapaloob sa ating United Methodist Book of Worship.

Sa katagang Aleman ang Huwebes Santo ay “Gruendonnerstag” na ibig sabihin ay “Thursday of Weeping”. Dito natin naiuugnay ang pagkain ng mapait bilang pag-aalala sa mga naging karanasan ng bayan ng Diyos na naghihirap. “Pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba’t ibang mabibigat na gawaing bukid” (Exodo 1:14). Subalit sa pag-ibig ng Diyos winakasan ang mapait na karanasang ito. Ipinapaalala sa atin, ang mapait na karanasan ni Cristo-Jesus sa kamay ng mga naghaharing-uri. Sa mapait na pagkain ding ito ipinapahayag sa atin ang nagpapatuloy na mapapait na karanasan ng marami nating kababayan. Dulot ng kahirapan, kawalan ng mapapasukang trabaho, korapsyon at pagkagahaman, walang puknat na digmaan at kalamidad. Ito rin ay paglalagay sa sarili upang magsisisi at magbalik-loob sa Diyos. 

Ang Biyernes Santo na katagang hinango sa salitang Espanyol na “Viernes Santo” ay pamilyar din sa katagang Ingles na “Good Friday”. Ang Biyernes na ito ay kaiba sa karaniwang Biyernes dahil tinawag natin itong “Good”. Mabuting Araw para sa sangkatauhan dahil ang dulot nito ay biyaya ng paglaya. Sa araw na ito nahayag ang kabutihan ng Diyos sa isang natatanging paraan. Ipinagkaloob niya ang Kanyang bugtong na anak para sa kaligtasan ng sanlibutan at sa araw ding ito nilupig ni Cristo-Jesus ang kapangyarihan ng kamatayan.

Ang Serbisyo sa Biyernes Santo ay lumago sa kapanahunan ni St. Augustine (354-430) na isang “solemn celebration” at ginaganap isang beses sa isang taon, kalakip ang pagbabasa ng mga tala sa pagpapakasakit ni Jesus. Sa paglipas ng panahon, lumago ang liturhiya sa Biyernes Santo ayon sa konteksto ng isang pamayanang Kristiyano. Sa kasalukuyan, lalong higit sa ating mga Protestante at mga Metodista, ang malimit  nating ginagawa sa tuwing sasapit ang araw na ito ay ang Siete Palabras (Seven Last Words) na umaabot sa tatlong oras na pananambahan. Nagsimula ang pagsambang ito noong ika-17 siglo sa Peru. May mga iglesya na ring nagsasagawa ng “Service of Tenebrae” o “Serbisyo sa gitna ng Kadiliman” na lumago noong ika-12 siglo. Ang serbisyong ito ay malimit ginagawa sa gabi hanggang mag-uumaga habang pinagbubulayan ang buhay at pagpapakasakit ni Jesu-Cristo.

Tampok sa Serbisyo sa Biyernes Santo ang Pagpaparangal sa Krus, ang krus na walang katapusang tanda ng laganap na pananampalatayang Kristiyano. Ipinapaalala sa atin ng krus ang ating katangiang tinanggap sa bautismo kung saan nakikibahagi tayo sa tagumpay ni Jesus na mula sa kamatayan sa krus ay nabuhay muli. Sa tuwing nakikita natin ang krus at pinararangalan ay pinagtitibay natin ang ating pananalig na si Cristo ang ating Panginoon at umiiral tayo sa ngalan niya. Sa kalagayan ng ating lipunan ngayon, ang krus ay sumasagisag ng katatagan at kalayaan mula sa mapang-aliping kapangyarihan. Sumasagisag sa isang paanyaya upang pagtibayin ang isang napapanahon at mapagkaisang pananampalataya, na nagsusulong ng kapayapaang nakabatay sa katarungan.

ANG BUHAY SA KAPANAHUNAN NG PAGKABUHAY-MULI NG PANGINOON
Ang Easter Season (Kapanahunan ng Pagkabuhay-Muli ng Panginoon) ay kilala rin sa tawag na “Great Fifty Days”, na nagsisimula sa “sunset Easter Eve” hanggang sa Araw ng Pentekostes. Ang Easter Season ay nakatuon sa muling pagkabuhay ni Cristo, sa pag-akyat ng Panginoon sa langit, ang pagbaba ng Santo Espiritu sa Araw ng Pentekostes (Juan 20:22-23; Gawa 2). Ang Easter ay hango sa matandang Kristiyanong pangalan ng kapistahan na “Pasch”, na hango sa salitang Hebreo na “Pesah”, na ibig sabihin ay “paglagpas” o “pagliligtas”.

