Friday, May 27, 2016

“ANG KUWENTO NG PAGKAKATATAG NG IGLESIYA METODISTA SA ARINGAY”

“ANG KUWENTO NG PAGKAKATATAG NG IGLESIYA METODISTA SA ARINGAY” [1]

Ang Founder United Methodist Church na matatagpuan sa Brgy. Aringay, Kabacan, North Cotabato ay itinuturing na isa sa mga matatandang Iglesia Metodista sa Mindanao. Unang nakilala ang Metodistang komunidad bilang lokal na iglesya ng The Methodist Episcopal Church.
Sa kasalukuyan ginabayan ng kanyang vision,
The Founder United Methodist Church as a purpose-driven community of enlightened and empowered people living out the inclusive and relevant ministries of making disciple of Christ for the transformation of the world. 

At mission,
To serve as sanctuary of enlightenment and empowerment of the members in particular and of the people in general, regardless of their gender, class, race, educational attainment, age and faith as full participants towards the future with hope.

Ang ating kuwento mula taong 1922 hanggang taong 1938
Taong 1922, nang dumating ang 13 pamilya mula sa Ilocos Region sa  Brgy. Aringay, Kabacan. Sila yaong kinilalang pioneer family sa Aringay kung saan, isa sa mga pamilyang ito ay Metodista. Bagamat may mga nauna na ng pagtitipon ang mga Metodista sa dakong ito, ang kauna-unahang Pagsambang Metodista ay naganap noong Ika-25 ng Abril taong 1937 sa tahanan ng pamilyang Vergara.  Ang pagsambang ito ay dinaluhan ng umaabot na 30 na mga kapatiran. Ito ang pormal na pasimula ng Pagsambang Metodistang humikayat ng maraming kapatiran. Nang taong 1938, naitayo ang pansamantalang gusali na pagdadausan ng pagsamba sa pamamahala ni Rev. Catalino S. Guzman. Naitayo ang gusali sa loteng kaloob ng mag-asawang Tito Vergara na may sukat na 2,500 metro kuwadrado kasama sa 16 puno ng niyog. Sa lote na ito unang naipatayo ang unang kapilya ng Iglesia Metodista.  Si Rev. C.S. Guzman ang naging kauna-unahang pastor nang maitatag ang iglesyang ito.  Kung saan nagsilbing base ni Rev. Catalino S. Guzman sa pagmimisyon sa Brgy. Bannawag, Osias, Pisan, Katidtuan, Matalam, Bulakanon (Makilala), at Mlang.  Ang mga unang pamilyang naabutan ni Rev. Catalino C. Guzman ay  ang pamilya ni Honoratu Riingen Sr., Fidel Nalundasan, Buenaventura Rapuza, Feliciano Cuaresma, Estaquio Vergara, Tito Vergara. Sa pagkakadestino ni Rev. Catalino C. Guzman, nahikayat na maging bahagi sa Iglesiya ang pamilya ni Froilan Ruiz, Felicisimo Robancho, Macario dela Cruz, at Bonifacio Castillo kasama ang mga anak nito na sina Leopoldo, Vicente, Macario at Ana. Dagdag pa nito ay ang pamilya nina Alejandro Serrano Sr., Eliseo Nalundasan, Eugenio Vergara, at Sylverio Cosmiano. Ang mga pundador na ito ang nanguna upang maitayo ang gusaling pagdadausan ng pagsamba o sangtuaryo. Naging bahagi din sa gawain at ministeryo ng Aringay Methodist Episcopal Church sina Rev. Cristino Hidalgo at Rev. Isabelo Pacquing.

Ang ating kuwento mula 1960 hanggang 2000
Ika-25 ng Abril, taong 1960 sa ilalim ng pamamahala ni Rev. Amado Pidut ay idinadaos ang Pagsambang Metodista sa tahanan ni Mr. Sofronio Edu Sr., malapit sa sentro ng Brgy. Aringay. Sa mga taon ding ito, naatasan sina Mr. Honorio Riingen at Mr. Froilan Ruiz na maging delegado sa regular na sesyon ng Mindanao Annual Conference. Ika-25 ng Abril taong 1962, nang maitayo ng mga kapatiran ang isang maliit na Simbahan sa loteng ipinagkaloob ng pamilya ni Prudencio Diaz. Ito ay may sukat na 1,200 sqm. Ang sangtuaryo ay nagsilbi ding Kindergarten room hanggang sa maipasa ang programang ito para sa mga bata sa pamamahala ng Brgy. Aringay Council. Nang madestino bilang Administrative Pastor si Rev Josue R. Guzman noong ika-25 ng Abril taong 1963, napagkaisahan ng mga kapatiran na magpatayo na ng isang permanenteng church building. At makalipas ang isang taon, ika-25 ng Abril 1964 sa tulong ng Board of Mission na nakabase sa Amerika ay nasimulang maitayo ang isang permanenteng church building. Ang gusaling ito ay naging saksi sa karanasan at buhay ng Aringay Methodist Episcopal Church hanggang sa napangalanang Founder United Methodist Church. Naging saksi sa mga tagumpay at kabiguan, kaligayan at kalungkutan, pagkakawatak-watak at pagbubuklod ng mga kapatiran.

