“ANG MAKULAY NA PAGLALAKBAY
NI CRISTO JESUS”
Isang Kuwento at mga Pagbubulay sa Misteryo ng
ating Pananalig
ni Rev. Jeric C. Cortado, 2008
MAGLAKBAY TAYO NGAYON UPANG DALAWIN ANG MGA
PANGYAYARI AT DAKO NA NAGSILBING BUKAL NG TANGLAW AT BALON NG MGA DAKILA…..
Ang
kuwento ng paglalakbay ni Jesus ay kuwentong naglalahad ng kanyang hamon. Ang
ipagpatuloy ang nasimulan niyang paglalakbay tungo sa kinabukasang may pag-asa.
Kung paanong tinahak nito ang mga mabato at baku-bakong daanan upang maabot ang
lahat. Gayon din naman ay maglakbay tayo ngayon upang dalawin ang mga pangyayari
at dako na nagsilbing bukal ng tanglaw at balon ng mga dakila. Sa kanyang
paglalakad nakakatagpo niya ang mga api at aba, ang mga namamalimos, mga bulag
at pilay, mga may karamdaman, at maging ang mga mayayaman at may pangalan sa
lipunan. Nakakasama sa kanyang paglalakbay ang mga katulad ng babaeng balo at
dinudugo. Naging kaibigan niya ang mga nawawalan na ng pag-asa dahil sa
kahirapan. Si Jesus ay nananatiling malapit sa lupa at sa mga anak ng lupa.
Nararamdaman niya ang init sa ilalim ng araw at ang lamig sa ilalim buwan. Alam
niya kung paano at kailan natutuyo ang damo. Alam nito kung saan ang mabatong
lupa, kung ano ang lupang nababalutan ng matitinik na damo. Kabisado niya ang
punong hindi namumunga, ang mga bulaklak sa kaparangan, at alam niya ang sinasabing
matabang lupa. Marami siyang naging kaibigang dulot ng mayamang pagsasama at
pasasalo ng mga makabuluhang karanasan. Natututo mula rito at nagiging
instrumento sa kanyang pagtuturo. Malinaw niyang naipapahayag na ang Diyos
Manlilikha ay parehong Diyos na nagsugo sa kanya.
SI JESUS AY HINATULAN NG KAMATAYAN NA GANAP NA
NAGHAYAG NG KATOTOHANAN…..
Tahimik
na nakatayo si Jesus sa harapan ni Pilato. Hindi mababakas ang pagnanais na
ipagtanggol ang sarili laban sa maraming habla sa kanya. Ang tanong ni Pilato
sa kanya,“Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Jesus, “Ito ang
dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita
tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan”
(Juan 18:35-38). Ang katotohanan na sinasabi ni Jesus ay hindi isang
pagpapaliwanag intelektwal lamang patungkol sa reyalidad. Ito ay patungkol sa
buhay na kaugnay sa kanya at sa Amang nagsugo. Ang katotohanang ito
ay hindi kayang unawain ng mga taong walang ugnayan sa kanya, na natali sa
makasariling interes at kagalingan gaya ni Pilato.
Sa
pakikipagkaisa kay Jesus, maririnig natin ang tinig ng Espiritu, at
makakapaglakbay tayo ng malayo at malawak, bilanggo man tayo o
malaya. Sapagkat ang tunay na pagiging bahagi ay nagkakaloob
sa atin ng kalayaang di kayang lupigin ng kapangyarihan ng kadiliman.
Pinaratangan man si Jesus ni Pilato at itinuring na kriminal, ngunit kahit
kailan ay hindi natinag ang pagka-Panginoon. Ang kamatayan ni Jesus ay hindi
kailanman naging kapahayagan ng kaparusahan sa kanya. Kundi ito’y naging daan
upang maihayag ang buong katotohanan na nagtataguyod ng ganap na kalayaan.
Nariyan ang panunupil ng mundo na hindi maiiwasan. Hindi dapat iwasan dahil ito
ang dahilan ng ating pag-iral sa mundong ito. Ang sabi pa ni Jesus, “Mapalad
ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat
makakasama sila sa kanyang kaharian” (Mateo 5:10).
PINASAN
NI JESUS ANG KRUS NA NAGLUWAL NG BAGONG SANGKATAUHAN……..