Sa Linggo ng Muling Pagkabuhay o Easter Sunday, ang Service of Light o Fire Ritual ay isa sa tampok sa liturhiya. Ito ay unang ginamit sa pagdiriwang Kristiyano noong ika-12 siglo. Sa Lumang Tipan, malimit ginamit ng Diyos ang apoy upang maihayag ang Kanyang presensya at pamamatnubay sa Kanyang bayan (Exodo 3:2; 19:18). Sa ating pagdiriwang ngayon, ang apoy ay sumasagisag kay Cristo, “ang ilaw ng sanlibutan”, at sumasagisag din sa paglilinis at paghahayag ng ating mga kasalanan bilang paghahanda sa pagdiriwang ng misteryo ng muling pagkabuhay. Ang pananambahan ay magsisimula sa madilim na paligid. Ang komunidad ay magtitipon sa harap ng isang malaking liwanag na sumasagisag sa muling pagkabuhay. Doon din makikita ang Paschal Candle. Ang bawat isa ay magkakaroon ng mga kandila na sisindihan sa hudyat ng tagapanguna. Sisindihan ng Acolyte/Pastor ang Paschal Candle, at sasambitin ang mga sumusunod: Ang Liwanag ni Cristo na sumibol sa kalangitan, winakasan ang kadilimang hatid ng kasalanan at kamatayan. Ang sindidong Paschal Candle ay itataas upang makita ng lahat, sasabihin ng Acolyte/Pastor: Si Cristo ang ating Liwanag! Ang Paschal Candle ay nagrerepresenta kay Cristo, kung kaya ito ay minamarkahan ng  krus at may dekorasyon na limang insenso na nagpapaalala sa atin sa kanyang limang sugat. Ang nakaukit na Alpha at Omega, ibig sabihin, ang una at ang wakas na alpabetong Griyego. Makikita din ang numerals ng kasalukuyang taon na sumasagisag na ang lahat ng panahon at henerasyon ay sa Diyos. Matapos sindihan at itanghal ang Paschal Candle ay iprusisyon ito papasok sa sangtuaryo. Ang prusisyon ay sumasagisag ng pagtatagumpay ni Jesus sa kapangyarihan ng kadiliman (Mt. 27:45; Mk 15:33; Lk 23:44). Ito ay pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ito ay kapahayagan din ng pagpapalaganap ng liwanag ni Cristo sa lahat ng dako, at pagyakap sa liwanag na ito na nagtataguyod ng hustisya at katarungan.

ANG BUHAY SA KAPANAHUNAN NG PAGHAHARI NG DIYOS

Ang Kapanahunang Pentekostes (Season after Pentecost) ay ang pinakamahabang kapanahunan sa Kalendaryong Kristiyana. Mas kilala ito sa United Methodist Church bilang Kapanahunan ng Paghahari ng Diyos o Kingdomtide na unang ginamit na termino sa isang aklat na inilimbag noong 1937. Binubuo ito ng dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t anim na linggo na nagsisimula sa Linggo ng Santa Trinidad at magtatapos sa Linggo ng Kapistahan ni Cristong Hari. Ang mga aralin sa kapanahunang ito ay nagpapaalala sa nagpapatuloy na pagliligtas at paghahari ag Diyos sa sanlibutan. 