Ang ating kuwento mula Hunyo 2000 hanggang Hunyo 2006
Taong 2000, buwan ng Hunyo ay naitalaga si Rev. Eduardo Suyamin bilang Administrative Pastor. Kasama niyang naitalaga ang kanyang asawang si Diyakonesa Anita Nicolas-Suyamin upang pamahalaan ang Children’s ministry. Sa taong ito naipatayo ang permanenteng palikuran (comfort room). Nakapagtanim ng mga prutas sa farm lot ng iglesyang ipinagkaloob ng pamilyang Vergara. Taong 2001, nang makumpleto ang anim nairon grills sa bentana ng iglesya. Nakapagkaloob din si Mrs. Juanita Sixto na isang electric fan para sa magandang bentelasyon ng sangtuaryo.

Ang ating kuwento mula Hunyo 2006 hanggang Hunyo 2010
Hunyo 2006, nang si Ptr. Mary Ann Gabling-Noble ay naitalagang Administrative Pastor. Kasama ng kanyang asawang si Ptr. Federico Noble at dalawang anak na sina Engel at Carl ay mainit silang tinanggap ng mga kapatiran. Sa kapanahunan niya sumigla ang partisipasyon ng mga kapatiran dulot ng masigasig nitong pagbibisita sa tahanan ng mga kasapi. Patuloy na lumago ang pagkakaloob ng mga kapatiran sa kanilang mga panahon, talento, at serbisyo sa mga gawain ng iglesia. Naitatag ang Selda Ministry. Naitayo ang Multi-Purpose Cottage at napasigla ang confirmation classes. Nakapagpagawa ng bagong siyam na upuan para sa simbahan at nasimulang maipatayo ang bagong parsonage. Sa pamamagitan ni Mrs. Ofelia Caliva, nagkaloob ang mag-asawang Rajesh Javeri ng perang pinambili ng karaoke. Hunyo 2010 nang umalis si Ptr. Mary Ann upang magpatuloy ng pag-aaral sa Union Theological Seminary. Iniwan niya ang isang iglesiang lumalago sa paglilingkod at pananampalataya. 

Ang ating kuwento mula Hunyo 2010 hanggang Mayo 2011
Ika-2 ng Hunyo 2010, dumating ang mag-asawang manggagawa na sina Rev. Jeric C. Cortado at Deac. Cristine de Guzman-Cortado, kasama ang kanilang anak na si Sofia Rev.  Mainit natin silang tinanggap bilang bagong Administrative Pastor at Deaconess.  Ang pagdiriwang ng kaarawan ay isa sa mga pagkakataon upang mabisita tayo ng ating Pastor at Diyakonesa sa mga tahanan. Itinakda ng ating Pastor ang kanyang Pastoral Visit tuwing ika-4 ng hamon hanggang ika-7 ng gabi.  Ika-12 ng Hunyo 2010, naitalaga natin ang United Methodist Learning Center in Aringay (UMLCA), ang ating outreach program para sa mga bata at mga magulang nito. Nakapagpatala tayo 12  mga batang mag-aaral sa school year 2010-2011 . Pormal na nasimulan ang kanilang klase noong ika-13 ng Hunyo 2011, sa pamamagitan ng ating Diyakonesa. Ang ating lay leader mismo na si Mr. Apolonio Cortez, ang gumawa ng mga mesa ng ating paaralan. Nagtulungan tayo upang makabili ng 12 piraso ng plastic chairs. Ang mga tagumpay at paglago na inabot ng programang ito ay dulot na rin sa maalab nating suporta, sa pangunguna ng ating Church Council Chairperson na si Mr. Benjamin Corpuz, at sa pagtanggap ng komunidad ng Aringay. Ang kasigasigan ng Kindergarten Board na pinamumunuan ni Hon. Igmedio Cortez, ng Church Board of Trustees na pinangungunahan ni Mrs. Tessie Dollente, at sa kakayanang ipinamalas ng ating Diyakonesa ay matagumpay na nasimulan natin ang programang ito.

Sa inisyatiba ng pangangalap ng pundo ni Mrs. Ofelia Caliva ay napaayos natin ang kisame ng simbahan, at muling napinturahan ang loob at harapan ng gusali. Sa talento ng pagtatahi ni Mrs. Rosario Cortez, nalagyan natin ng kurtina ang bintana ng sangtuaryo at nagkaroon tayo ng karagdagang mga paraments. Lumalago ang Sunday School Extensionnatin sa “Daya” tuwing hapon ng Linggo na nilalahukan ng umaabot sa 25 na mga bata. Ito ay dahil sa masiglang suporta ng mag-asawang Jose Sr. at Elena Ramirez na nagbukas ng kanilang tahanan sa programa.  Umabot sa 38 mga bata ang lumahok sa Vacation Church School 2011 noong Abril 4-10, 2011. Sa tulong ng kanilang mga nagsilbing guro na sina Cherry Caliva, Jeffrey Javier, Mary Jane Talaboc, Vanessa Joy Javier, at ng ating Diyakonesa Cristine de Guzman-Cortado at ng mga pamilyang nagbigay ng donasyon para sa miryenda ng mga bata ay naging matagumpay ang programang ito.

