Tuesday, May 31, 2016

“SALO-SALO”

“SALO-SALO”[1]
Isang Pagninilay sa Dulang ng Panginoon
Jeric C. Cortado, July 2006 

Pastor: Ang lupa at ang mga bunga nito ay biyaya ng Diyos na dapat matamasa ng lahat. Sa ating pagsasalo-salo, ating alalahanin ang mga magsasakang may dahilan bakit may makakain tayo ngayon.

Rodel: Nakakalungkot nga lang isipin na silng nagbubungkal ng lupa, nagtanim ay sila ngayon ang walang makain.

Greg: Maalala ko rin sa pagsasalong ito, ang mga manggagawa sa Hacienda Luisita, na sa sahod ay binabarat at hinaharas dahil sa pagpapahayag ng kanilang lehitimong daing.
Manny: Nakakalungkot isipin na ang mga magsasaka sa kanayunan, mayorya sa bilang ay pinagsasamantalahan ng iilang monopolista sa lupa at gahaman.

Carol: Maalala ko rin sa diwang ito ang buhay ng ating mga manggagawa sa iglesya, mga taong simbahan na nagbuwis ng buhay upang isulong ang hustisya at kapayapaan.

Ferds: Oo nga, si Fr. William Tadena, Rev. Edison Lapuz, Rev. Raul Domingo, si kapatid Noli Capulong.

Carol: Si Pepe Manegdeg, si Ptr. Isaias Sta. Rosa at marami pang iba.

Pastor: Hay naku! Habang ang lipunan ay naghahangad ng malayang buhay at kapayapaan. Sumasampalataya tayo na si Cristo ang ganap na kapayapaan (tutugon ang grupo ng Amen!).  Ating inaalala ang kanyang salita, ang pagkakaloob niya ng kanyang buhay, at ang kalakasang kaloob ng Santo Espiritu.

Berlin: Pero, ano nga ba yong dinaluhan ni Jesus? Hapunang pampaskuwa ba yon? O regular lang na hapunan? (sasabihin ito habang nakatingin kay Jeric)

Jeric: Well….(tatahimik)..hindi ko alam. Ewan. Mahalaga pa bang alamin yon? Kailangan bang pagtalunan yon?

Leah: Eh di itanong mo kay Pastor.

Pastor: Ang tingnan natin dito ay ang mga pangyayari sa salo-salong yaon. Noong gabi bago siya hulihin, kanyang kinuha ang tinapay, hinati at ipinamahagi sa kanyang mga alagad. At kanyang sinabi: “Tanggapin ninyo at kainin…ito ang aking katawan…ibinigay para sa inyo at sa lahat. Gayundin, kanyang kinuha ang saro at nagpasalamat. At kanyang sinabi: Ito ang aking dugo na aking inaalay sa inyo para sa inyong kasalanan. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin.

Leah: Pero pwede po bang humirit?

Pastor: Ano naman yon?

Leah: Sa salo-salong yaon, may mga babae rin kaya doon?

Rodel: Maari ngang meron.

Greg: Posible ngang sila ang naghanda ng hapunan eh.

Manny: Ngunit wala naman akong nababasa sa BIbliya na may mga babae sa tagpong iyon. Basahin mo sa Mateo 26, may makikita ka ba doong babae?

Ferds: Sa Markos 14, sa Lucas 22, at I Corinto 11, may sinasabi ba? Wala eh.

Carol: Pero possible ngang mayroon kababaihan sa ganoong pagtitipon. Ngunit dahil sa patriyarkal ng kalagayang panlipunan, hindi binabanggit ang babae. Ang partisipasyon ng mga kababaihan sa mga pagtitipon na hindi lang tagahanda ng pagkain, kundi kasama sa diskurso.

Berlin: Katulad ng ipinapakita sa pagtitipong naganao sa bahay ng magkapatid na Maria at Marta. Sa Lucas 10, habang si Marta ay abala sa paghahanda ng pagkain sa mga nagpupulong. Si Maria naman ay naandoon…maganda ang pagkakaupo sa paanan ni Jesus, at possible nakikipagbalitaktakan din yon.

Jeric: Sa lahat ng gawain ni Jesus laging naroon ang mga kababaihan.

Leah: So…may mga kababaihan sa hapunang yon?

Pastor: Posible nga… Sa diwang ito sa ating pagsasalo-salo, sa gitna ng karukhaang dulot ng karahasan.

Leah: Ating ipagdiwang ang kasaganaan at pag-asa.

Pastor: Sa gitna ng pagsasamantala at pang-aalipin.

Rodel: Ating ipagdiwang at pag-alabin ang pangako ng paglilingkos at kalayaan.

Pastor: Sa gitna ng ating mga pag-aalinlangan, panghihina ng loob sa walang pakundangang karahasan sa kanayunan at kalunsurang nararanasan.

Carol: Ating itaguyod ang pangako ng pananampalataya.

Pastor: Sa gitna ng pananakot at pagtatraydor.

Manny: Ating isulong ang pangako ng katapatan.

Pastor: Patuloy nating ipagdiwang ang isang buhay na Cristo sa ating kalagitnaan. Bilang katawan ni Cristo, maging tinapay din tayo ng pagbabago. Ang dugo ni Cristo, ang saro ng kalayaan.

Lahat: Ating tanggapin!

Curtain!



[1] Una itong ginamit sa ginawang LITURHIYA NG LUPA AT MGA MAGSASAKA (Thursday Chapel)  noong ika-14 ng Hulyo, 2006 ng Union Theological Seminary.

No comments:

Post a Comment