Ipinahagupit
ni Pilato si Jesus. Siya ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa pretoryo, at
nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Hinubaran nila si Jesus at
sinuutan ng isang balabal na pulang-pula. Naglikaw sila ng halamang matinik at
ipinutong sa kanya, saka pinapaghawak ng isang tambo sa kanyang kanang kamay.
At palibak siyang niluhud-luhuran at binati. “Mabuhay ang Hari ng mga
Judio!” Siya’y pinagluhuran, kinuha nila ang tambo at siya’y
pinaghahampas sa ulo. At matapos kutyain, kanilang inalisan ng balabal,
sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus (Mateo 27:28-31).
Dinaanan
ni Jesus ang lahat ng pahirap. Naging biktima ng mapanupil na estado at
imperyo. Ngunit ang biktimang ito ang bubuhay ng lakas at alab sa mga katulad
niya ring biktima. Ang paghihirap at kamatayan ni Jesus ay hudyat ng maraming
Cristong babangon. Sapagkat alam niya na ang alab ang pinakabuhay. Silang
mga biktima ng pagkagaham kaya’t nagugutom, silang mga biktima ng pandudukot at
pagkawala, silang mga pinahirapan at itinago sa lugar na di natin alam, silang
mga biktima ng extra-judicial killings. Sapilitang pinalikas sa kanilang
tirahan at napalayo sa kanilang pamilya. Silang nasadlak sa prostitusyon at pang-aalipin.
Silang mga inosente at mga naghahangad ng kasagutan sa marami nilang
katanungan, subalit walang nagpapaliwanag. Sa kanila ang sabi ni
Jesus,“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nagpapagal at nabibigatan sa
inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko” (Mateo 11:28).
Pinasan
ni Jesus ang krus sa kagalingan nating lahat. Isang sagisag na tayo ay iisa,
bahagi ng iisang katawan at diwang pumipiglas. Pasanin natin ang
pinapasan ni Jesus na krus at sumunod sa kanya. Sa gayon, matutuklasan natin na
tayo ay tunay na magkakapatid kay Jesu-Cristo na natututo sa kanya, na maamo at
mababang-loob. Sa kapaaranang ito lamang maisisilang sa ating kalagitnaan ang bagong
sangkatauhan.
SI
JESUS AY NABUWAL AT PATULOY NA NABUBUWAL NA HATID AY HAMONG HARAPIN ANG ATING
MGA KAHINAAN AT LABANAN ITO………
Nabuwal
si Jesus at nadaganan ng pasan niyang krus. Siya ay patuloy na nabubuwal. Sa
diwang ito, ipinapakilala sa atin si Jesus na hindi isang bayaning mananakop na
nagdanas ng paghihirap. Siya ay isinilang bilang anak ng Diyos at anak ni
Maria. Ordinaryong mamamayan sa maliit na dako ng Nazaret na nanguna
sa sangkatauhan upang pagtagumpayan ang kapangyarihan ng kadiliman. Siya ay
lumaking mapagpakumbaba kapiling ang ina nitong si Maria, amang si Jose, at mga
kapatid. Lumago siyang kasama ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay, at
tinanggap ang bautismo sa ilog Jordan.
Kung
saan ito yaong panahong narinig ni Jesus ang tinig na tumimo sa kanyang puso. “Ito
ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” (Mateo 3:17). Ang
tinig na nagdala sa kanya upang matukoy ang kanyang pagkatao at dahilan ng
pag-iral sa mundo. Ang tinig na nagsilbing sanggalang mula sa kahirapan, pagkainggit,
at paghihiganti. Si Jesus ay nabuwal sa tabi ng krus upang hayaan maihayag ang
ating mapagkumbabang pagkatao. Sinabi ni Jesus na huwag matakot na harapin ang
ating mga kahinaan at labanan ito. Nais ni Jesus na ating matuklasan na sa
likod ng mga pagtanggi at pag-iwan ng iba sa ating paninindigan ay naroon ang
tunay at walang hanggang pag-ibig. Isang pag-ibig na nagmumula sa Diyos upang
hindi hayaang nag-iisa ang kanyang mga anak.