Sa taon ding ito, umaabot na tayo ng 112 na mga kasapi ng iglesya Metodista. Ang 32 nito ay naihanay bilang professing members at 80 naman bilang baptized members. Buwan ng Mayo 2011, naging abala ang mga kabataan sa pagtitinda ng balot- penoy at ice candy na nakalikom ng pambili ng “sound speakers”, VCD/DVD player, at paraments na malugod nilang ipinagkaloob sa simbahan.  Ang WSCS ay maasahan sa paglilinis at pagluluto sa tuwing may okasyon sa iglesya, at nakapagpapadala ng delegasyon sa mga pagitipong pansona o pandistrito ng mga kababaihan. Ang United Methodist Men natin ay nakapagpapadala din ng delegasyon sa mga zone at district gatherings. Ang kanilang hanay ay maasahan sa pamumuno at pagkukumpuni ng mga sirang bahagi ng ating mga gusali at bakod. Nakapagpadalo din tayo ng mga bata sa Children’s Camp 2011 na ginanap sa University UMC noong nakaraang Abril 18-20, 2011. May 35 na mga kapatiran ang napadalo natin sa Festival of Faith 2011 noong Abril 23, 2011 sa Kabacan Central United Methodist Church.

Ang ating kuwento mula Hunyo 2011 hanggang Mayo 2012.
Hunyo 2011, matapos ang Kumperensya Anwal ay muling naitalaga sina Rev. Jeric C. Cortado at Deaconess Cristines de Guzman-Cortado bilang mga manggagawa natin. Sa kasalakuyan, mayroong naitalang 174 na indibidwal na mga kasapi ng Founder United Methodist Church. Ito ay mula sa 34 na pamilyang  mga magsasaka.  Bahagi ng paglago ng iglesyang maituturing (Evangelism and Church Growth) ay ang pagbabago ng oras ng pagsamba, mula ika-10 ng umaga tungo sa ika-6 ng umaga. Nagkaisa tayong palitan ang Sunday School Classes ng mga Covenant Discipleship Group kung saan ang 34 na pamilya ay hinati sa tatlong grupo. May itinuturing na Centro, Laud, at Daya CoDiGroup. Sapagkat, sa loob ng isang taong obserbasyon ang bilang ng mga dumadalo sa pagsamba at sa Sunday School Classes ay hindi lumalago.  Lumalabas sa pagsusuri natin na ito ay dulot ng oras ng pagsisimula ng mga gawain na tanghali na. Nagkaisa ang mga kapatiran na magkaroon ng BAGONG ORAS SA BAGONG TAON – at naisilang ang Covenant Discipleship Group o CoDiGroup. Sa kasalukuyan umaabot ng 65 ang average na bilang ang dumadalo sa pagsamba. Mayroon namang 20 na mga bata at 15 na mga kabataan at matatanda ang regular na dumadalo sa bawat CoDiGroup. Nangangahulugan ito ng pagtaas (triple) ng bilang mga dumadalo sa pag-aaral at pagpupulong. Dalawang pamilya mula sa Romano Katoliko ay sumapi sa ating iglesya sa taong kumperensya na ito.

Sa mga proyekto at programa ng iglesya,  naging aktibo ang mga kabataan sa pangangalap ng pundo upang makabili ng “musical instruments” (drum set, keyboard, electric guitar, at microphones). Mula Enero 1, 2012 hanggang ika-8 ng Abril 2012 sa pangunguna ni Cherry Caliva, kasama sina Jeffrey Javier, Kristine Dollente at iba pang mga kabataan ay nakalikom ng P32, 288.00 sapat upang mabili ang mga kagamitan.  Ang halagang ito mula sa pinagbentahang copra, balot at penoy, ice candy, banana cue, solicitations, at sa suporta ng mga magulang at kaanak. Inaasahan na sa pamamagitan ng mga instrumentong ito ay magiging aktibo ang mga kabataan at kapatiran sa mga gawain ng iglesya.  Ika-8 ng Abril 2012 nang mabili ang mga musical instruments sa Davao City at agad nagsanay ang mga kabataan sa pagtugtog, pag-awit, at pangunguna sa “Praise and Worship”. Ika-15 ng Abril, 2012, sa Serbisyo ng Pagsamba sa Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay-Muli ay unang nanguna ang mga kabataan gamit ang bagong musical instruments sa “Praise and Worship” sa gabay ni Student Deaconess Janisa G. Bole.  Layon naman ng mga kababaihan na makapagpagawa ng retable na may halagang umaabot P4,000.00 sa sangtuaryo bago ang 75th Foundation Anniversary ng Iglesya ngayong ika-22 ng Abril 2012. Sa pagtutulungan ng mga kapatiran ay nasimulang malagyan ng jealousies ang parsonage at napalagyan ng kisame ang ating kindergarten room. Ang mga kalalakihan naman ay aktibong nakikibahagi sa pagsasaayos o renovation ng UMLCA building. Kung saan naitakda sa summer na ito ang pagsasaayos ng class room. Salamat sa PTF at mga kapatiran na aktibong nakikibahagi sa gawaing ito.