GABAY SA PAGSISINDI NG MGA KANDILA NG PAGDATAL AT NI CRISTO

1.       +PAGSINDI NG UNANG KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: “Magkaroon ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo” (Lucas 21:25-28).
Tinig 2: Nakita ng tatlong mago at mga pastol ang mga tanda ng pagsilang ng Tagapagligtas na sinasabi ng mga propeta. Sa kasalukuyan, hanapin natin ang mga simpleng tanda na kasama natin si Jesus. Gaya ng makita ang ating sarili na nangangaral ng Magandang Balita sa mga dukha, ng kalayaan sa mga bilanggong pulitikal, ng kaliwanagan sa mga bulag, ng kaluwagan sa mga sinisiil, ng pagliligtas at kapayapaan.                                                          
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi)
Tinig 3: Kung kaya’t maging mulat at alerto lagi. Damhin ang Espiritu ng Diyos, ang presensya ni Jesus.
Tagasindi: Ang liwanag ng kapayapaan ng Diyos ay sumaatin. Damhin natin ang katatagang kaloob niya sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang kalooban.                                                                                              
Lahat: Amen.
2.       +PAGSINDI NG IKALAWANG KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagpadala pa siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa lipi ni David na kanyang lingkod. Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una…. Ikaw naman, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan; Sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daraanan. At ituro sa kanyang bayan ang landas ng kaligtasan. Ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. ” (Lucas 1:68-70,76-77).
Tinig 2: Malimit pinipili ng Diyos na magdala ng Kanyang mensahe ang mga taong hindi natin tanggap. Isang taong nabuhay sa ilang, nakasuot ng balat ng hayop, walang ibang kinakain kundi balang at iba pang pagkain sa gubat. Isang mahirap na pastol na tahimik at matiyagang nagbabantay ng tupa sa pastulan. Sa kasalukuyan sila ay maaaring isang guro, janitor, waitress, karpentero, manggagawa, magsasaka, o maging sanggol. Ang pumarito ay hindi lamang para sa mga nasa sentrong lungsod. Para rin siya sa mga taong nasa bundok, sa tabi ng riles ng tren, sa Afghanistan, sa Iraq, Siria, Africa, at sa Mindanao. Si Jesus ay sumasaatin hindi lamang sa pamamagitan ng mga sermon at inaawit nating imno, kundi sa pamamagitan ng mga sirena ng ambulansya o ng mga sulat para sa mga bilanggo. Sa pamamagitan ng mga dumadalaw sa mga may karamdaman, o naghahatid ng relief goods sa mga evacuation centers, nagsasagawa ng mga medical at dental mission, at psycho-social intervention sa mga naging biktima ng samo’t saring kalamidad, at sa ating mga ngiti.
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi)
Tagasindi: Ang liwanag ng pag-asa mula sa Diyos ay sumaatin. Nawa’y ang Salitang ipinadala ng Diyos ay manguna sa atin tungo sa ganap ng paglaya at kaligtasan.
Lahat: (awitin “Away in a Manger” UMH # 217 3rd stanza) Sa akin naman ay huwag kang mawalay, O Jesus na Panginoon ko’t buhay; At ang lahat sa Iyo’y mangahimlay. Ako’y ihilig mo sa Iyong kamay. Amen.
3.       +PAGSINDI NG IKATLONG KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: Purihin ang Diyos lagi!                                            
Tinig 2: Purihin S’yang lagi!
Tinig 1: “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus”, na isinilang sa pinakaabang karanasan ng pagsilang. (Filipos 4:4-7)
Tinig 2: Sa pagsilang ni Jesus sa sabsaban, may paanyaya siya sa atin- isang paanyaya ng kapakumbabaan. Ang pagdatal ay panahon upang pasiglahin ang diwa ng pagpapakumbaba.
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi ng ikatlong kandila ng pagdatal)
Tagasindi: Ang kandilang ito ay sumasagisag sa ningning na mayroon ang buhay na may pagpapakumbaba. Ito’y isa sa mga sangkap ng pagiging lingkod ng Diyos. Ang sabi ni Jesus, “..sinuman sa inyo ang ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami” (Marcos 10:43b-45).
Lahat: (awitin “O Little town of Bethlehem” UMH # 230, 3rd stanza) How silently, how silently, the wondrous gift is given; so God imparts to human hearts the blessings of his heaven. No ear may hear his coming, but in this world of sin, where meek souls will receive him, still the dear Christeners in. Amen
4.       +PAGSINDI NG IKAAPAT NA KANDILA NG PAGDATAL
Tinig 1: Nang panahong yaon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Kaya’t umuwi ang bawa’t isa sa sariling bayan upang magpatala. Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Jerusalem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. (Lucas 2:1,3-4)
Tinig 2: Sa pagkakataong ito ating inaalala si Jose, ang mabuting asawa ni Maria, ginawa ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng kanyang pamilya. Sa madilim nilang kalagayan, naging bahagi siya upang maisilang ang liwanang na inaasam ng bayan. Wala mang tumanggap na tahanan at nag-alay ng maayos na silid upang si Maria ay maayos na magsilang ng sanggol na si Jesus. Ang sabsaban, ang bukod tanging nagbukas upang doon isilang ang Mesiyas.
(Papasok ang Tagapagdala/Tagasindi ng ikaapat na kanidla ng pagdatal)
Tagasindi: Sa ikaapat na kandilang ito ng pagdatal, ating ipinagdiriwang ang liwanag sa gitna ng kapighatian at karahasan. Ang katuparan ng pangarap, babangon ang bayan ng Diyos, “..liliwanagin ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kaningningan.” (Isaias 60:2). Kasama natin ang Diyos!
Lahat: (awitin “Emmanuel, Emmanuel” UMH # 204) Emmanuel, Emmanuel, his name is called Emmanuel God with us, revealed in us, his name is called Emmanuel.
5.       +ANG PAGPASOK NG KANDILA NI CRISTO
Tinig 1: Samantalang naroroon sila, dumating na ang panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. (Lucas 2:6-7).
Tinig 2: Sa piling ng kanyang amang si Jose, at kanyang inang si Maria, ang sanggol sa sabsaban ay pinupuri ng mga pastol, at mga karaniwang tao.
 (Papasok ang Tagapagdala ng kandila ni Cristo)
Tagapagdala: Sa araw na ito ating pinasasalamatan ang mga sanggol na kapiling natin. Sila ay nagpapaalala sa kahalagahan ng buhay, sa yaman at pagkakataon upang maranasan ang pangako ng Diyos, na Cristo. Alam natin na isinilang na si Jesu-Cristo, at sa kanyang pagsilang ay naisilang ang mga hamon sa atin. Kasama natin ang Diyos!
Lahat: (awitin “Emmanuel, Emmanuel” UMH # 204) Emmanuel, Emmanuel, his name is called Emmanuel God with us, revealed in us, his name is called Emmanuel. 

SALIGANG PADRON AT BALANGKAS NG SERBISYO NG PAGSAMBA

Ang Saligang Padron at Balangkas ng Serbisyo ng Pagsamba ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at sa tradisyong pinagmulan at karanasan ng United Methodist Church. Ginagabayan ng padrong ito ang komunidad ng mga mananampalataya at lahat ng mga naghahanda ng mga lingguhang gabay sa pananambahan upang maunawan ang balangkas at nilalaman ng ating pagsamba. Sa Saligang Padron na ito (Sa Pagpasok; Proklamasyon at Tugon; Pasasalamat at Komunyon; at Pagpapahayo) nakapaloob ang balangkas ng ating mga Pananambahan.