ANG
PAGTATAGPO NI JESUS AT NG KANYANG INANG SI MARIA………
Sa
pagpasan ni Jesus ng krus patungong kalbaryo ay nakatagpo niya ang kanyang
inang si Maria. Pinagmasdan ni Maria si Jesus sa kanyang mga mata at
alam niya na ito na ang oras na sinasabi ng anak noong sila’y nasa Cana. Noong
humingi si Maria ng tulong sa kanyang anak dahil nauubos na ang alak sa
kasalang dinaluhan nila, ang tugon ni Jesus,“Ginang, hindi pa ito ang
panahon ko” (Juan 2:4). Ngayon, ang paghihirap ni Jesus at pagdadalamhati
ni Maria ay nagsanib sa isang malalim na pagka-unawa sa oras. Kung saan matutupad
na ang pagliligtas ng Diyos para sa kanyang bayan. Hindi magtatagal, tatayo si
Maria sa paanan ng krus at itatagubilin ni Jesus kay Juan, ang minamahal niyang
alagad, ang kanyang ina. At ito nga ang naganap, nang makita ni Jesus ang
kanyang Inang si Maria, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang
sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito
ang iyong ina” (Juan 19-26-27). Ang pagdadalamhati ni Maria ay hindi
lamang para sa kanyang anak na si Jesus, kundi maging sa lahat na mga anak na
nagtitiis at naghihirap. Siya ay ina ng mga anak na biktima ng karahasan at
panunupil.
Tumayo
si Maria sa paanan ng krus, tinititigan ang bawat isang natutuksong maghulagpos
sa kinasasadlakang paghihirap upang maghiganti. Ang kanyang pagdadalamhati ay
nagturo sa kanyang puso na maging isang pusong yumayakap sa lahat ng kanyang
mga anak, saan man sila umiiral. Nag-aalay ng pagmamahal at pag-aaruga sa mga
minamahal na anak. Ang daang tinahak ni Jesus ay daang patungo sa kailaliman ng
mga pusong naghihirap. Patungo sa kalagayan ng mga abang pilit makahulagpos sa
kahirapan upang danasin ang tunay na malayang pamumuhay. Ito rin yaong daang
piniling tahakin ni Maria at ng marami pang Maria. Kung saan ang digmaan ay
dumadating at umaalis, at bumabalik uli. Ang mga mapang-aping uri ay
dumadating at umaalis, at babalik muli. Isang katotohanang nais sa atin ay
mailinaw upang harapin at pagtagumpayan.
Sa
gitna ng ating mga pagpupunyagi, manatiling panghawakan ang paninindigang
kasama si Jesus. Ang hinagpis, ang mga luha ni Maria at ng marami pang Maria sa
kasalukuyan, kasama si Jesus ay magsilbi nawang gabay natin at ilaw sa patuloy
na paglalakbay tungo sa tunay na malayang lipunan.
TINULUNGAN
NI SIMEON SI JESUS SA PAGPASAN NG KRUS NA NAGHAYAG NG HAMONG HAYAANG MARINIG
NATIN ANG DAING SA KAPALIGIRAN…….
Tayo
ay laging abala, kaliwa’t kanan ang pinagkakaabalahan. Laging nakatuon sa lahat
ng bagay na mabibili ng pera. Bihira lamang naiisip at nararamdamang tayo pala
ay bahagi ng iisa, at tayo pala ay may kasama. Madalas hindi natin nakikita ang
halaga ng pagsasama-sama, ng pagsasalo-salo, at ng pananalangin bilang isang
pamilya. Hindi natin napapansin ang mga ngiti at ang panahong iginugugol ng
bawat isang nagmamahal sa atin. Dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay na
inaakala nating higit na mahalaga.
Habang
pasan ni Jesus ang krus, inutusan ng mga sundalo ang isang taong taga-Cyrene,
na nagngangalang Simeon upang tulungan sa pinapasang krus si Jesus. Sapagkat
halos di na nito kayang pasanin dulot ng latay at pagpapahirap na tinamo. Isang
tagpo na naghahayag ng katotohanang kailangan tayo ni Jesus upang ipagpatuloy
ang kanyang misyon. Kailangan niya ang bawat isa upang pasanin ang krus kasama
niya at para sa kanya. Siya ay pumarito upang ituro sa atin ang daan patungo sa
Ama. Siya ay pumarito upang alayan tayo ng bagong tirahan, pagkalooban ng
bagong kamalayan, at ilagay sa tunay na katiyakan ng buhay. Hindi siya pumarito
upang kumilos na nag-iisa lang. Siya ay pumarito upang ipahayag sa atin ang
kahalagahan ng pagkakaisa.