Ang ating Kuwento mula Hunyo 2012 hanggang Mayo 2013
Hunyo 2013, matapos ang Kumperensya Anwal ay muling naitalaga ang mag-asawang manggagawa na si Rev. Jeric C. Cortado at Deaconess Cristine de Guzman-Cortado. Sa taong ito ang ating iglesya may mga sumusunod na ministeryong tutok:
  1. Ang  nurturing ministries na sinasaklawan ng mga sumusunod:
§  Covenant Discipleship Group o CoDiGroup Ministry
§  Praise and Worship Team Ministry
§  Acolytes Ministry
§  Childrens Ministry
§  Tambourine Ministry

  1. At ang Outreach Ministry nitong United Methodist Learning Center in Aringay Incorporated (UMLCAI)

Ang Covenant Discipleship Group Ministry (CoDiGroup) sa konteksto ng Founder UMC ay sumasaklaw sa  7 hanggang 14 na pamilyang magkakalapit na nagkaisang magkaroon ng regular ng pagpupulong isang beses sa isang linggo. Ang CoDiGroup Ministry ay halili sa nilusaw na tradisyunal na Sunday School Ministry dulot na mababang bilang na dumadalo nito. Sa loob ng umaabot dalawang taon kapuna-puna ang pagdami ng bilang ng mga dumadalo sa ministeryong ito kumpara sa Sunday School Ministry. May tatlong pamilya mula sa ibang Faith denomination ang aktibong nakikibahagi sa CoDiGroup sa Daya, at ilang mga batang Muslim. Katuwang ng Pastor sa Ministeryong ito ang mga Coordinators na sina kapatid na Elina Ramirez (Coordinator ng Daya), Herminio Ordonia(Coordinator ng Laud), at Ofelia Caliva (Coordinator ng Centro).

Ang Praise and Worship Team Ministry ay naglalayon na matuklasan at mapalago ang kakayanan ng mga kabataan at kapatiran sa pagtugtog at pag-awit para sa pagpupuri sa Panginoon gamit ang mga nabiling instrumento gaya ng Drums, Guitar, at Keyboard. Sa conference year na ito, naorganisa ang tatlong Praise and Worship Team (ABC) na nagsasalitan sa pagtugtog at pangunguna sa pag-aawitan tuwing Linggo. Sa tulong ng Theology Student Society ng Southern Philippines Methodist Colleges ay nailunsad ang workshop on drums, keyboard, at guitar na dinaluhan ng mga kabataan at bata ng iglesya. Malaking naiambag upang mabuo ang tatlong team at matuto silang tumugtog si Student Deaconess Janisa Bole ng SPMC. Patuloy na masigla ang Praise and Worship Team Ministry sa pangunguna ni Cherry Caliva bilang Coordinator.

Ang layunin ng Acolytes Ministry ay matulungan ang Pastor sa pangunguna nito sa sacramental and religious services. Makapaglingkod sa Panginoon sa panahon ng mga pagsamba bilang leader, reader, crucifer, candle lighter, at communion assistants or stewards. Sa ilalim ng ministeryong ito ay nailunsad ang unang Seminar-Workshop on Acolyte Ministry noong September 8, 2012. Ito ay dinaluhan ng mga bata, kabataan, WSCS at UMM na umaabot sa 14 kasama ang dalawang mag-aaral ng SPMCI. Noong ika-7 ng Oktubre naganap ang Consecration ng mga First Batch ng Acolytes, at nasundan ito noong October 21, 2012. Sa workshop na yaon naipaunawa sa kapatiran ang ministeryo ng Acolyte at nahikayat na maging bahagi sa Acolytes Ministry. Ang ministeryong ito ay may malaking naiambang upang mapanatili ang kaayusan, kagandahan, at solemnidad ng pagsamba sa Founder UMC. Ito ay maalab na sinuportahan ng mga kapatiran. Umaabot na 17 (Jeffrey, Joel, Rica, Kristine Joy, Kenneth, Rhea Cristel, Mark John, Elina, Mary Jane, Leden Jae, Marybeth, Willy, Roxan, Irish Mie, Vanessa Joy,at Cherry) ang regular na acolytes na pinangungunahan ng kanilang coordinator na si Rica Loraine Manalo. Sa susunod na taong kumperensya ay inaasahang makapaglunsad ng workshop sa mga maliit na mga bata para sa ministeryong ito.

Sa conference year ang Children’s Ministry ay nakapagpalunsad ng dalawang beses na All Children Fellowship at na-organisa din ang CoDiGroup ng mga bata. Matagumpay ding naidaos ang Vacation Church 2013 kung saan dinaluhan ng 37 na mga bata, halos kalahati sa kanila ay mula sa ibang denominasyon. Naging masigla ang partisipasyon ng mga magulang at kapatiran sa pagkakaloob ng snack para mga batang nag-aral sa VCS. Nakapagpadala din ng delegasyon sa Children Camp 2013 na ginanap sa University UMC, Sunset Drive, Kabacan, North Cotabato. Katuwang ng pastor sa ministeryong ito sina Cherry Caliva at Deaconess Cristine de Guzman-Cortado bilang coordinators.