SA PAGPASOK
Magtitipon ang bayan sa ngalan ng Panginoon. Maaaring sa mga panahong ito gagawin ang mga impormal na batian, mga pagbabalita at pagtanggap. Tutugtugin ang instrumental na musika o imno ng paghahanda.
+PANIMULANG TUGTUGIN (PRELUDE)
Ito ay musikang pinapatugtog o tinutugtog habang ang mga tao ay nagtitipon. Ito rin ay hudyat ng pagsisimula ng pananambahan. Sa panahong ito ginagawa ang prosesyunal.
+TAWAG SA PAGSAMBA (CALL TO WORSHIP)
Ang Tawag sa Pagsamba ay mga kataga ng paanyaya na sinasambit ng Tagapanguna o Pastor sa bayan ng Diyos upang ituon na ang sarili sa pananambahan.
+IMNO NG PAPURI (HYMN OF PRAISE)
Ito ay isang imnong nagpapahayag ng kolektibong papuri sa Diyos, pagkilala sa kabutihan at kadakilaang ginawa ng Diyos sa Sanlibutan. Maaari ang Praise Singing sa pangunguna ng Praise and Worship Team ng simbahan ay gawing alternatibo nito.

Sa kapanahunan ng Pagdatal isinusunod sa IMNO NG PAPURI ang PAGSINDI NG KANDILA NG PAGDATAL bago ang Pambungad na Panalangin. Ang pagsindi ng mga kandila ng pagdatal ay gagawin lamang sa lingguhang Pananambahan sa kapanahunan ng Pagdatal.

Sa pananambahan sa Gabi o Araw ng Pasko, ipapasok matapos ang Imno ng Papuri ang PAGSINDI NG KANDILA NI CRISTO bago ang Pambungad na Panalangin.
+PAMBUNGAD NA PANALANGIN (OPENING PRAYER)
Ito ay panalanging humihingi ng patnubay sa Diyos sa pananambahang gagawin.

PAGSISISI AT PAGPAPATAWAD (CONFESSION AND PARDON)
Sa mga pagsambang Metodista at Evangelical, malimit nahahati ito sa tatlong bahagi. Una, Tawag sa Pagsisisi (Call to Confession), mga katagang sinasambit ng Tagapanguna upang hikayatin ang bayan na ikumpisal ang kanilang mga pagkukulang at pagkakasala sa harapan ng Diyos. Pangalawa, Panalangin sa Pagsisisi (Prayer of Confession), isang natatanging panalangin sa harapan ng presensya ng Diyos kung saan nangungumpisal sa mga pagkukulang at pagkakasala. Susundan ito ng tahimik na pagninilay. At pangatlo, Katiyakan ng Pagpapatawad (Assurance of Pardon or Absolution), mga kataga na sinasambit ng pastor na naglalahad ng katiyakan mula sa Diyos na maranasan ng bayan nito ang pagpapatawad. Ito ay malimit hinahango na mga talata sa Banal na Kasulatan na naglalarawan sa inisyatiba ng Diyos sa paglilligtas. Ito rin ay kapahayagan na ang Diyos ay mabuti, makatarungan, at mapagpatawad.
+GLORIA PATRI
Ang Gloria Patri ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay Glory be to the Father. Ito ay isang awit o kataga ng papuri sa Santa Trinidad. Inaawit natin ito malimit bilang tugon sa Kapahayagan ng Pagpapatawad.
PROKLAMASYON AT TUGON
Ang pagiging Evangelical ay bahagi ng katangian natin bilang Metodista, ang bukas na Bibliya na nakikita ng mga tao at ang accessibility nito sa bayan ng Diyos na mabasa ang siyang kapahayagan nito. Sa bahaging ito ng Saligang Padron binabasa at pinagbubulay-bulayan ang Salita ng Diyos.
DALANGING PAGKALIWANAGAN (PRAYER OF ILLUMINATION)
Ang panalanging ito ay sinasambit ng pastor o ng worship leader na nakatuon sa dalawang bagay. Una, ito ay panalanging humihingi ng gabay at basbas mula sa Diyos sa pagbabasa ng mga aralin, sa gayon ay mapakinggan ng komunidad ang katotohanan mula sa Diyos. Pangalawa, ito ay panalangin upang pagpalain ang pastor o tagapangaral sa paglalahad nito ng sermon, sa gayon ay makapagdulot ito ng liwanag at inspirasyon sa mga nakikinig na bayan ng Diyos.
ARALIN (SCRIPTURE)
Ang bawat Linggo ay may nakalaang tatlong aralin mula sa Lumang Tipan para sa Unang Aralin, Epistula para sa Ikalawang Aralin, at Ebanghelyo.  Sa kapanahunan matapos ang Araw ng Pagkabuhay, ginagamit para sa Unang Aralin ang Aklat ng Mga Gawa ng Apostoles kung saan binibigyang diin ang kuwento ng bagong nilalang na nauugnay sa muling pagkabuhay.