Para
kay Jesus, ang maging tagapagligtas ng mundo ay nangangailangan ng bukas na
partisipasyon ng bayan ng Diyos upang pasanin ang krus kasama siya. Ang
panawagan ni Jesus ay isang panawagang madalas sumisibol sapamamagitan ng mga
iyak at hinagpis ng mga aba. Sa pamamagitan ng mga aping nagpupunyaging
makahulagpos sa kinasasapitang pagdurusa. Ang kailangan lamang natin ay
pagkalooban ng pagkakataon ang sarili na lingunin ang kapwa at tunghayan ang
kanilang kalagayan. Hayaan ang ating kapaligiran at kalikasan ay maghayag ng
kanyang karaingan.
ANG
DUGUANG MUKHA NI JESUS SA BELO NI VERONICA AY SUMASAGISAG SA IBA’T IBANG MUKHA
NG KARAHASAN……..
Naging
kasama ni Jesus si Veronica sa pagtuturo, pagpapagaling sa mga maysakit, at
pangangaral patungkol sa paghahari ng Diyos. Naging sentro ng buhay ni Veronica
si Jesus. Ang kalagayan ni Jesus habang pasan ang krus ay nagtulak sa kanya
upang lapitan ito. Damang-dama niya ang paghihirap na dinaranas ni Jesus sa mga
panahon iyon. Nais niyang tulungan si Jesus subalit di niya alam kung paano.
Nang makita nito si Jesus na pinagkakaguluhan ng mga tao habang pinapasan ang
krus patungong kalbaryo. Siya ay lumapit at pinunasan ang duguang mukha ni
Jesus sa kanyang belo. Ang duguang mukha ni Jesus ay sumasagisag sa maraming
mukha ng kahirapan. Sa mga mukha ng maraming biktima ng karahasan sa iba’t
ibang anyo at kaparaanan. Ang duguang mukha ni Jesus ay sumasagisag sa mga
mukhang nagdanas ng pagtitiis, panggigipit at panunupil. Si Veronica ay isang
babaeng taglay ang hinagpis gaya ng maraming kababaihang pilit makahulagpos sa
mapang-aping sistema ng lipunan. Sa mga katulad niya ay maririnig ang maraming
inang nagtatanong at nanaghoy, “Bakit ninyo tinangay ang aking anak,
ang aking kapatid, ang aking kabiyak?” “Saan ninyo sila dinala?” “Ano ang
ginawa ninyo sa kanila?” Ang pagdadalamhati ni Veronica ay
masasaksihan din natin ngayon sa lahat ng sulok ng daigdig na nagpapatuloy ang
digmaan at karahasan. Si Veronica ay sumasagisag sa mga patuloy na naghihintay
na daratal ang pag-asa.
NABUWAL
SI JESUS SA IKALAWANG PAGKAKATAON DULOT NG BUONG LAKAS NA PAGLILINGKOD AT
PAGTATAKSIL NG TAO……….
Noong
si Jesus ay nabuwal sa ikalawang pagkakataon. Hindi ito dahil sa napakabigat ng
krus na pinasan nito, kundi dahil sa kirot at pagod na dinanas mula sa
pagpapahirap sa kanya ng mga ahente ng imperyo. Nabuhos din ang kanyang lakas
sa walang kapagurang paglilingkod sa kapwa bllang pagtalima sa kalooban ng
Amang nagsugo sa kanya. Ipinagkaloob niya ang kanyang panahon at lakas sa
pangangaral, sa pag-abot sa masa, pakikipamuhay sa kanila at pag-oorgnisa.
Habang tumatagal at papalapit sa lunsod ng Jerusalem ay nararamdaman niya ang
tumitinding panunupil ng papet na rehimen noon at pasistang mananakop. Isang
salik din na ikinahina ng kanyang pisikal na katawan ang pagtataksil ng mga
alagad. Hindi naiwasang mabuwal ang bugbog saradong katawan ni Jesus habang
pinapasan ang krus. Alam ni Jesus na sa ganoong kalagayan ayaw
nating sumunod sa kanya. Alam ni Jesus na maraming nakahandang talikuran siya
at iwanan sa kanyang kalagayan.