Ang Tambourine Ministry ay naglalayong makatulong sa pagpapasigla ng pananambahan sa pamamagitan ng partisipasyon ng mga bata at kabataan na mahilig sa pagsayaw. Nakapaglunsad tayo ng Workshop on Praise and Worship Dance at Tambourine dancing. Nagsimula tayo sa ministeryong ito sa tatlong tambourine. Sa pangunguna ni Deaconess Cristine de Guzman Cortado na siyang coordinator na ministeryong ito at sa tulong ng UMYF ay nangangalap ng pundo para makabili ng karagdagang tambourine na magagamit sa palihan. Inaasahan na sa susunod na conference year ay madagdagan na ang tatlong tambourine na ginagamit.

Sa conference year na ito nailunsad ang isang serye ng Confirmation Class at Balik-Aral Session sa tulong ng mga mag-aaral sa SPMCI na nagdaos ng kanilang Theology Day Celebration sa ating lugar noong nakaraan March 1-3, 2013. Noong nakaraang March 3, 2013, mayroon anim na kapatiran na tinanggap bilang professing members. Nagpapatuloy din ang pagbibisita sa mga kapatirang maysakit at pagdudulot ng komunyon sa kanila, sa mga nagdiriwang ng kanilang kaarawan, sa may mga karamdaman, at matagal nang hindi pumapasok sa simbahan o dumadalo sa mga gawain ng Simbahan. Dahil dito patuloy na sumisigla ang partisipasyon ng kapatiran sa mga gawain at programa ng iglesya bilang katiwala, lalong lalo na Family Sponsorship para sa Pastor’s In-kinds support, cleaners and flower arrangement. Hudyat ng paglago ng mga kapatiran ay ang kabukasan na tumulong sa abot ng makakaya sa mga gawain ng iglesya.

Ang United Methodist Learning Center in Aringay Incorporated (UMLCAI) sa conference year na ay patuloy na nagsusumikap na makumpleto ang mga kahingian upang makakuha na tayo ng permit to operate sa gobyerno. Summer ng 2012, matapos ang 75th Foundation Anniversary ng Iglesya ay nagpatuloy ang room improvements and renovation sa UMLCAI. Nalagyan ng kisame, ng kongretong dingding, napinturahan, nalagyan ng jealousies ang bintana sa harapang bahagi ng gusali at nakapagpagawa ng lababo at Comfort Room para sa mga bata. Nagawa ang mga paglagong ito sa tulong ng mga kapatirang nagkaloob ng pinansya, sa local na balangay ng United Methodist Men, sa pamilyang Cortez at Diaz, sa Parents-Teachers Fellowship, at ng Theology Student Society ng Southern Philippines Methodist Colleges. Nag-donate din ang PTF ng P3,600.00 para sa pagsasaayos ng division ng classroom. Nagkapaglaan din ng panahon ang Theology Student Society ng Southern Philippines Methodist Colleges sa pagpinta sa harapang bahagi ng gusali. Nakuha din natin ang suporta ng Baranggay Council ng Aringay sa pamamagitan ng kapitan Hon. Jerry Manalo at ng ating kapatid na kagawad ng Baranggay Hon. Igmedio Cortez. Inaasahan tayong makapagbigay ng project proposal upang maging batayan ng pagkakaloob nila ng pundo para sa ating building development.

Sa conference year na ito, patuloy pinaunlad natin ang magandang ugnayan ng mga manggagawa at kapatiran sa pamamagitan ng pagkakabuo ng policy ng Iglesia sa mga Serbisyo ng Pagsamba, lalong-lalo na sa pagpapakasal, pagpapabinyag at kasuotan. Nailunsad natin ang Lay Preacher Workshop (November 2012) na dinaluhan ng ilang mga kababaihan at kabataan. Ilan sa kanila ngayon ay aktibong kalahok sa iba’t ibang ministeryo ng iglesya. Ang local na balangay ng United Methodist Men ay patuloy na nakapagpapadala ng kanilang representante sa ibang gawain pansona at pandistrito. Maasahan sa pagkukumpuni, renovation, at construction sa simbahan. Ang mga kababaihan naman ay patuloy nakapagpapadala delegasyon sa mga pansona at pandistritong gawain, at pangangalap ng pundo para sa mga proyekto ng iglesya. Ang mga kabataan naman ay naging abala sa Praise and Worship Team Ministry at nagpamalas ng determinasyon upang makalikom ng karagdagang pundo na makabili ng LCD projector na magagamit sa mga pagsamba. Sinalo nila ang responsiblidad sa pag-harvest ng kopra, nagtinda ng halo-halo, shake, mani, saging at iba pa. Hindi naman sila pinabayaan ng kanilang mga magulang at ilang lay organizations at sa tulong ng Diyos nakalikom ang mga kapatiran ng lagpas sa target nilang malikom para sa LCD projector. Ang mga sumusunod ay ang mga nagkaloob o pinagkunan ng pundo sa brand new ACER LCD projector ng iglesya:

  1. Angelie Manalo na nagbigay ng P10,000.00
  2. Diaz, Vino, Dollente, at Cortez Family na nagbigay ng P1,620.00
  3. Ang mga kapatirang kabahagi ng Laud CoDiGroup na sina Delia Manalo, Bebilita Subagan, Flora Subagan, Aurora Subagan, Emie Dap-og na nagkakahalaga ng P1,000.00
  4. Ang local na balangay ng UMYF, mula sa kanilang pundo, sa pinagbintahan ng kopra, ice candy, mais con yelo at shake, mani at iba na nagkakahalaga ng P5,779.00. Kinikilala natin ang leadership ni Cherry Caliva upang malikom ang pundong ito ng UMYF.