Ang bawat aralin ay ipakikilala gaya ng mga sumusunod:
ANG ARALIN SA LUMANG TIPAN/ GAWA NG MGA APOSTOLES
Tagabasa: Ang pagbasa mula sa Aklat ni _______________ kabanata ____ mula sa talata ____ hanggang ____. Ang Salita ng Diyos.                                                              
Komunidad: Salamat sa Diyos.
Tugon:  (awitin, “Pangunahan Mo”) Pangunahan mo, aming pagbubulay. Karunungan Mo’y sa mi’y maging ganap.
ANG ARALIN SA MGA LIHAM
Tagabasa: Ang pagbasa mula sa ______________________, kabanata _____, sa mga talatang ______ hanggang _______.  Ang Salita ng Diyos.
Komunidad: Salamat sa Diyos.
+ ANG PAGDAKILA SA EBANGHELYO
Ito ay inaawit bago basahin ang Aralin sa Ebanghelyo. Ang lahat ay magsitayo hanggang matapos ang pagbabasa ng aralin sa ebanghelyo.
(awitin, Alleluia, UMH186) Alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia.
+ANG ARALIN SA EBANGHELYO
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.                          
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San ______________.
Komunidad: Papuri sa iyo, Panginoon.
Pastor: (Basahin ng malinaw ang aralin). Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
DALIT NA AWIT (ANTHEM)
Ang awiting ito ay nakatuon sa tema ng Pananambahan at ng araling binasa. Ito ay papuring awit sa Diyos at nagpapahayag sa mensahe ng araling binasa.
SERMON
Ang Sermon ay hango sa salitang Latin na ibig sabihin ay “talk” o “speech”. Ito ay isang diskurso ayon sa araling binasa na nagbibigay ng mga panuntunan sa buhay at sa mga hamong hinaharap ng mga mananampalataya. Kung may bibinyagan, ikukumpil o itatalaga, mainam gawin ang mga ito pagkatapos ng Sermon. Nangangahulugan ito ng positibong pagtanggap sa Salita ng Diyos na napakinggan. Kapag gagawin dito ang mga Serbisyo ng Pambautismong Tipan, ang Kapahayagan ng Pananampalataya ay hindi na sasambitin.
KAPAHAYAGAN NG PANANAMPALATAYA/KREDO (AFFIRMATION OF FAITH/CREED)
Ang Kredo ay mainam na tugon sa Salita ng Diyos na napakinggan. Ito ay kapahayagan ng muling pagpapatibay sa kung ano ang ating sinasampalatayanan.

PASASALAMAT AT KOMUNYON
Sa mga serbisyong kalakip ang Banal na Komunyon, ang mga aksyon ni Jesus sa Mataas na Silid ay ating binabalikan. Ang pagkuha ng tinapay at saro, ang pasasalamat sa tinapay at saro, ang pagpira-piraso ng tinapay, ang pagbabahagi ng tinapay at saro. Sa mga serbisyo ng pagsamba na walang pagdiriwang ng Banal na Komunyon, agad isinusunod ang Panalangin ng Panginoon. 
Sa panahong ito ang pastor ay nakatayo behind the Lord’s Table.
PAGHAHANDOG (OFFERTORY)
Ang Paghahandog ay bahagi sa pananambahan kung saan iniipon ang mga kaloob, pangako, at ikapu mula sa bayan ng Diyos, at pagdadala ng tinapay at saro sa altar. Ang pag-awit ng nauukol sa komunyon o pasasalamat ay ginagawa sa mga panahong ito. Ang Paghahadog ay nahahati sa mga sumusunod: una; TAWAG SA PAGHAHANDOG, kung saan inaanyayahan ang lahat na mag-alay bilang bahagi ng pasasalamat sa Diyos; pangalawa; ang DOKSOLOHIYA, kung saan hinango sa salitang Griyego para sa “Words of Praise”; at Pangatlo; ang PANALANGIN UKOL SA PAGHAHANDOG.
PAGKUHA NG TINAPAY AT SARO
DAKILANG PASASALAMAT
ANG PANALANGIN NG PANGINOON
Ang Panalangin ng Panginoon ay panalanging itinuro ng ating Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad noong hiniling nilang turuan silang manalangin. Malimit ang panalanging ito ay inaawit o di kaya’y sinasambit nang sabayan.
PAGPIRA-PIRASO SA TINAPAY
PAMAMAHAGI NG TINAPAY AT SARO
PANALANGING MATAPOS ANG KOMUNYON