Sa
kalagayan ng ating bansa noon hanggang ngayon, hindi pa sa pagkakalugmok sa
kawalan ang mamamayan ng bansang Pilipinas ay naghihirap. Kundi sa katrayduran
ng mga lingkod na iniluklok ng mamamayan. Pagiging ganid at kawalan ng pakialam
ng marami sa atin bilang mamamayan sa mga nagaganap sa kapaligiran. Ang lahat
ng bagay ay tila isang malaking kabiguan. Ang lahat ng ating mga pagsusumikap
ay tila nauuwi sa wala. Ang mga pangarap ay watak-watak. Ang mga pagkilos ay
buhol-buhol at ang mga gawain ay walang direksyon. Pasan lahat ito ni Jesus,
pasan ng duguan niyang katawan na ibinuwal ng marami nating pagkukulang at
kasalanan. Ang ating pag-aalala sa ikalawang pagkakataong pagkabuwal ni Jesus
ay naghahayag ng pag-asa. Ang pag-asang magbubuklod sa atin sa isang bagong pamamaraan.
Naghahayag sa isang maaliwalas na direksyon ng buhay, sa isang mapayapa at
makatarungang lipunan.
HUWAG
NINYO AKONG TANGISAN, ANG TANGISAN NINYO’Y ANG INYONG SARILI……..
Habang
nilalakad ni Jesus ang daan patungong kalbaryo at hinaharap ang kamatayan sa
krus. Ang mga babae sa Jerusalem ay nananaghoy at nananambitan para sa kanya.
Gawi na sa Jerusalem na may mga babaing nananaghoy at nananambitan para sa mga
bibitayin na mga kriminal. Gawi na rin na maging tagapagdulot ng alak na may
halong pampakalma. Sila ang tinagurian noon na mga “crying ladies” sa
Jerusalem. Ang kanilang mga panaghoy at pananambitan ay maituturing na Gawa ng
Awa. Subalit ang tugon ni Jesus sa kanilang ginawa ay ganito, “Mga
kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan. Ang tangisan ninyo’y ang
inyong sarili at ang inyong mga anak” (Lucas 23:28). Ang tinutukoy ni
Jesus ay ang nalalapit na pagbagsak ng mapang-aliping imperyo at papet na
rehimen. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang lahat ng digmaan at karahasang dadating
sa sangkatauhan. Kung ibig nating tangisan si Jesus ay tangisan natin ang
naghihirap na sangkatauhan, na siyang dahilan ng pagparito ni Jesus. Kung
talagang nalulungkot tayo dahil sa paghihirap na nararanasan ni Jesus sa daan
patungong kalbaryo, isama natin sa ating mga kalungkutan ang lahat ng mga
kababaihan, mga kalalakihan, mga kabataan na naghihirap din sa kasalukuyang
lipunan. Silang mga nahirati sa sikil na kultura, sakal na ekonomiya, at supil
na pulitika. Kung ating iniiyakan ang kamatayan ng inosenteng anak ng
taga-Nasaret, ang ating mga luha nawa’y aabot sa milyon-milyong mga inosente sa
lahat ng dako ng mundo. Silang gaya ni Jesus na nakaranas ng
pagpapahirap, pagtatakwil, pagtataksil, at paniniil. Silang mga naidadagdag sa
humahabang listahan ng mga biktima ng karahasan at inhustisya.
Itinuturing
ng ilan na ang pagtangis at pananaghoy ay sagisag ng kahinaan. Ngunit
alalahanin natin na si Jesus mandin ay tumangis. Tumangis sa kalagayan ng
Jerusalem at ng maraming aba at hikahos. Ibig sabihin, ang ating mga
pagtangis at luha ay umuugnay sa atin sa isang malalim na pagninilay sa
lumalalang karukhaan. Ang ating mga pagtangis at luha ay naghahain ng isang
banayad at napapanahong pagtugon. Ang ating mga pagtangis at luha ay magdadala
sa atin sa puso ni Jesus na nagdalamhati’t tumatangis para sa ating lahat. Sa
ating mga pagtangis para kay Jesus ay dinadala tayo sa kanyang puso. Kung saan
matutuklasan ang pinakadalisay na katugunan sa ating mga kabiguan at
pagkukulang.
SI
JESUS AY NABUWAL UPANG TURUAN TAYONG MAGPAKUMBABA…….