Itinalaga ang bagong projector noong ika-76 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Founder United Methodist Church noong April 14, 2013. Bago magtapos ang ating kuwento sa kumperensyang ito ay naihabol na naikabit ang jealousies na bintana sa likurang bahagi ng parsonage na nagkakahalaga ng P3,000.00. 

Sa conference year na ito, muling pinatunayan ng mga kapatiran sa Founder UMC ang kahalagahan ng pagkakaisa, paggalang at pagpapahalaga sa isa’t isa, ang pananampalatayang buhay at mapagpalaya. Ito na naman ang nagging buod ng pasasalamat at pagdiriwang sa ika-76 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Iglesya Metodista sa Aringay noong April 14, 2013.

Ang ating kawento mula Hunyo 2013 hangganag sa kasalukuyan…
Sa isa na namang pagkakataon ay muling naitalaga sina Rev. Jeric C. Cortado at Deaconess Cristine de Guzman-Cortado sa komunidad ng mga Metodista sa Aringay. At sa loob ng taong kumperensya 2013-2014, muling ipinamalas ng komunidad ang diwa ng pagkakaisa, pagkakapatiran, at katapatan sa pananampalataya.

Sa programa ng Committee on Lay Leadership, nakapaglunsad tayo ng dalawang sesyon ng Lay Preacher Training. Subalit hindi na ito nasundan dahil sa napakaraming gawaing kinakaharap ng mga kapatiran, sa kani-kanilang mga lupang sinasaka. Ang mga naganap na training ay dinaluhan ng mga susing kapatiran.

Sa taong ito sa programa ng  Committee on Worship and Liturgy, maliban sa naimprentang liturgy guides para sa lingguhang pagsamba. Namaksimisa din ang DLP ng simbahan upang makabahanda ng gabay sa pagsamba sa pamamagitan ng multi-media. Lubos ang ating pasasalamat sa ating Acolyte Coordinator na si Kristine Joy Dollente na siyang naghahanda nito tuwing linggo. Dahil dito naging mas madaling sundan ang daloy ng pagsamba. 

Sa pamamagitan ng Committee on Pastor Parish Relation, napagdesisyunan ng simbahan na magsilbing training ground ng ating mga mag-aaral mula sa SPMCI. Sa kasalukuyan, mayroong dalawang mag-aaral na inihahanda bilang diyakonesa ng iglesia ang ginagabayan ng Founder UMC. Malaking tulong ang kanilang presensya sa pagpapasigla ng Tambourine, Acolytes, PAW, at Children Ministry. Naglaan din ng pundo ang iglesya pandagdag sa kanilang weekly allowance.  Ngayong Abril at Mayo, nakatakdang makipamuhay dito ang isa na naman AB Theology student sa katauhan ni Sandy Irish Tolinan.  Naging aktibo ang mga kasapi ng komitiba sa pagpapaalala sa mga kapatiran upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa sa kusina.

Sa inisyatiba ng Committee on Finance,  napapasalamatan natin ang mga kapatirang na isa bang lugar na patuloy na tumutulong sa Founder UMC. Mayroon din tayong inaasahan na aide mula sa Barangay Council ng Aringay na nagkakahalaga ng P5,000.00. Ito ay pundo inaasahang gamitin sa programa para sa mga kabataan.

Nakatulong ng malaki sa programa ng Committee on Christian Education ang mga Bible study materials mula sa ating distrito. Kasalukuyang ginagamit sa mga pagtitipon ng CoDiGroup.   Ang Covenant Discipleship Group Ministry o CoDiGroup ay buhay na buhay. Ang CoDiGroup sa Laud ay regular na dinadaluhan ng 17 na mga adult (kababaihan ang karamihan at dalawang UMM), hindi pa kasali ang maliliit ng mga bata. Ang CoDiGroup sa Centro ay regular na dinadaluhan ng 24 ng mga kabataan at matatanda, at apat ng mga bata. At ang CoDiGroup sa Daya ay regular na dinadaluhan ng 25 ng mga matatanda at 15 na mga bata. Ang Daya ang may pinakamaraming kasapi ng CoDiGroup. Nakapaglunsad din ng Inter-CoDiGroup Assembly noong nakaraang Agosto 2013. Sa tulong ng CoDiGroup ay nakakapagpadala tayo ng mga delegado sa mga pansona at pandestritong pagtitipon.

Ang Acolyte Ministry ay patuloy sa layunin nito na magkroon ng mas malalimang kaalaman sa mga “duties and responsibilities” ng mga acolyte. Sa kasalukuyan ay may 15 acolytes na ang nagsalitsalitan sa pagganp ng tungkulin (Worship leader, Bible Reader, communion stewards, candle lighter, etc) tuwing Linggo at sa iba pang serbisyo tulad ng kasal, binyag, libing at iba pa. Sa layuning maalala lagin ang mga responsibilidad ay nagkakaroon ng balik-aral or re-orientation dalawa beses sa isang conference year at pagkakataon na rin ito sa mga bagong kasapi. Noong ika-14 Setyembre 2013 ay nailunsad ang Balik-Aral kung saan dinaluhan din ng mga kalapit na simbahan dito sa Zone 2. Layunin ng gawaing ito na mapalawig pa ang Acolyte Minsitry at maisabuhay din ito sa ibang mga iglesya local. Noong December 17-18, 2013 ay nagkaroon ng Seminar-Workshop ang mga Theology Students sa SPMCI dito sa Founder UMC at nakibahagi ang mga Acolytes. Sa ngayon ay nangangalap ang Acolyte Ministry ng pundo upang makapagpatahi ng sotana o alba na isusuot ng mga interesadong acolyte na walang kakayanan na magpatahi ng sariling kasuotan.