PAGPAPAHAYO
Sa diwang ito ang bayan ng Diyos ay pinapahayo upang mangaral at maglingkod sa kapwa taglay ang pagpapala ng Diyos.
IMNO
+PANALANGING PASTORAL (+PASTORAL PRAYER)
Ang Panalanging Pastoral ay panalangin ng bayan sa pangunguna ng pastor na naglalaman ng mga hinaing, pangarap, kahilingan ng bayan ng Diyos.
+PAGPAPAHAYONG MAY LAKIP NA PAGPAPALA (+DISMISSAL WITH BLESSING/BENEDICTION)
Ang huli at pinal na panalangin na nagkakaloob ng bendisyon mula sa Diyos sa mga nananambahan, upang humayo na taglay ang pag-ibig at kapayapaan ng Diyos sa sanlibutan.
+TATLONG AMEN (+THREE FOLD AMEN)
PANITAPOS NA TUGTUGIN (POSTLUDE)
Ito ay tugtugin matapos ang Tatlong Amen o panitapos na bahagi ng pagsamba.
PAGHAYO (GOING FORTH)




KAPAHAYAGAN NG PASASALAMAT

KAPAHAYAGAN NG PASASALAMAT
SA MGA GURO NG GENDER FAIR EDUCATION SEMINAR MULA SA INSTITUTE OF WOMEN STUDIES-ST. SCHOLASTICA’S COLLEGE, October 24-27, 2014 @ SPMCI, Kidapawan City
Inihanda nina Rev. Jeric Cortado and Dss. Cristine G. Cortado

Fine Coco Sugar: Tanggapin niyo ang fine coco sugar na ito bilang tanda ng aming pasasalamat. Mula ito sa inang kalikasan, sumibol at tumubo ang puno ng buhay, at sa punong ito nailuwal ang matamis na asukal na nagpepreserba ng buhay at kalakasan. Iminulat ninyo sa amin ang kahulugan ng tamis ng buhay at paglilingkod kung may pagkakapantay-pantay.

Coarse Coco Sugar: Ito ay sumasagisag sa aming pasasalamat dahil iminulat ninyo sa amin ang Gender Fair Lens sa pagharap sa reyalidad ng buhay. Isinasagisag ng coarse coco sugar na ito ang “firmness” sa pagsasabuhay ng bagong kamulatang ito. Sa paglalakbay ninyo bilang mga facilitator, mahirap man ang lakbayin (coarse o magaspang), patuloy pa rin, pagkatapos ay malalasap ang tamis na bunga ng tunay na paglilingkod.

Native Bag: Tanggapin niyo po ang indigenous bag na ito na maaaring paglagyan ng mga personal ninyong gamit sa inyong patuloy paglalakbay upang ipalaganap ang Gender Fair Education. At habang dala- dala niyo ang bag na ito, maaalala ninyo kami mula sa iba’t ibang tribu sa Mindanao, hindi lang bilang binigyan ninyo ng pag-aaral kundi kasama na ninyo sa pagsusulong ng adhikaing ito. 

Native Wallet:  Tanggapin niyo po ang indigenous wallet na ito na sumasagisag ng aming kulturang nagpapasalamat sa mga aral at hamon na inyong ibinahagi. Maari niyo po itong gamitin upang paglagyan ng mga calling cards, identification cards, pera o mga alaala na patuloy na umuugnay sa atin bilang magkakasama sa nagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng mga kababaihan.


Malong: Tanggapin niyo po ang malong na ito na isa sa mga kilalang produkto ng Mindanao, taglay ang iba’t ibang kulay na sumasagisag sa iba’t ibang kultura mayroon sa aming komunidad. Ginagamit ang malong sa iba’t ibang kaparaanan na nagbibigay buhay at pag-asa sa bawat isa sa amin. Nagiging tapis o kasuotan, duyan at baby carrier, kumot laban sa lamig at ano pa man. Habang ginagamit niyo ito maalala ninyo na minsan napadako kayo sa SPMCI, nagpamulat sa amin ng Gender Fair Education.

ANG SERBISYO NG KAMATAYAN AT MULING PAGKABUHAY (BURIAL OF THE DEAD SERVICE)