Noong
si Jesus ay nabuwal sa ikatlong pagkakataon, taglay niya ang lahat ng
kalungkutan at kawalang pag-asang kinasasadlakan ng sangkatauhan. Halos hindi
na siya makabangon kung walang tutulong sa kanya. Walang banayad na pag-abot ng
kamay sa kanya upang tumulong na makabangon uli sa kanyang pagkakabuwal. Sa
halip, ang kanyang bukas na kamay ay hinampas ng kalupitan at hinatak ang
katawan nitong duguan ng mga ahente ng karahasan. Si Jesus, ang Ilaw na
nagliliwanag sa kadiliman, ay nabuwal upang turuan tayong yumuko at
magpakumbaba. Sa gayon ay maabot natin at makadaupang palad si Jesus. Magkaroon
ng pagkakataon na ipakita sa kanya ang ating pag-ibig at katapatan sa isang
mapagpakumbabang kalagayan.
Subalit
tayo ay abala sa ibang mga bagay na hindi natin napapansin. Ang pagkabuwal ni
Jesus sa ikatlong pagkakataon ay naghahangad ng kabalikat upang bumangon at
gawing ganap ang misyon. Ang pagkabuwal ni Jesus sa ikatlong pagkakataon ay
naglalahad ng mga posibilidad upang maranasan ang Diyos. Maabot ang marami
nating kapatid na nangangailangan ng ating pagkalinga at paglilingkod bilang
iglesya. Ang bukas na kamay ni Jesus sa kanyang pagkakabuwal ay naghahain ng
biyaya ng pagtanggap at pagliligtas sa isang abang kaparaanan.
SI
JESUS AY HINUBADAN NG PAGKILALA AT PAGGALANG……..
Kinuha
ng mga kawal ang kasuutan ni Jesus. Nagsapalaran kung sino sa kanila ang
mag-uuwi at magmamay-ari ng kasuutan ni Jesus (Juan 19:24). Si Jesus na
kapahayagan ng hindi natin nakikitang Diyos ay hinubadan ng pagkilala at
paggalang. Inilagay sa isang bulnerableng kalagayan. Subalit sa
kalagayang ito, ang misteryo ng ating pananalig ay nahayag sa lahat. Pinili ng
Diyos na mahayag ang misteryong ito sa paghihirap. Kung saan ang mga
magagandang tanawin ay wasak, ang paligid ay pinatahimik ng nakasusulasok ng
maiitim na usok, ang mga marurunong at “skilled people” ay inalipin, at ang mga
nagniningning ay tinangay. Mas pinili ng Diyos na mahayag sa ganitong kalagayan
sa pamamagitan ni Cristo-Jesus.
Ang
hubad na katawan ni Jesus ay naghahayag sa atin ng matinding paghamak. Kung
saan ang marami sa ating kapwa sa lahat ng sulok ng daigdig ay nagdanas din
nito sa mahabang panahon. Malimit ating iniisip ang buhay ay tila isang
paglalakbay tungo sa tuktok ng Bundok Apo. Kung saan doon mararanasan ang
maginhawang buhay, ang magandang kapaligiran, at matatanaw ang lahat ng ating
ibig na marating sa mundong ito. Taliwas ito sa paglalakbay ni Jesus. Sa
kay Jesus, ang buhay ay isang paglalakbay na humaharap sa lumalagong hamon upang
iwanan ang mga pansarili nating nasa at tagumpay. Iwanan ang sariling pangarap
upang itaguyod ang pangarap ng Diyos. Ang kagalakan at kapayapaang
inihain ni Jesus ay nakapinid sa daan patungong krus. Naroon ang pag-asa, ang
tagumpay, at bagong buhay sa krus. Ang sabi ni Jesus, “Ang naghahangad
magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito. Ngunit ang mag-alay ng
kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon”(Lucas 9:24). Inalis
kay Jesus ang kanyang kasuutan bilang hari. Sa gayon ay hayaan tayong yakapin
siya sa ating kahirapan, at sa kahirapang dinaranas ng marami nating kababayan.
Matuto tayong magbigay at magpatawad, kumalinga, tumulong, at buuhin ang hanay
na tutugon sa pagsusulong ng tunay na kapayapaan.