Sa programa ng Children Ministry, ang Sabbath School ay matagumpay na naisasakutaparan sa itinakdang schedule nito kung saan regular na dinadaluhan ng 7 mga bata (average attendance for 12 Saturday). Sa CoDiGroup ng Daya at Centro ay nakapagsagawa ng mga Sunday School Classes for Children (14 Sundays). Umaabot ng 15 (average attendance)  mga bata ang regular na dumadalo sa klase. Marami sa mga batang dumadalo sa klase ay nahihikayat din makibahagi sa mga “Message in Song”, at sa mga caroling. Ang iba naman ay sa PAW Team Ministry. Marami ding mga batang dumadalo ay galing sa ibang church denomination. Kung saan natutulungan mahubog sa Kristiyanong disiplina.

Ang Tambourine Ministry ang isa sa mga buhay na buhay na ministeryo sa iglesya. Sa conference year na ito, naturuan ang mga kasapi ng tambourine ministry ng mga bagong pattern sa sayaw. May mga bagong miyembro na rin ang ministry ang aktibong dumadalo sa palihan at lingguhang pagsasayaw, lalong-lalo na sa hanay ng mga bata. Lumalago na rin ang iba sa kanila na pangunahan ang ministeryong ito. Malaking naitulong ang dalawang student deaconess natin na sina Diana Luz Omanga at Christal Joy Copio sa programa. 

Bagamat hindi naipagpatuloy na na-organisa ng apat na team para sa Praise and Worship Ministry, napanatili naman na buo ang ministeryong ito. Ang ilang mga kabataang mahilig sa musika ay natutong magtugtog ng mga available musical instruments. Ang mga pagsasanay ay natatapos na rin na mas maaga, hindi gaya ng dati. Naging disiplina na rin ng mga membro ng PAW Team na manalangin bago at matapos ang pagsasanay tuwing Sabado. Naging disiplinado na rin sa paggamit ng mga musical instruments. May mga lumalago na rin na mga second liner sa pangunguna ng Praise and Worship.

Sa program ng Membership Care Ministry, nagsimula ang Balik-Aral, Confirmation Class at Pre-Baptism Seminar noong First Sunday ng Enero at natapos nitong ika-23 ng Pebrero 2014.  Ito ay pinangangasiwaan ng ating mga Student Deaconesses na sina Diana Luz Omanga at Christal Joy Copio. Ginawa ang pag-aaral na ito matapos ang pagsamba tuwing Linggo. Mayroong limang kapatiran (kabataan) ang nagpatala sa Balik-Aral, 11 sa Confirmation Class, at 5 sa Pre-Baptism na nakatakdang italaga sa April 6, 2014.

Nailunsad ang BOT at BOI Meeting ng UMLCAI noong February 21, 2014. Ang pinag-usapan ay ang mga sumusunod na agenda:

§  UPDATINGS
§  SEC Registration Status
§  Preparation for DepED Permit to Operate
§  PTF Update/Teacher’s Update (Project since 2010 to 2014)
§  Barangay Aide/Support (Slide)
§  PLANNING
§  Checklist for the priority projects (Mini-Library Improvement, Admin Office Construction, Fence and Gate Construction, Fire Extinguishers)
§  Forthcoming Activities (Moving-up Schedule, Foundation Anniversary)
§  Affirmation of Commitment 
§  OTHER MATTERS

Sa Conference Year na ito, ang Parents-Teacher Fellowship sa pangunguna ng kanilang Pangulo na si Alma Cortez ay nakapag-donate ng swing, seesaw at monkey bar. Sa conference year din na ito ay nagkaloob ang Baranggay Council ng Aringay ng Aide na nagkakahalaga ng P10,000.00 sa pamamatnubay ni Baranggay Captain na si Hon. Jerry Manalo. Kinikilala ang inisyatiba nina kapatid Tessie Dollente at Hon. Igmedio Cortez upang matiyak ang pagkaka-release ng pundo. Ang pundong nabigay ng baranggay ay ginamit sa pagpapagawa ng karagdagang playground facilities (slide) at gagamitin din ang iba para sa pagpapabakod at construction ng school gate. Si Hon. Igmedio Cortez naman na kasalukuyang UMLCAI BOT Chairperson ay magkakaloob ng poste para sa pagpapagawa ng gate.  Sa inisyatiba rin ni kapatid na Ofelia Caliva, si Hon. George ay nahikayat na mag-donate sa paaralan ng isang set ng sound system.

Nilalayong maisumeti na sa DepEd ang requirements mula Marso hanggang Mayo sa taong ito. Inaasahang sa Hunyo ay mayroon na tayong permit to operate.