SA PAGPASOK
PAGHAHANDA                                                                       
+ANG SALITA NG KAGANDAHANG LOOB                            
Sa diwang ito, habang nasa pintuan ng simbahan o narthex, ang pastor, mga acolytes, ang kabaong, ang naulilang pamilya, and komunidad. Sasambitin ng pastor ang mga sumusunod: 
Sinabi ni Jesus, “Ako ang Mulingpagkabuhay at ang Buhay. Yaong sumasampalataya sa akin, bagama’t namamatay, gayunpaman, mabubuhay sila, at hindi na mamamatay kailanman ang sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin. Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli. Namatay ako, at masdan ninyo, buhay ako magpakaylan - kaylan pa man, at hawak ko ang mga susi ng impiyerno at kamatayan. Sapagkat nabubuhay ako, mabubuhay din kayo.”
Ipapasok ang kabaong at dadalhin sa harapan ng altar at susunod ang pamilya sa prosesyon.
+PAGBATI                                                          
Pastor: Mga kapatid at kasama, tayo ay nagtitipon ngayon upang sama-samang purihin ang Diyos at upang sumaksi sa ating pananalig. Samantalang ipinagdiriwang at pinararangalan ang buhay ng ating kapatid, kasama, kaibigan, at magulang na si __________________________. Sa pagdadalamhati natin ngayon, gawaran nawa tayo ng Diyos ng kagandahang loob, upang makasumpong tayo ng kaaliwan sa gitna ng sakit na nararamdaman. Makasumpong tayo ng ginhawa sa gitna ng kapighatian, pag-asa sa gitna ng kahirapan, at muling pagkabuhay sa gitna ng kamatayan.
+IMNO                
+PANALANGIN                                                              
Pastor: Sumainyo ang Panginoon!                           
Kapatiran: At sumainyo rin.
Pastor: Manalangin tayo…. O Diyos….  
ANG PANGUNGUMPISAL                                             
Tugon: PUSONG DALISAY, SA AKI’Y LIKHAIN.DIWA MO, O DIOS, PAGHARIIN
Tinig 1: Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos. Sang-ayon sa iyong kagandahang-loob. Mga kasalanan ko’y iyong pawiin. Ayon din sa iyong pag-ibig sa akin. Linisin mo sana ang aking karumihan, at ipatawad mo yaring kasalanan! T
Tinig 2: Ang pagsalansang ko ay kinikilala. Laging nasa isip ko at alaala. Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan. Kaya may matuwid ka na ako’y hatulan. Marapat na iyong parusahan.  T
Tinig 3: Ako’y masama na buhat nang iluwal. Makasalanan na nang ako’y isilang. Nais mo sa aki’y isang pusong tapat. Puspusin mo ako ng dunong mong wagas.  T
Tinig  4:  Ako ay linisin, sala ko’y hugasan. At ako’y puputi nang walang kapantay. Sa galak at tuwa ako ay puspusin. At muling babalik ang galak sa akin.  T
Tinig 5: Ang kasalanan ko’y iyo nang limutin. Lahat kong nagawang masama’y pawiin. Isang pusong tapat sa aki’y likhain. Bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.  T
Tinig  6: Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin. Ang Espiritu mo ang papaghariin. Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas. Ibalik at ako ay gawin mong tapat.  T
Tagapanguna: O aming Diyos, patawarin ninyo po kami. Amen
Lahat: Amen.
TAHIMIK NA PAGBUBULAY
ANG SALITA NG KAPANATAGAN          
Tugon: ANG MABUTING PASTOL, KALOOB NIYA, BUHAY NA GANAP AT KASIYA-SIYA.
Tagabasa 1: Si Yahweh ang aking Pastol, di ako mangangailangan. T
Tagabasa 2: Pinahihimlay nya ako sa luntiang pastulan. Dinadala n’ya ako sa tabi ng tahimik na batis. T
Tagabasa 3: Pinapanumbalik n’ya ang lakas ng aking kaluluwa. Inaakay nya ako sa landas ng katuwiran alang-alang sa kanyang pangalan. T
Tagabasa 4: Oo, bagamat tumatahak ako sa lambak ng kamatayan, walang kasamaan akong kinatatakutan. Pagkat kasama kita, ang iyong pamalo at ang iyong tungkod ang nagpapalakas ng aking loob. T
Tagabasa 5: Ipinaghahanda mo ako ng dulang sa presensya ng aking mga kaaway. Nilalangisan mo ang aking ulo. Umaapaw ang aking saro. T
Tagabasa 6: Buong katiyakan, susundan ako ng kabutihan at awa sa lahat ng araw ng aking buhay at mananahan ako sa bahay ng Panginoon nang walang hanggan. T
+GLORIA PATRI        

PROKLAMASYON AT TUGON
DALANGING PANGKALIWANAGAN
(awitin, “Pangunahan Mo”) Pangunahan mo, aming pagbubulay. Karunungan Mo’y sa mi’y maging ganap.
ANG ARALIN SA LUMANG TIPAN
Tagabasa: Ang pagbasa mula sa Aklat ni _______________ kabanata ____ mula sa talata ____ hanggang ____. Ang Salita ng Diyos.                                                               
Komunidad: Salamat sa Diyos.
Tugon:  (awitin, “Pangunahan Mo”) Pangunahan mo, aming pagbubulay. Karunungan Mo’y sa mi’y maging ganap.

ANG ARALIN SA MGA LIHAM/GAWA NG MGA APOSTOLES
Tagabasa: Ang pagbasa mula sa ______________________, kabanata _____, sa mga talatang ______ hanggang _______.  Ang Salita ng Diyos.
Komunidad: Salamat sa Diyos.

+ ANG PAGDAKILA SA EBANGHELYO
Ang lahat ay magsitayo hanggang matapos ang pagbabasa ng aralin sa ebanghelyo.
(awitin, Alleluia, UMH186) Alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia, alleluia.