ANG
SUGATANG KATAWAN NI JESUS NA NAKABAYUBAY SA KRUS AY KAPAHAYAGAN NA ANG PAG-ASA
AY MULA MISMO SA ATING MGA SINAPUPUNAN .……
Sa
bawat araw, sa bawat oras at minuto ay marami ang namamatay. Sila ay namatay ng
biglaan o paunt-unti, sa mga lansangan o sa isang komportableng tahanan, na
nag-iisa o napapaligiran ng mga kaibigan at pamilya, sa tindi karamdaman o
simpleng sakit lamang. Ang iba ay nahirapan pa bago binawian ng buhay,
samantalang ang iba naman ay tila natutulog lang. Ang kamatayan ay
reyalidad ng buhay sa pang-araw-araw nating paglalakbay.
Si
Jesus ay naipako sa krus at namatay sa pagitan ng dalawang lalaking pinarusahan
din ng kamatayan. Isa sa kanila ang nagwika sa isa, “Matuwid lamang na
tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa. Ngunit ang taong ito’y
walang ginawang masama” (Lucas 23:41). Ipinako si Jesus para sa iba,
at sa kanyang kamatayan sa krus ay walang anumang balak maghiganti. Ang
kamatayan ni Jesus ay nagsilang ng maraming buhay upang patuloy na isulong ang
kanyang nasimulan. Habang inaalala ang sugatang katawan ni Jesus na nakabayubay
sa krus, maalala sana natin ang maraming kababayan na namamatay sa tindi ng
gutom, sa walang pakundangan giyera sa Mindanao, sa sunod-sunod na pagbaha,
bagyo, at lindol.
Sa
kamatayan ni Jesus sa krus ang Diyos ay nahayag upang magkaloob ng lakas at
pag-asa. Mahayag sa atin ang lakas at pag-asang mula mismo sa ating mga bisig,
sinapupunan, at kalagayan.
ANG
KAMATAYAN NI JESUS ANG NAGPABUWAL SA LAHAT NG PUWERSA NG KAMATAYAN…….
Namatay
si Jesus sa krus. Pinatay siya sa hatol ni Pilato na nakabatay sa takot na
mapaalis sa puwesto. Pinatay si Jesus sa malupit na kapangyarihan ng Emperyong
Roma. Namatay siya sa kamay ng mga naghaharing uri noon at hanggang sa
kasalukuyan. Ang kamatayan ni Jesus sa krus ay kamatayan ng Salita na sa “pamamagitan
niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa
pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng
sangkatuhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi
ng kadiliman” (Juan 1:3-5). Ang kamatayan ni Jesus sa krus ay
kamatayan ng takot. Ang lahat ng nanananalig sa kanya ay pinagkalooban nito ng
kapangyarihan na maging anak ng Diyos. Kung saan ang anak ng Diyos ay pinalakas
upang harapin ang buhay kung saan ang kamatayan ay walang kapangyarihan. Sa
kamatayan ni Jesus, tinalo niya ang kapangyarihan ng kamatayan. Inalis ang
madilim na bahagi sa ating mga puso na nagtutulak sa atin upang sumuko sa
kapangyarihan ng kamatayan.Tinalo niya ang madilim na bahagi sa ating lipunan
na nagtutulak sa atin upang maging biktima ng karahasan at kapahamakan. Sinabi
pa ni Apostol Pablo, “nang dumating si Cristo Jesus na ating
tagapagligtas. Nilupig niya ang kamatayan at inihayag ang buhay na walang
hanggan sa pamamagitan ng Mabuting Balita” (2 Timoteo 1:10). Ang
kamatayan ni Jesus ang nagpabuwal sa lahat ng puwersa ng kamatayan at “pinalaya
niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa
kamatayan” (Hebreo 2:15).
SI
JESUS AY IBINABA MULA SA KRUS UPANG IPAALALA SA ATIN NA WALA TAYONG KAKAYANANG
UMIBIG KUNG TAYO’Y UMIIWAS NA MABIGO AT MASAKTAN……….
Matapos
masiguro ni Pilato ang kamatayan ni Jesus. Pumayag siyang kunin ni Jose na
taga-Aramatea, isang iginagalang na kagawad ng Sanedrin ang mga labi nito.
Bumili ito ng kayong lino, at nang maibaba na ang bangkay ni Jesus ay kanya ito
ginamit sa pagbalot. Ang lahat ay nasaksihan ni Maria Magdalena at ni Mariang
ina ni Jesus (Marcos 15:42-45).