Malaking bagay sa pagsulong ng programa’t ministeryo ng iglesya ang pagkakaroon ng mga aktibong lay organizations. Ang mga kapatiran ng mga Metodistang kabataan ay aktibo sa mga gawain ng simbahan.  Nagiging kabahagi sa iba’t ibang ministeryo ng iglesya local at maging sa sona. Ang Sabado ng hapon ang nagsisilbing Fellowship Time ng mga kabataan, kasabay ang pagsasanay sa PAW Team at Tambourine Ministry. Nakapag-host ng isang pansonang gawain, Sport Festival, noong ika-8-10 ng Nobyembre 2013. Nakapagdiwang din ng UMYF Sunday noong ika-10 ng Nobyembre 2013. Nangalap ang mga kabataan ng pundo sa kagustuhang marami ang makadalo sa Christmas Institute 2013 na ginanap sa Canaan United Methodist Church. Nakapaglunsad ng mga income generating activities at projects at nakapagpadalo labing-isang (11) kabataan sa CI 2013. Aktibo ang mga kabataan sa mga programa ng simbahan tulad ng PAW Team, Tambourine, at Acolyte Ministry. Ang mga kabataang ay nag-iipon muna ng sapat na pundo para sa mga proyekto at karagdagang musical instruments.

Bagama’t walang regular na pulong ang nailunsad ang local ng balangay ng United Methodist Men, nakapagpapadala naman ng mga delegado sa mga pansona, distrito at anwal na gawain. Nakapag-host din ng isang pandestritong pulong. Pangunahing inaasahan ng iglesya local ang presensya UMM sa pagkukumpuni at renovation ng mga gusali ng iglesya. Sa darating noong ika-27 ng Pebrero 2014,  pinangunahan nila ang pagsasaayos ng bakod at gate ng simbahan. Makikita din ang presensya ng mga kalalakihang Metodista sa regular na pananambahan at mga CoDiGroup meetings.

Bagamat walang pulong at gawaing nagawa ang local na balangay ng mga kababaihang Metodista ng Aringay, naging aktibo naman sila sa iba pang gawain ng iglesya. Nakapagbibigay din ng kanilang mga apportionment at obligation sa distrito at kumperensya anwal. Nangunguna pa rin sa bilang ng mga dumadalo sa regular na pananambahan, CoDiGroup Meeting, at mga gawain sa pansona at pandestrito ang mga kababaihan. Inaasahan sa susunod na conference year ay makapagdaos ng mga local activity ang mga kababaihan.


Muling pinatunayan ng mga kapatiran sa Founder UMC ang kahalagahan ng pagkakaisa, paggalang at pagpapahalaga sa isa’t isa, ang pananampalatayang buhay at mapagpalaya. Ito ang patuloy nating ipinagdiriwang sa ika-77th Foundation Anniversary ng Founder UMC.  Sa Diyos ang papuri at ito ang ating nagpapatuloy na kuwento…. …(Rev. Jeric C. Cortado)




ANG MGA MANGGAGAWANG NAGING BAHAGI SA MINISTERYO NG FOUNDER UMC
(Not in order and subject for corrections)
  1. Rev. Catalino C. Guzman
  2. Rev. Cristino Hidaldo
  3. Rev. Isabelo Pacquing
  4. Rev. Amado Pidut
  5. Rev. Josue R. Guzman
  6. Rev. Roman Guiang
  7. Ptr. Batoon
  8. Ptr. Anselmo Lupdag
  9. Rev. Lorenzo Miguel (1978-81)
  10. Rev. Dominador Iniego (1981-82)
  11. Deaconess Phoebe Namoca (1982-84)
  12. Ptr. Edwin Rey Exiomo (1984-86)
  13. Ptr. Bodoy
  14. Rev. Norma Carasco
  15. Rev. Eduardo Suyamin
  16. Ptr. Dominador Corpuz
  17. Ptr. Minda Dupitas
  18. Ptr. Presco Dismas
  19. Ptr. Mary Ann Gabling-Noble (2006-2010)
  20. Rev. Jeric C. Cortado (June 1, 2010 to May 31, 2014)
  21. Deaconess Cristine de Guzman-Cortado (June 1, 2010 to May 31, 2014)




[1] Ang mga talang ito ay subject for correction, layon lamang na mayroon batayan sa pagtutuwid ng mga datos na nakalap. Anumang mga nakatala dito ay hango sa mga dokumento at memorabilia na naabutan ng naghanda nito at sa mga testimonya ng ilang mga susing kasapi ng Founder United Methodist Church, lalong-lalo na kina Mr. Apolonio Cortez Sr. at Rev. Juliet Exiomo. Isang malaking hamon sa local na komitiba ng History and Archives na makakuha ng karagdagang datos mula 1922 hanggang 2006. Napakahalaga ang mga datos na ito sapagkat maari itong makatulong upang matuldukan ang isyu kung saan unang naitatag ang Iglesya Metodista sa Mindanao. Alin nga ba sa tatlong iglesya (Pioneer UMC sa Mlang, Living Water UMC sa Katidtuan, at Founder UMC sa Aringay) ang nauna.

No comments:

Post a Comment