+ANG ARALIN SA EBANGHELYO
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.                          
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San ______________.
Komunidad: Papuri sa iyo, Panginoon.
Pastor: (Basahin ng malinaw ang aralin). Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

TANGING AWIT
Sa diwang ito, ang koro ay maaring mag-alay ng awit o isang natatanging alay na awit na aawitin ng komunidad.
SERMON
PAGPANGALAN
PAGSAKSI
+PAGTATAGUBILIN
Pastor: Diyos naming lahat, na walang katapusang nagmamahal sa amin. Patuloy kaming dumadalangin para sa isa’t isa na sa gitna ng aming pangangailangan at pagdadalamhati ay nagkakaisa. Pagkalooban mo nawa ng lakas ang bawat isa sa aming nanghihina. Iparanas mo nawa ang awa sa amin na mga nagkasala. Ipadama mo nawa ang kapayapaan sa lahat ng nalulumbay. Manatili nawang totoo sa amin ang iyong pagmamahal at pagkupkop. Sa lahat ng aming paglalakbay ay magtitiwala sa iyo. O aming Diyos, kasama ng iyong iglesya at lahat ng samahan sa langit, inaalay namin sa iyo ang pagpaparangal at pagluluwalhati, ngayon at sa walang hanggan.
Lahat: Amen
Pastor: O aming Diyos, iyo ang lahat ng naibigay mo sa amin. Kung paanong noong una, ibinigay mo si _____________ sa amin, kaya ngayon, ibinabalik namin si _____________ sa iyo.

Sa bahaging ito, ipatong ng pastor ang kamay nito sa kabaong o urn, kasama ng iba pang nakatayo sa tabi ng kabaong o urn, mga kaaanak na malapit, habang nagpapatuloy:

Pastor: Tanggapin mo ______________ sa tangkilik ng iyong awa. Ibangon mo si ____________ kasama ng buo mong sambayanan. Tanggapin mo rin kami at ibangon mo sa panibagong buhay. Tulungan mo nga kaming magmahal at maglingkod sa iyo sa sanlibutang ito at nang makapasok kami sa iyong kagalakan sa bagong langit at lupang darating.
Lahat: Amen

Pastor: Sa iyong mga kamay, O mahabaging Tagapagligtas, itinatagubilin namin ang iyong lingkodna si ______________. Tanggapin mo siya sa tangkilik ng iyong awa, sa pinagpalang kapahingahan ng walang hanggang kapayapaan, at sa maluwalhating samahan ng mga banal.
Lahat: Amen.

+PAGPAPAHAYAG SA PANANAMPALATAYA
TAWAG SA PAGHAHANDOG                                       

ANG PAGHAHANDOG
(Lilikumin ang mga handog at itatalaga sa altar)
+PANALANGIN UKOL SA MGA HANDOG                   

PASASALAMAT AT KOMUNYON
AWIT NG KOMUNYON         
ANG PAGHAHANDA NG TINAPAY AT ALAK
ANG DAKILANG PASASALAMAT
Pastor: Sumainyo ang Panginoon.                   
Komunidad: At sumaiyo rin.
Pastor: Itaas ninyo ang inyong mga puso.
Komunidad: Itinataas namin ang mga yaon sa Panginoon.
Pastor: Magpasalamat tayo sa Panginoon nating Diyos.
Komunidad: Matuwid na magpasalamat at magpuri.
Pastor: Matuwid … imno ng pasasalamat at pagdakila.
Lahat: (aawitin) Kabanalbanalang Dios ng lakas at tatag. Langit lupa’y pinagpapala. Papuri ay sa langit. Mapalad S’yang parating sa ngalan ng Dios. Papuri ay sa langit.
Pastor: Banal ka, O Diyos … misteryo ng pananalig sa kay Cristo.
Lahat: (awitin) Namatay, at nabuhay, babalik muli.
Pastor: Ibuhos mo …ngayon at sa walang hanggan.                                                              
Tugon: Amen, Amen, Amen.

Pastor: At ngayon, … manalangin tayo:
Lahat: (aawitin) Dios na Magulang, Banal ang ngalan. Pamamayani ay sumaamin. Gawin nawa ang ‘yong kalooban. Sa lupa gaya ng langit.
Ipagkaloob ngayon sa amin, Pang-araw-araw naming kakanin. Kami sa sala ay patawarin, Nagpapatawad sa kapwa rin.
H’wag mong sa tukso’y kami’y tulutan. Kundi iligtas sa kasamaan. Pamamayani, kapangyarihan, kaluwalhatian, sa ‘Yong tanan. Amen.

PAGPIRA-PIRASO NG TINAPAY

PAMAMAHAGI NG TINAPAY AT SARO

+PANALANGIN NG PASASALAMAT AT PAKINABANG

ANG PAGTATAPOS
MGA PANANALITA MULA SA PAMILYA
IMNO                           
+PAGBABASBAS              
+TATLONG AMEN                                                                      
ANG PAGHAHATID SA HULING HANTUNGAN
+++++++++++++++
MGA PINAGBATAYAN
1.        Ang Aklat ng Pagsamba (The Book of Services). Philippines: PCC-UMC-BCEC, 2004.
2.        The United Methodist Church Hymnal. USA: The United Methodist Publishing House, 2005.
3.        The United Methodist Book of Worship. USA: The United Methodist Publishing House, 2002.
4.        Ang Imnaryong Cristiano. Manila: OMF Publishers, 1980.
5.        Ang Imnaryong Metodista. Philippines: The Methodist Cooperative Association, 1946.