Parang
kailan lang nang binasbasan ni Simeon ang mag-inang Maria at Jesus. Sinabi ni
Simeon kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa
ikapapahamak o ikaliligtas ng marami….isang tanda mula sa Diyos ngunit
hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang
puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw” (Lucas 2:34-35). Habang
ibinababa at ibinibigay sa mga bisig ni Maria ang walang buhay na anak niyang
si Jesus. Unti-unting nagkakatotoo ang sinabi ng matandang si Simeon kay Maria
ang dalamhati ng ina ay singlalim ng kanyang pagmamahal sa anak. Habang nasa
kanyang bisig ang walang buhay na anak, tila bagang nag-iisa na lamang siya.
Ang kanyang pag-ibig sa anak ay nagdala sa kanya sa dalamhati.
Sadyang
ang tunay na umiibig ay handang yakapin ang dalamhati. Ang ibigin ang Diyos ng
buong puso, buong pag-iisip, buong lakas ay nagdadala sa ating mga puso sa
isang malaking kalungkutan. “Inibig mo ba ako?” yan ang tanong ni Jesus nang
maikatlong beses sa atin. At kung ang ating tugon, “Opo, Panginoon, nalalaman
ninyong iniibig ko kayo.” Ang muling tugon ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga
batang tupa” (Juan 21:15-16). Walang umiiral na pag-ibig na hindi nakakaranas
ng pagdadalamhati, at walang tagumpay kung walang kabiguan. Wala tayong
kakayanang umibig kung tayo’y umiiwas na mabigo at masaktan.
SI
JESUS NA INIHIMLAY SA LIBINGAN AY NAGLALARAWAN NG PAGPAPAHINGA UPANG HUMUGOT NG
LAKAS SA PAGPAPATULOY NG GAWAIN……
Inilagay
ang bangkay ni Jesus sa isang libingang inuka sa tagiliran ng dalisdis na bato.
Pagkatapos, iginulong ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan (Marcos
15:46). Sumunod kay Jose na taga-Arimatea ang mga babaeng sumama kay Jesus
mula sa Galilia, at nakita nila ang pinaglibingan, pati ang pagkakalagay doon
ng bangkay ni Jesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira.
Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa itinakda ng
Kautusan (Lucas 23:55-56). Nagkaroon ng malalimang pamamahinga. Ito ay
pagpapahinga upang humugot ng lakas upang magpatuloy sa mga nasimulang
paglilingkod. Si Jesus at ang mga kababaihang tapat na alagad nito ay
sumasagisag sa buhay na aktibo sa gawain ng pagpapalaya at pagbabago.
Sumasagisag sa isang kilusang naglalakbay sa isang malikhaing paglilingkod
tungo sa ikapagtataguyod ng isang malayang kultura, lumalagong ekonomiya, at
mapagpalayang pulitika, na siyang diwa ng buhay na ganap at kasiya-siya.
Anumang ginagawa natin sa buhay ay ipinapaalala sa atin ang kahalagahan ng
kaugnayan natin sa banal na pamamahingang naganap sa Sabadong yaon.
AT SA
KAY CRISTO TAYO’Y MATUTO, NA PAGLINGKURAN, ANG SAMBAYANAN …
Ang
makulay na paglalakbay ni Jesus ay patunay na gayon na lamang ang pag-ibig ng
Diyos sa sanlibutan. Ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang
sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang
hanggan (Juan 3:16). Iniwan niya ang hamong humayo tayong taglay ang kapayapaan
mula sa Diyos. Humayo tayong nakatanim sa isipan ang mga narinig at
pinagnilayang aralin, kuwento, kasaysayan, at testimonya ng pananampalataya.
Kapayapaan,
nawa’y manahan. Gawaran ng Dios, ng kalakasan. At sa kay Cristo tayo’y matuto,
na paglingkuran, ang sambayanan.
Amen.
++++++++++++
MGA
PINAGBATAYAN
1. Balasuriya,
Tissa.omi. The Eucharist and Human Liberation. USA: Orbis Books, 1977.
2. Glatzer,
Nahum N. (ed.) THE PASSOVER HAGGADAH. USA: Schocken Books.
3. Nouwen,
Henri. WALK WITH JESUS: Stations of the Cross. Philippines: St Pauls, 1994.
4. Lent
1990: Women’s Witness to the Cross. Philippines: Center for Mindanao Missions,
1990.
No comments:
Post a Comment